
NANG LUMABAS ANG NOBELA kong Walong Diwata ng Pagkahulog, hindi iilan ang nagtanong kung ako raw ba si Daniel, o kung ilang porsiyento niya ang nagmula sa sarili kong karanasan. Noong una’y hindi ko sinasagot iyon. Tinatawanan pa kung minsan. Hindi naman bago iyon––na tingnan ang nobela ng isang manunulat bilang pagsasakatha ng buhay niya. Lalo pa nga ang isang unang nobela. Kahit nga ang isang katha na ang rabaw ay malayong-malayo sa buhay ng may-akda, nagagawan ng paraan ng mambabasa na tingnan bilang awtobiyograpikong nobela pa rin. Nagmumukhang isang imbestigasyon ang pagbabasa, at testimonya ang nobela ng isang totoong buhay. Tulad ng isang testimonya, may mga maling detalye, na maaaring sinadya para protektahan ang iba o ang sarili. O mali dahil nagkakamali rin ang alaala, o dahil hindi naman laging detalye ang inaalala sa pag-alala. Minsan ay mas matingkad ang emosyon, ang kabiguan o ang pag-asa, ang kahulugan na nasa loob ng karanasan kaysa sa mismong pangyayari. Naaalala natin ang ibig sabihin ng karanasan, samantalang nalilimot ang mismong karanasan. Ngayon, mahigit labintatlong taon matapos kong unang inupuan ang pagsusulat ng nobelang iyon noong 2003, maaari ko na sigurong harapin ang tanong. Hindi ako si Daniel. Subalit totoong may Daniel. Ka-batch ko siya noong high school, nasa lower section, pero kasama ko sa Boy Scout, magkasabay kaming sumailalim noon sa training para sa Eagle Scout rank. Isa pa, apat na seksiyon lang naman kami noon bawat taon sa high school, kaya magkakakilala ang halos buong batch. Hindi ko alam kung patay na siya o kung ano ang totoong nangyari sa kaniya simula nang mawalan kami ng balita sa kaniya noong 2002. Ang alam ko, hinahanap niya ang Mama niya. Totoo iyon. Iyon ang sabi ng Papa niya nang huli ko itong makausap bago ito umalis papuntang Japan noong 2004, noong tinatapos ko ang mga huling pahina ng Walong Diwata sa San Pablo. Wala pa rin daw siyang balita kay Daniel. Walang update sa account nito sa kahit na anong social networking site. Noon ako nagpasyang gawin ang pambungad na tagpo sa nobela. Isa sa mga huli kong isinulat iyon. Hila si Daniel ng tiyanak na hinihinala niyang ang mismong kapatid niya na hindi naisilang––ang kuya niyang namatay dahil naagas, o sadyang ipinalaglag ng Mama niya noon. Itutulak siya nito sa bangin. Binalikan ko siyempre ang tagpong iyon sa pagwawakas ng nobela. Samantalang nahuhulog, maaaninag ni Daniel sa liwanag ng buwan ang tiyanak sa gilid ng bangin, katabi ang Mama niya. Aaminin ko, nabagabag ako nang ginawa ko ang tagpong iyon. Kailangan ko ba siyang patayin? Paano kung mabása ang nobela ng mga kamag-anak at kakilala niya? Pero hanggang ngayon, walang nagpaparamdam mula sa kahit na sinong may kaugnayan kay Daniel. Sa isang banda, may naramdaman din akong pagkabigo. Nabása ba ang nobela ng mga taong sa loob ko’y gusto ko sanang makapagbasa talaga nito? Ito ang pinoproblema ko nang makatanggap ako ng text message noong isang gabi lang mula sa isang Aaron Santamaria. Niloloko mo ba ako? ang reply ko sa text. Buo ang baybay ng mga salita kapag nagte-text ako sa Filipino. Aaron Santamaria ang pangalan ng nawawalang tauhan ko sa ikalawang nobela, ang Sa Kasunod ng 909. Siya, sigurado akong kinatha ko lang. Hindi ako, hindi batay sa kung sinong tao. Babalik na raw siya para iuwi ang bangkay ni Daniel. Kinutuban na ako, pero nagtanong pa rin ako. Sinong Daniel? Si Karl Daniel Dela Cruz, sabi niya, at may iniwan siyang manuskrito para sa iyo. Tumutugtog si Jason Mraz noong sandaling iyon sa iTunes ng laptop: “Hey, Mr. Curiosity, is it true what they’ve been saying about you, are you killing me? Well you took care of the cat already…” Wow naman, wow naman, may ganyan talagang timing? Alam ko, ginagago ako nito. Gusto kong sabihin, e di ako na si Janus Silang, na bida naman sa aking YA series na tinatapos ko pa rin hanggang ngayon. Tinawagan ko ang numero. Hello, Egay? sabi niya. Egay, di ba? “Anong manuskrito? Bakit sa akin? Sino ka ba talaga? Paano mo ako nakilala? Saan mo nakuha ang number ko? Hello? Hello?” tanong ko. Isa-isa lang, sabi niya. Sa isang araw kami darating, magkita tayo. Shit, gusto kong tumambling nang tatlong beses bago sumagot. “Ginagago mo ba ako? Tauhan lang kita sa nobela ko.” Tang-ina, Egay, sabi niya, anong tauhan, anong nobela? Hindi pa niya alam ang Sa Kasunod ng 909. Mas kakaunti naman ang nakapagbasá noon dahil mahirap makita sa book stores. Hindi kita kilala, sabi pa niya, pero nabasa ko ang nobela mo tungkol kay Daniel, ipinabasa akin ni Daniel mismo, at noon ka pa namin gustong puntahan. Noon pa, dahil naisip namin na para malaman mo ang lahat ng iyon, malamang na kilala’t nakita mo na si Teresa. Tama ba? Egay, alam mo ba kung nasaan si Teresa? “Hindi ko alam, hindi ko na alam,” sabi ko. “Sige, magkita tayo.” At ngayong gabi, magmamaneho ako pauwi sa San Pablo para makita itong Aaron Santamaria na ito sa burol ni Daniel. Wala na siyang sinabi pa tungkol sa manuskritong ipinabibigay ni Daniel, basta’t mahalaga raw na lumabas iyon, mabasa ng iba, at baka sakaling matagpuan naming muli si Teresa. Baka sakaling magpakita ulit si Teresa. Naisip ko, baka sakaling matapos ko na ang ikatlo’t huling aklat ng aking Trilohiya ng mga Bilang sa wakas. May pakiramdam ako na sabay na mabubuo iyon at ang Janus Silang, at magtatagpo ang mga tauhang kailangang magtagpo upang lalong maunawaan ang disenyo ng Santinakpan, na siya ring binabalak kong pamagat ng ikatlong aklat. Pansamantala, narito ang mga alternatibo sa mga alternatibong mundong iyon na niyayakap ako’t ayokong pakawalan. May pakiramdam ako na naririto ang ilang susi. Pero kailangan ko ang tulong ninyo para hanapin ang mga kandado na maaari nilang buksan.
(This was published as an introduction to my short story collection Alternatibo sa Alternatibong Mundo: 13 Metakuwento/Malakuwento, published by Visprint in 2016. It was a finalist to the National Book Award in 2017 for Best Fiction Anthology. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this work in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)
Leave a Reply