ECS Book-Reading Club. Art by Sean Sonsona.


Samantalang Sakop at Iniibig: Panibagong Tulambuhay (Ateneo de Naga University Press, 2018)

Hindi iisa ang simula ng lahat, hindi iisa ang hinagap, hindi iisa ang daang nilalakbay, hindi iisa ang hantungan, hindi iisa ang mundong ginagalawan, hindi iisa ang anyo ng kabiguan, samantala’y patuloy ang paglalakad nang matulin, kabi-kabila ang pagtatatwa at pag-amin, nasusugatan, nalalastag ng mga sariling bisyo at bisyon, at marami nang naglalaho sa nagdaan, sinasakop ng takot at paglimot ang pang-araw-araw na buhay na umaasang maibabalik ang mga nawala kapag natutong tumula, naniniwalang kinakatha ng makata ang mga pag-ibig at ligalig. Narito ang isang panibagong tulambuhay na sinimulan sa Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay (2006, 2016) at Maskara’t Pambata: Malatulambuhay (2017) upang unawain ang mga nilalang na umiiral sa impiyerno’t historikong buhay na ito. Kabilang dito ang mga tula sa koleksiyong “Tayong Lumalakad Nang Matulin” na nagwagi ng unang gantimpala sa Palanca noong 2004.


Walong Diwata ng Pagkahulog, Kompletong Edisyon (Visprint, 2018)

Siya si Ayel sa mga nagpalaki sa kaniya, tulad ng Tito Tony at Lola Bining niya. O ang Atisan Boy sa mga kababata niyang sina Glen, Michael, at Erik. Siya rin si Delka Linar, ang kinarambolang buo niyang pangalang Karl Daniel, na itinawag niya sa akala niya’y inimbento lang niyang kaibigang duwende. At si Arcangel na bida sa isinusulat niyang nobela. Sa mga panaginip niya, siya si Karl, at Karl Kabute naman para kay Teresa, ang babaeng nakababasa ng isip kapag gabi, dahil basta-basta raw siya lumilitaw at basta-basta rin nawawala. Pero para sa iba pang minahal niya pero di naman siya nakilala talaga, tulad ni Orange, ang isa sa triplets na anak ng magpuprutas sa San Pablo, basta siya si Daniel. Sa isang banda, isang nobela ito tungkol sa paghahanap ng pagkatao sa harap ng mga pagtatangkang magsulat ng nobela. Pero kuwento rin ito tungkol sa pagtitimbang sa halaga ng mga nawala, nawawala, at wala naman talaga sa buhay natin kahit pa sa simula’t simula. Narito ang Kompletong Edisyon ng nobelang nagwagi ng Grand Prize sa NCCA Writer’s Prize noong 2005 at may kasamang mga Apendiks tungkol sa malikhaing proseso.


Maskara’t Pambata: Malatulambúhay (UST Publishing House, 2017)

May mga alaalang higit pa sa alaala, may mga kritisismong hindi naman talaga kritisismo, at may mga tulang malatulambuhay na hinaharap ang mga ito bilang mga maskarang nagpapakilala bilang dayuhan sa sariling bayan, o bilang pambatang sentimyentong gaya ng sumasabog na pag-ibig sa gitna ng digmaan. Mga tula ito ng paninibugho sa sariling nagdaan na hindi na mababalikan. O hindi na ibig balikan sapagkat ayaw na muling iwan. Bahagi ng aklat na ito ang mga tula ng koleksiyong “Kung Bakit Tayo Nakikinig sa Alamat” na nagwagi ng unang gantimpala sa Gawad Komisyon sa Tula noong 2004.


Si Janus Sílang at ang Pitumpu’t Pitóng Púsong (Adarna House, 2017)

Bago naglaho si Janus habang naglalaro ng TALA, nakita ni Manong Joey sa utak nito ang hinahanap nilang paraluman. Sinundo ni Renzo si Mica sa Balanga para protektahan ito sa Angono at dahil may kaugnayan ito sa paralumang nakita ni Manong Joey kay Janus. Samantala, nasa Kalibutan pa rin sina Manong Isyo para hanapin si Mira na malamang na nakuha ng mga mambabarang. Walang kaalam-alam ang lahat kung nasaan na si Janus hanggang sa makita ni Manong Joey na humihiwalay ang anino ni Renzo sa katawan nito at maaaring matagal na pala itong ginagamit ng Tiyanak! Nagwagi ang nobelang ito ng National Children’s Book Award bilang Best Read for Kids noong 2018.


Alternatibo sa Alternatibong Mundo: 13 Metakuwento / Malakuwento (Visprint, 2016)

Mula kay Adam David: “Malaki ang pagmamahal ko para sa ganitong mga kuwento, mga hindi nabigyan ng pansin o na-etsa-puwera o naitulak sa ilalim ng kama pero kapag nailimbag at nabasa, bibigyan ka ng mas malalim pang pang-unawa at respeto sa mga mas malalaking proyekto ng mga manunulat na mahal na mahal niyo na. Sa ganitong lagay masasabing importante ang koleksiyon na ‘to, at hindi lang para sa ambag nito sa bibliyograpiya ni Egay––paalala ito sa atin na marami pa tayong dapat isulat at kailangang basahin, at ang lahat ng ito ay kontribusyon para sa pagsulong ng panitikan. Mapalad tayong lahat sa paglabas ng aklat na ‘to.” Finalist ito sa National Book Award para sa Fiction Anthology noong 2017. Kabilang sa mga kuwento rito ang “Project: EYOD” na nagwagi sa Palanca noong 2002.


Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay, Bagong Edisyon (Librong LIRA, 2016)

Mula kay Benilda S. Santos: “Wari mga panandang-bato ang bawat kilometrong nilalampasan sa paglalakbay, nakatayo ang mga tula ni Edgar Calabia Samar sa Pag-aabang sa Kundiman sa tabing-daang nilalandas ng mambabasa upang ito’y sadyang antalahin at turuang magsuwail muli. Ngayong nakapaglimayon na, kailangang ibalik ang sarili sa sariling na-diaspora sa lungsod, sa sinapupunan ng inang lumiko sa maling gubat, sa pangalang Elias, sa amang iba ang buto sa anak, sa kamalig na ang laman ay hindi bigas kundi basyo ng bala. Kaagapay ang Makatang paudlot-udlot na kinakausap ng persona sa pagitan ng mga lirikong makapag-iisa naman, naihabi ni Samar ang isang pahiwatig na poetika ng pag-aabang sa mga talinghaga ng pag-alis at pagbabalik na siyang namumukod-tangi sa kaniyang mga Kundimang lagalag. Naririto ang pag-akda ng bayan na may timyas.” Naging finalist ang unang edisyon ng aklat na ito ng National Book Awards para sa Best Poetry in Filipino noong 2007, at ang ilan sa mga tula ay bahagi ng koleksiyong “Pag-aabang sa Kundiman at Iba Pang Tula” na nagwagi sa Palanca noong 2002.


Si Janus Sílang at Labanáng Manananggal-Mambabarang (Adarna House, 2015)

Apat na buwan na si Janus sa mansiyon nina Manong Joey sa Angono pero naroon pa rin ang sakit ng dilang-karayom ng manananggal sa puso niya dahil sa pagkawala ng mga mahal sa buhay at sapilitang paglayo kay Mica. Simula ng Christmas break nang mawasak ang proteksiyon ng mansiyon laban sa Tiyanak at sa mga kampon nito. Matinding barang ba ito? Nawawala rin si Mira, ang isa sa kambal na baganing kasing-edad ni Janus at inampon din nina Manong Joey. Ipinagtapat naman ni Renzo kay Janus ang matagal na palang sinusundan ni Manong Isyo: bumalik sa mapa ng utak ng dalawang manong ang brain imprint ng Papa ni Janus at maaaring buhay pa pala ito! Nagwagi ang nobelang ito ng National Book Award noong 2016 bilang Best Novel in a Philippine Language.


101 Kagila-gilalás na Nilaláng (Adarna House, 2015)

READ AN EXCERPT

OUT OF PRINT

Narito ang aklat na nagpapakilala sa mga lamanlupa at halimaw na nakapananakit, ngunit kung minsan ay kaibigan din, sa mga aswang na nagdudulot ng takot at kamatayan, sa mga bayaning may kahanga-hangang lakas, tapang, at talino, sa mga anitong gumagabay at nagbabadya, at sa mga diwata at bathalang namumuno at nangangalaga sa lahat ng nilikha—silang mga nilalang na nabubuhay sa mayamang salaysay at paniniwala ng iba’t ibang pangkat sa ating bansa. Matakot at mamangha sa mga kagila-gilalas na nilalang ng ating lahi.


Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, Graphic Novel (Adarna House, 2015)

Mula kay Manix Abrera: “Grabe! Isa siya sa mga pinakanakakatakot at pinakanakakakilabot na kuwentong nabasa ko. May mga sandaling tumitingin ako sa likod ko habang nagbabasa dahil seryosong tumataas ‘yung balahibo ko. Ang saya nung sobrang hindi mo alam kung saan patutungo at kung ano ‘yung mangyayari sa kuwento. Sunod-sunod ang mga pangyayaring pagpapawisan ka sa taranta at kaba pagdating sa dulo. Ang pagsisisi lang ay ‘yung pagkatapos mo nang basahin, sobrang hirap nang matulog.” Adaptasyon ito sa manga ni Carljoe Javier at guhit ni Natasha Ringor.


Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon (Adarna House, 2014)

Sa tournament ng TALA Online sa bayan ng Balanga, namatay ang lahat ng manlalaro maliban kay Janus. Sunod-sunod pa ang naging kaso ng pagkamatay ng mga kabataan sa computer shops sa iba’t ibang panig ng bansa. Kinontak si Janus ng nagpakilalang Joey, isa rin umano sa mga nakaligtas sa paglalaro ng TALA na gaya niya. Hindi inasahan ni Janus ang mga matutuklasan niya mula rito na mag-uugnay sa kaniya sa misteryo ng kinahuhumalingan niyang RPG––at sa alamat ng Tiyanak mula sa Tábon! Nagwagi ang nobelang ito ng National Book Award noong 2015 bilang Best Novel in a Philippine Language at ng National Children’s Book Award noong bilang Best Read for Kids noong 2016.


Eight Muses of the Fall (Anvil Publishing, 2013)

This novel is on the one hand a young man’s frustrated attempt to write the great Filipino novel, and on the other, his coming to terms with the futility of his search for his lost mother. Along the way, he is guided and misdirected by some muses and demons to reimagine his personal past without the burden of national history. He will be forced to accept that truth can somehow be in the deceptive, inchoate recreation of memories, without which, the fall seems inevitable. This novel was longlisted to the 2009 Man Asian Literary Prize. Translations by Mikael de Lara Co and Sasha Martinez.


Halos Isang Buhay: Ang Manananggal sa Pagsusulat ng Nobela (UST Publishing House, 2012)

READ A CHAPTER

OUT OF PRINT

Tinitingnan dito ang larawan ng manananggal bilang musa at talinghaga sa pagkatha ng nobela. Samantalang sinisikap sagutin kung anong kasaysayan ang nililingon sa pagsusulat at kung paano’t bakit kakatha ng nobela sa harap ng mga hamon sa kasalukuyan, sinisiyasat din ang mananangal bilang larawan ng pag-iisa’t pagiging iba, ang pangangailangan nitong magbagong-anyo, pumailanlang, at pumaslang, bago sa bandang huli’y bumalik sa pagiging tao at manindigan. Nagwagi ang aklat na ito ng National Book Award noong 2013 bilang Best Book of Criticism / Literary History.


Sa Kasunod ng 909 (UST Publishing House, 2012)

READ A CHAPTER

OUT OF PRINT

Kaga-graduate lang nila ng college nang matagpuan umanong bugbog-sarado at tadtad ng saksak ang katawan ni Aaron, matalik na kaibigan ni Eman. Pero hindi kumbinsido si Eman na si Aaron nga ang bangkay na ibinurol at inilibing ng ama at kapatid nito. Dahil walang naniniwala sa kanya, mag-isang sinaliksik ni Eman kung ano ang totoong nangyari sa nawawalang kaibigan – na naghatid sa kaniya sa mga kwentong nagsisimula sa dekada ’50 at pinamamahayan ng mga manananggal, ng mga tagaapagtanghal ng salamangka, at ng mga lalaking basta na lang nawawala. Nagwagi ang nobelang ito ng National Book Award noong 2013 bilang Best Novel in a Philippine Language.


Walong Diwata ng Pagkahulog (Anvil Publishing, 2009)

READ A CHAPTER

OUT OF PRINT

Mula kay Jun Cruz Reyes: “Binubuksan ng nobelang ito ang panibagong yugto ng pagsusulat ng nobela. Malayo na ito sa tradisyon ng mga romantisista at modernista, na laging mabigat sa dibdib ang paglalahad ng naratibo. Sa akdang ito, wala nang imposible sa materyal at maging sa pamamaraan ng paglalahad nito. … Tinatangka nitong lampasan ang wika ng isipang malay, at nagtatangkang isulong na posibleng ikuwento ang wala o hindi nangyari. … Ikinakatuwa ko ang mga akdang tulad nito na nangangahas magpakilala ng pagbabago sa paglalahad ng naratibo.” Nagwagi ang nobela ng Grand Prize sa NCCA Writer’s Prize noong 2005.


Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay (ADMU ORP, 2006)

Mula sa INTRODUKSIYON ni Virgilio S. Almario: “Malinaw ang kalatas ni Samar: Nasa pagbabalik na tulad ng kay Elias ang odisea ng makata at sambayanang Filipino tungo sa pagkagagap ng tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ukol sa katubusan natin bilang tao at bilang Filipino. Naniniwala ako. Nananalig ako. Ipagdiwang natin ang katuparan ng ating pagbabalik sa ating sariling Ithaka!” Naging finalist ang aklat na ito ng National Book Awards para sa Best Poetry in Filipino noong 2007, at ang ilan sa mga tula ay bahagi ng koleksiyong “Pag-aabang sa Kundiman at Iba Pang Tula” na nagwagi sa Palanca noong 2002.


Isa Na Namang Pagtingala sa Buwan (NCCA, 2005)

Mula sa INTRODUKSIYON ni Benilda S. Santos: “Narito ang Isa na Namang Pagtingala sa Buwan, ang unang koleksiyon ng mga tula ni Edgar Calabia Samar, na kumukuha ng lakas, bighani at bulo ng kaniyang taludtod sa sentrong talinghaga ng buwan. Sa tula na ang pamagat ay nagsilbing pamagat din ng koleksiyon, itinakda ng makata ang namamayaning tono at kapaligirang pandamdamin ng mga tula: ang pagal na himig at kalungkutang iniiwan ng mga kabiguan sa buhay, na tinitimbang naman ng matatag at inuulit na pasiya na labanan ang grabedad sa pamamagitan ng pagtingala sa buwan o paghanap ng liwanag o pagharap sa pagbuo ng tula.” Kabilang ang aklat na ito sa unang serye ng Ubod New Authors Series ng National Commission for Culture and the Arts.


Uuwi na ang Nanay Kong si Darna (Adarna House, 2002)

READ THE STORY

OUT OF PRINT

Isang araw bago umuwi mula sa Hong Kong ang Nanay ni Popoy, hindi niya alam ang mararamdaman. Makikilala pa kaya siya ng Nanay niya? Ilang taon itong nawala at nakikita lang niya sa picture. Ang isa pang gumugulo sa isip niya, si Darna ba talaga ang Nanay niya? Nagwagi ang kuwentong ito ng Grand Prize sa PBBY-Salanga Writer’s Prize noong 2002.

Powered by WordPress.com.

%d bloggers like this: