
Nagnanaknak ang mga alamat
ng aking bayan. Sapo ng alaala
sa sugatan niyang palad
ang mga hindi napaghilom
ng panahon: pagkabaliw
ng mga diwata, pagsiksik
ng mga manananggal at tikbalang
sa pinakasulok ng takot,
pananahanan ng mga multo
sa lahat ng kawalang-malay
na tinalikuran ng lungsod,
paglíkas ng mga anito sa gunita
ng mga pananalig. Mahiwaga rito,
babala ng mangkukulam
sa tinik sa ating talampakan
samantalang inililigaw ako
ng paanyaya niya upang iwan
ang hawak na sigpaw
at lusungin ang hikbi ng agos
sa mga batong nilulumot.
Lagi’y rumaragasa
ang paghahangad
na iwan ang nakaraan.
Lumingon sa pinanggalingan,
bulong ng sirena sa alon
sa tuwing tinatangay ako ng ilog
sa dagat ng kawalang-katiyakan.
Subalit ang natatagpuan ko
ay asin lamang sa dalampasigan.
Magtatanong ang mga tiyanak
na nalulunod sa hiwaga ng gabi:
saan nagmula ang buwan?
At mararamdaman ang kirot
sa pagkaligaw ng isipan
sa kanilang lupain.
Buwan ang gamot sa mga taon,
buntong-hininga ng nuno
sa punso, habang pinagmamasdan
ang papalayong liwanag
ng mga alitaptap. At saka ako
rin ay lilisan: sakbibi ang hapdi
sa mga di-nagpabinyag na pangalan
na nananahanan, nananangan
sa mga kuwentong di na pinakikinggan.
(This poem is the opening poem of the collection “Tayong Lumalakad Nang Matulin,” which won Grand Prize in the Palanca in 2004. It is also included in my poetry book Samantalang Sakop at Iniibig: Panibagong Tulambuhay, published by Ateneo de Naga University Press in 2018. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this poem in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)
Leave a Reply