Trip

MADALING NAKÍTA ni Renzo si Mica sa labas ng gate ng St. Michael’s. Kinabukasan lang ng Pasko. Wala pa masyadong tao sa kalsada. Mangilan-ngilan lang ang traysikel at kotseng dumaraan. Tulog pa ang maraming táong malamang na napuyat dahil sa mga selebrasyon. Pero ang mga bagani at si Renzo, wala pa halos túlog dahil sa mga nangyari sa Angono. 

Ilang beses na ring nakita ni Renzo dati ang mga picture ng dalagita sa phone ni Janus. Nakaputing t-shirt ito ngayon, maong na shorts, at may asul na ribbon ang buhok sa likod. Chinitang-chinita, naisip ni Renzo. At mas matangkad kaysa sa inaasahan niya. 

Pare-pareho silang walang choice na patagalin pa ang pagkikitang ito. Kung puwede lang ay kahapon din sila sumugod ni Manong Joey dito sa Balanga para tiyaking ligtas si Mica. At para alamin din kung ano-ano na ang alam nito matápos makíta ang Tiyanak at bumalik ang mga alaala nito. Pero kahapon, matapos ang nangyari kina Miro at Janus, mas hindi nila alam ang uunahin sa Angono. Nauna nang tumawid si Manong Isyo sa Kalibutan kasama ang ilang bagani para sundan si Mira at tulungan sina Aling Ester at ang mga manananggal doon na nilusob nga ng mga mambabarang. Mga mambabarang na akala nila ay nalipol nang lahat maliban sa mga bihag na nasa Kalibutan. Mabuti at may kakayahan ang angkang nuno ni Amtalaw para magsilbi ring tulay sa pagitan ng Daigdig at Kalibutan. 

Ni hindi nila maipagluksa nang maayos ang pagkamatay ni Miro. Si Ma’am Ludinia na ang nag-asikaso sa bangkay nito na kakalahating katawan na lang. Si Janus, hindi nga nila alam kung nasaan hanggang ngayon. Naiwan ang cellphone nito. Hindi rin ito makontak kahit sa messages sa FB. Hindi masagap ng utak nina Manong Joey rito sa Daigdig o nina Manong Isyo sa Kalibutan ang kinalalagyan nito. 

Samantala, alam na ni Mica ang nangyari sa Balanga, ang dahilan ng pagkamatay ni Harold sa Malakas, at ang… ang meron sa kanila ni Janus. Nang makíta niya ang Tiyanak noong isang gabi, bago ang noche buena, nawalan ng bisa ang pampalimot na ginawa nina Manong Joey sa kaniya. Inalis ng Tiyanak ang pantabon sa alaalang inilagay ni Manong Joey. Parang pagtuklap sa snopake para makíta ang tinabunang nasa ilalim, sa pag-aakala ng Tiyanak na may malaláman ito tungkol sa kapatid nito. 

Alam mo ba kung nasaan ang kapatid ko? 

Nanginginig pa rin si Mica sa tuwing maaalala ang boses na iyon, ang nanlilisik na mga mata ng batà bago ito nag-anyong kamukha ng lahat ng tiyanak sa mga pelikulang napanood niya. Sino ka? Sinong kapatid? 

Para mapalagay ang loob niya at magtiwala kina Manong Joey, may mga ipinadalang pictures si Renzo sa kaniya. Kasama ng mga ito si Janus. Nakangiti si Janus sa pictures pero kita niya ang lungkot sa mga mata nito. Naaalala niya noong huli siyang kinausap nito nang personal, sa klasrum, noong wala siyang maalala. Noong hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Nakaramdam ng kirot sa loob niya si Mica. Siya lang ang inaasahan ni Janus na makausap noon. Pero wala siya. Hindi siya nakinig dito. Hindi siya naasahan nito. Kahit noong namatay ang mga magulang nito, wala siya. Hindi man lang siya nag-text. Hindi man lang siya nakiramay, kahit bilang kaklase man lang. Hindi talaga niya naisip na magkalapít na sila bago ang mga nangyari. Hindi rin niya naramdaman. Anong klaseng girlf… kaibigan siya. Magkaibigan lang ba sila? Mag-ano na ba talaga sila?

Apat na buwan lang siyang hindi nakasáma ni Janus at heto’t ang dami na nitong bagong kakilala. O lahat ng nakasáma nito ay mga bagong kakilala. Pinipilit na magbuo ng bagong búhay na wala siya. Dahil wala ako nung kailangang-kailangan niya ako

Nakausap niya kagabi sa cellphone ang nagpakilalang Manong Joey. Sinabihan siyang huwag sisihin ang sarili dahil ito ang may gawa ng paglimot niya sa mga nangyari. At alam din daw iyon ni Janus, pinayagan nitong hindi bawiin ang pagburang iyon sa mga alaala niya para protektahan siya. 

Ai-yah, hindi man lang n’yo ako tinanong kung gusto ko rin ba iyon, naisip ni Mica kagabi. Utak ko ito, alaala ko ito. Pero ang sinabi lang niya sa telepono kay Manong Joey: Kawawa naman po si Janus

Si Manong Joey rin ang nagpaliwanag sa kaniya tungkol sa nangyari kay Harold. May paliwanag din ito sa TALA, may paliwanag sa Tiyanak. May paliwanag sa halos lahat ng bagay na gumugulo sa isip niya simula nang makita niya ang Tiyanak at si Boss Serj. Pero mga paliwanag iyon na hindi matanggap ng isip niya. Totoo si Tala? Totoo ang lahat ng halimaw at maligno’t aswang na nilalaro lang nila sa TALA? Pero nakakita siya ng tiyanak. Ang Tiyanak nga ba iyon? Ngayon, hindi na siya sigurado. 

Nasaan po kaya si Janus? 

Iyon, doon, wala ring sagot sina Manong Joey. Basta nawawala si Janus. At baka raw balikán siya ng Tiyanak, kung hindi pa nito hawak si Janus. Kailangan niya sina Manong Joey bilang proteksiyon. Kailangan din siya nina Manong Joey dahil puwedeng may makuha ang mga ito sa alaala niya na makapagtuturo sa kinaroroonan ni Janus. 

“Pero wala po akong alam, di ko rin po alam kung nasaan si Janus,” sabi niya kay Manong Joey kagabi sa telepono, mahina lang dahil ayaw niyang marinig ng Papa niya na gising pa siya. 

“Mas marami kang alam kaysa sa akala mong alam mo lang,” sabi ni Manong Joey sa kaniya. “Maaaring hindi mo naaalala ngayon ang lahat ng narinig at nakita mo, pero nasa utak mo lahat ang mga iyon.”

Damang-dama ni Mica ang urgency sa boses ni Manong Joey nang kausap niya ito. Kulang na lang, kidnapin siya nito papunta sa Angono. Habang lumilipas ang mga oras, tumatagal na wala silang alam tungkol kay Janus. Habang tumatagal, hindi nila alam kung ano na ang alam ng Tiyanak. Hindi niya alam kung anong gagawin ng Papa niya kapag nalaman nitong sangkot siya sa mga ito. Pero sangkot na siya. May magagawa pa ba siyang iba? At ngayong alam na niya ang lahat, kaya ba niyang tumangging tulungan na ngayon sa wakas si Janus? Nami-miss niya na talaga ito. 

Mica: Mis agd? Mgksma lng tau knina? Pa-cute ka talaga!

Janus: Bwal po? Ykapin kta jan e.

Kahit ang text na iyon, nami-miss niya.

Mica: Cge na nga, magpa-cute ka pa kc cute ka nman tlaga. At mgyabang ka pa kc mayabang ka dn nman tlaga. Ha-ha!

Janus: Mas cute ka po, pero d ka mayabang… mejo mganda lng. 

Mica: Totoo? Mejo lang? ❤

Janus: Joke lng he-he. Mwa!

Tuwing hapon noon, pag naghiwalay na sila para umuwi, kapag hindi sila magkasamang pumunta sa Malakas, kapag nag-text ito ng Mis u sa kaniya, iyon lagi ang reply niya––Mis agd?––kahit ang totoo’y nami-miss niya rin ito. Ngayon, miss na miss na niya ang mga mis u nito sa kaniya.

“Sino po bang kapatid ang sinasabi niya,” sabi ni Mica kay Manong Joey. Nasa loob na sila noon ng Mang Inasal sa UltraMall kung saan ito naghintay sa kanilang dalawa ni Renzo. Alas-onse na ng umaga, may ilan nang táong ngayon lang nagisíng sa pagpupuyat sa gabi ng Pasko. Mas mabuti ito, mas hindi sila mapapansin ng iba. 

Na-scan na rin ni Manong Joey ang mga nasa paligid. Tao lahat. O at least, walang kakaibang galaw ng mga utak na higit kaysa sa galaw ng utak ng karaniwang tao. Kahit si Mica. Ilang beses na niyang na-scan ang utak ni Mica, noon pa, nang una niyang náláman na konektado ito sa buhay ni Janus. Lalo pa at ito lang ang tinext ni Janus matapos ang nangyari sa Malakas. Pero wala, wala siyang nakitang kakaiba sa utak ni Mica. Sa kabila ng paminsan-minsang pagpaltos ng kakayahan niya––nilang mga bagani––dahil sa pagsisimula ng Panahon ng Manto, hindi maaaring magkamali siya nang ilang ulit kay Mica. Tao lang ito. Pero napakahalagang tao dahil sa koneksiyon nito kay Janus. Kaya lalong kailangan nilang protektahan. Ang hindi niya matitiyak ay kung may do-ol sa paligid. Sinubok niyang i-cross reference ang visuals niya sa paligid sa nakikita ni Renzo. Hindi 100% ito dahil wala namang 360-degree perception ng paligid si Renzo sa bawat sandali, pero wala namang significant na incompatibility sa nakikita nilang dalawa. Safe ang paligid. Sa ngayon.

“Sino po ba ang kapatid niya,” ulit ni Mica, mas himutok kaysa tanong.

Para kay Renzo, malamáng na si Janus ang kapatid na tinutukoy ng Tiyanak nang pinuntahan nito si Mica. Imposibleng si Tala. Bakit kay Mica hahanapin ng Tiyanak si Tala? Pero kung si Janus ang hinahanap nito, bakit hindi nito alam na nasa Angono si Janus nang oras na iyon? Ibig bang sabihin, hindi rin nito alam ang ginagawa ng mga mambabarang? O hindi pa naire-report sa kaniya? Walang omniscience at omnipresence ang Tiyanak, alam na nila iyon, kaya nga nilikha nito ang mga kampon nito para magsilbing mga mata at tenga nito. Naisip ni Renzo na kung nagawa ng mga manananggal na magrebelde sa Tiyanak noon pa, posible kayang wala na ring kontrol ang Tiyanak sa mga mambabarang ngayon? Wala na nga kayang kontrol ang Tiyanak sa dalawa niyang panganay na kampon, sa mga kaapo-apuhan ng totoong Malakas at Maganda? Hindi imposible. Pero kung sakali, kikilos ba nang mag-isa ngayon ang mga mambabarang? Na sarili lang talaga nilang diskarte ang nangyari sa Angono at ang pagtawid nila sa Kalibutan? Na gusto lang nilang i-rescue ang mga kauri roon? Sumasakit ang ulo ni Renzo sa pag-iisip ng samot-saring katwiran at posibilidad sa mga nangyari.

“Hindi natin alam,” sagot na lang ni Manong Joey kay Mica. “Ikaw ba, sinong kapatid sa palagay mo?”

Naikuwento na rin nila kay Mica ang tungkol kay Juno. “Si Janus lang naman po ang kilala ko. Sa TALA Online ko lang naman po nalaman ang about kay Tala. Kaya kung ang Tiyanak nga po ang nagbalik ng memory ko, alam na niyang wala akong alam kung nasaan si Janus.”

“Pero puwede ring may alam ang Tiyanak na hindi natin alam,” sabi ni Renzo. “Baka nga ngayon, hawak na niya si Janus. Baka diversion kahit ang nangyayari sa Kalibútan, ang pagsugod ng mga mambabarang doon.” Sa ngayon, ito ang mas gustong paniwalaan ni Renzo. Na ang Tiyanak pa rin ang puppet master. Dahil kung kumikilos nang mag-isa ang mga mambabarang, ano ang end goal nila na iba sa end goal ng Tiyanak para kumalas din dito?

Namamangha naman si Manong Joey sa kung gaano na katalas mag-isip ni Renzo ngayon. Nahihigitan pa nito minsan sa pagpoproseso ng mga datos ang ibang batang bagani na may mga lumitaw nang kakayahan na tulad ng kakayahan nila sa pag-iisip. Saksi siya sa laki ng ipinagbago ni Renzo nitong nagdaang tatlong taon na kasama nila ito. Ang kapatid niyang si Isyo na mas madalas nitong kasama sa mga lákad, halos anak na ang turing dito. Tumango lang si Manong Joey kay Renzo para sabihing tinatanggap niyang posibilidad ang hinala ng binata.

“Kung sasama po ako,” sabi ni Mica, “paano po sina Papa?”

Ipinaliwanag ni Manong Joey na kakailangan din niyang kontrolin ang isip ng mga magulang nito, at kahit ng mga teacher at kaibigan nito sa St. Michael’s. Tulad ng ginawa niya sa mga kamag-anak ni Josie rito sa Balanga nang kinuha nila si Janus noon. Palalabasin nilang dahil sa husay ni Mica sa programming sa napakabatang edad, may special seminar na kailangan nitong daluhan ngayong bakasyon para makapagsanay ito sa isang bagong gaming app development software. Na hindi rin naman malayò sa katotohanan. Mahílig sa anumang may kinalaman sa computer si Mica kaya nga náhílig ito kahit sa TALA. At dahil may pera ang Papa niya para suportahan ang hílig niya, marami siyang computer-related na gámit at libro sa bahay.

Sinabi niya kina Manong Joey na pag-iisipan niya, pero ang totoo’y buo na ang loob niyang sumama sa mga ito. Hindi naman siya matatahimik na walang gagawin. At kahit ngayon lang niya nakíta, pinagkakatiwalaan niya sina Manong Joey at Renzo. O may ginawa na naman ba sa utak niya ang mga ito para pagkatiwalaan niya? Mababaliw na siya kapag pinagpatong-patong niya ang mga ganitong tanong sa isip niya. Basta ngayon, ang uunahin niya lang, si Janus. Kung may maitutulong siya para kay Janus, handa siyang gawin ang kahit ano. Iyun lang máláman ng Papa niya na nakikipaglapít siya sa isang hua-na, sa isang hindi Chinese, tiyak na grounded siya. Baka ilipat pa siya ng school, o ibalik sa Chung Hua. Tapos, may ganito pang mga kababalaghan. Baka mag-migrate pa sila sa kung saan. Ai-yah, bahala na. Basta sigurado siyang mas hindi niya kayang walang gawin ngayon para kay Janus. 

Uuwi lang siya para magpaalam––kahit sa isip lang––sa mga magulang niya. Gusto niyang makasáma kahit isang gabi pa ang mga ito, mayakap man lang, dahil ang totoo, natatakot din siya. Hindi niya alam ang pinapasok niya. Gusto niyang itanong kina Manong Joey, puwede po ba tayong mamatay dito? Puwede po bang mamatay si Janus? Pero alam na naman niya ang sagot. Hindi ito TALA. Totoong búhay ito. Walang multiple lives. Walang restart. Walang redesigning ng BAT. Gusto sana niyang hilingin kung puwedeng tanggalin ng mga ito ang tákot niya, kung puwedeng mas palakasin pa ang loob niya, pero nahiya siya. Hindi na nga niya alam kung okey ba ngayon si Janus o ano, tapos heto’t tákot pa niya ang iniintindi niya? At naaalala niya ang mga sinasabi noon ni Janus kapag natatákot siya sa kalaban sa TALA, lalo na kapag hindi pa ito lumilitaw, o hindi mo alam kung nasaan, tulad sa horror movies. Tulad ng matagal na paglitaw ni Bungisngis sa Level 3. Matagal na puro tunog lang ang naririnig mo, halakhak mula sa kung saan, bulong ng mga dahon, babalâ ng hangin. Mga tunog na inihahanda ka sa hindi mo alam na paratíng. Okey lang matákot, sabi ni Janus, kasi mas alerto ka pag takót ka. Mas matalas ang mga pandama mo. Mas nakikíta mo ang dapat mong makíta. Kaya sa halip na hilingin kay Manong Joey na tanggalin ang tákot niya, kung sakali mang káya ring kontrolin nito iyon, huminga na lang si Mica nang malalim, at inulit-ulit ang magiging mantra niya sa mga susunod na araw: Natatákot ako, pero okey lang matákot. Natatákot ako, pero okey lang matákot.

Pag-uwi kinagabihan, tinext din niya agad si Manong Joey na sasáma siya sa mga ito. Alam na siyempre iyon ni Manong Joey dahil nabása naman nito ang iniisip ng dalagita bago sila naghiwalay. Ang totoo, nang maghiwalay sila mula sa Mang Inasal, pinuntahan agad ni Manong Joey ang Papa at Mama ni Mica na nasa hardware store ng mga ito, nagpanggap na kostumer, at nagawa na niya ang kailangang gawin sa utak ng mga ito. Kinagabihan, pag-uwi, ang mga ito pa ang nagbukás kay Mica ng pag-uusap tungkol sa pag-alis nito para sa seminar sa Maynila. Nagulat si Mica pero hindi na rin nga siya nagtaka. At least, patunay ito sa talagang káyang gawin nina Manong Joey. 

Nakausap ko na rin ang teachers mo, text ni Manong Joey sa kaniya, kung sakaling abútin tayo ng pasukán. Kailangan ko nang bumalik sa Angono. Naiwan si Renzo diyan, siya ang i-text mo, anytime na handa ka na. 

Sasama ba talaga ako sa hindi ko kilala? naisip ni Mica. Bago matulog, tiningnan niya ulit ang mga picture ni Janus na ipinadala ni Renzo sa FB. Kasama ni Janus si Renzo sa halos lahat ng pictures. At nababása ni Mica sa mga mata ng maha… ng kaibigan niya ang matinding pagpapahalaga nito sa binata. “Kuya Renzo na ang tawag niya sa akin,” sabi ni Renzo sa kaniya kanina. At naramdaman niya na totoong nag-aalala ito at na talagang lungkot na lungkot din ito sa pagkawala ni Janus. Kung may trust sa kaniya si Janus, naisip ni Mica, magtitiwala rin ako. Wala naman talagang pakialam si Mica sa Tiyanak o kay Tala. Ang nasa isip niya talaga ngayon, ang safety ni Janus. Na makíta nila ito. Na maayos ang lagay nito. At na hindi ito hawak ng Tiyanak. I miss you, at niyakap niya nang mahigpit ang unan bago pinílit ang sariling makatulog.


SINABI NI RENZO na hihintayin niya si Mica sa loob mismo ng Katedral ng Balanga. Wala pang limang minuto siyang nakaupo sa bandang unahan, malápit sa altar, tinititigan ang pagkakaukit sa nakapakòng Kristo sa krus, natanggap niya ang text ni Mica na naglalakad na ito papunta roon. Gagamitin nila ngayon ang Guerrero. 

Sa tatlong taon ni Renzo kina Manong Joey, kahapon lámang niya nakíta ang Guerrero, kahit naririnig na niya ito paminsan-minsan. Ito ang underground train system na ipinangalan sa angkan ng isa sa walong pangapu o pinunong angkan ng mga bagani. Ang mga Guerrero ang pangapung nag-ayos ng transportasyon ng mga bagani sa loob at labas ng Filipinas, lalo pa para sa mga bagani na walang kakayahan na mabilisang makapunta sa isang lugar. Mga bagani lang ang may access dito at ang ibang nilalang na binigyang-pahintulot ng punong bagani ng mga Guerrero. Off-limits ito sa hindi baganing hindi naihingi ng permiso kahit pa may emergency, bilang proteksiyon na rin sa ibang baganing nagsasakay-baba rito. Kaya hindi nila ito nagámit noong biglang kinailangan nilang puntahan ang Mama ni Janus sa Balanga mula sa Megamall. Ngayon, walang pinakamahalaga kundi agad na makarating nang ligtas si Mica sa Angono. Kaya bago pa sila nagpunta sa Balanga, naipagpaalam na rin ang paggamit ni Mica rito.

Wala pang dalawampung minuto sa Guerrero mula Balanga hanggang Angono na karaniwang inaabot ng humigit-kumulang apat na oras sa kotse, na humahaba pa depende sa trapik sa Maynila. Karaniwang napabababà nito sa 1/12 ang oras ng karaniwang land travel. Mapabibilís pa, sabi ng mga Guerrero na patuloy na nananaliksik para rito, pero ito na ang pinakamabilis na mayroon sa ngayon. Mas mabilis ito kaysa sa mga mag-lev train sa China at Japan dahil pinagagana ng mga batubalaning nalilinang ng mga Guerrero. May estasyon ito mula islang Itbayat sa Batanes sa Hilagang Luzon hanggang bayan ng Maitum sa Saranggani sa Katimugang Mindanaw, at naglalagos umano ang ruta nito kahit sa ilalim ng dagat. May estasyon ito sa bawat bayan, at may mga bayan na may higit sa isang estasyon. Kabilang sa mga estasyon nito ang bahay ng mga punòng bagani, tulad ng mansiyon ng mga Andres sa Angono. 

“Saan po tayo?” si Mica.

“Huwag mo na akong i-po. Ireserba mo na lang iyan kina Manong,” sabi ni Renzo.

“Sige po…” sabi ni Mica, bago bahagyang napatawa sa sarili. “Ay, sorry. Pero puwede bang Kuya Renzo na lang din ang itawag ko sa inyo… sa iyo?”

Ngumiti si Renzo. Malungkot na ngiti. Pareho nilang naiisip si Janus. “Oo naman.” Pareho nilang ginagawa ito para kay Janus.

“Saan tayo sasakay?”

Tiningnan ulit ni Renzo ang nakapakong Hesus. “Dito,” mahina niyang bulong bago siya tumayô at kinuha ang dalang bag ni Mica.

“Po? Teka, ako na po ang magdadalá.”

“Po na naman. Ako na,” pinilit niyang ngumiti. “Maliit na bagay.” Sabay silang napatawá nang mahina ni Mica. Hindi puwedeng pareho silang malungkot. 

“Nasa likod po ba ang kotse? Kayo po ang magda-drive?”

“Sabi ko, huwag mo na akong i-po.”

“Sorry, sanay kasi ako sa mas matanda sa akin…”

“Uy, preno naman. Hindi naman ako ganoon katanda!” sabi ni Renzo.

“No, I mean…” pero hindi na nakapagsalita si Mica dahil dire-diretsong umakyat ng altar si Renzo. “Kuya, puwede ba tayo riyan?” 

Hindi siya sinagot ni Renzo. Nagpatúloy lang ito kaya walang nagawa si Mica kundi sumunod. Alas-diyes ng umaga, walang misa, pero may mangilan-ngilang nasa loob ng simbahan at nagdadasal. May kani-kaniya silang problema’t hinihilíng. 

Sa sacristy ng halos lahat ng katedral o simbahan sa bansa, lalo na iyong mga sinaunang simbahan sa matatandang bayan, may pinto pababâ sa basement ng estasyon ng Guerrero. Dahil dito kaya nagparì ang maraming bagani at humawak ng mga parokya nang panahong ginagawa ang Guerrero, noong bungad pa lámang ng panahon ng mga Amerikano. 

Walang tao ngayon sa sacristy. Walang pari, walang madre, walang sakristan, walang manang. Nilapitan ni Renzo ang isang estante ng mga sotana at estola. Hinawi niya ang mga nakahanger na damit ng pari. Nakita nina Renzo at Mica ang mukhang pop art na silhouette ng mukha ng isang kabayo sa pader sa likod ng mga damit. Sa mga bagani, sapat na ang mga palad para mabuksán ang anumang pinto papasok at palabas ng tren. Sa tulad ni Renzo na binigyan lámang ng pahintulot ng isang punong bagani na gamítin ang Guerrero, kailangang wisikan iyon ng katas ng bunga ng abílin, isang punòng tumutubò na lámang ngayon sa mga lupang may proteksiyon ng mga bagani. 

Inilabas ni Renzo mula sa bulsa niya ang isang botelya, winisikan ang pader, at umangat ang pinturang ulo ng kabayo at naging door knob. Pinihit niya iyon bago naging stainless na pinto ang pader na likod din ng estante. Nag-slide ito pakanan nang bahagya para bumukás. Hindi naman makagalaw si Mica. Iba pa rin na naririnig mo lang ang mga kuwento nina Manong Joey kaysa sa talagang makíta ang mga kababalaghang tulad nito.

Hinawakan ni Renzo ang kamay ng dalagita bago sila pumasok sa loob. Pagyapak nila pareho sa loob, kusang nag-slide ulit pasara ang pinto sa likuran nila. Nasa loob sila ng isang elevator. Walang bílang ng mga palapag. Walang arrow keys na pababâ o pataas. May isang button lang. Pinindot iyon ni Renzo. Hindi halos nila naramdamang gumalaw ang kinatatayuan nila at wala pang limang segundo ay muling bumukás ang pintong pinasukan nila. Bumungad sa kanila ang isang platform na wala pang tatlong dipa ang lapad at wala pang dalawandaang metro ang haba. Maliwanag ang flourescent lights sa kisame. Walang ibang tao. Walang ibang nilalang. At least, walang nilalang na kaya nilang makita. Puti ang pader sa unahan at mayroon lang itong logo ng isang kabayong humihila sa isang karitela. Nakasulat sa ilalim nito ang mga salitang Guerrero-Balanga.

“Guerrero?” tanong ni Mica.

“Isa sa walong pangunahing angkan ng mga bagani.” Naglakad sila nang ilang hakbang at nakitang nasa pagitan ng platform at ng pader ang dalawang riles ng tren. “Sila ang namamahala sa iba’t ibang paraan ng transportasyon para sa mga bagani.” 

“May underground train dito sa Balanga?”

“Sa buong Filipinas,” sabi ni Renzo.

Maya-maya, may nakita nang ilaw ng parating na tren sina Mica at Renzo. Sa ikalawang riles, sa mas malayo sa kinatatayuan nilang platform. Paano sila sasakay doon? Hindi naman nila puwedeng talunin iyon. Napakabilis ng pagdating ng tren pero napakasuwabe ng pagkakapreno. Pagtigil nito sa tapat nila, lalong nagulat si Mica nang makita na maliban sa de-salamin ang mga pahabang bintana, mukhang dyip ang tren. Makináng ang stainless na katawan nitong may disenyo ng mga larawan ng mga parang santo at superhero sa matingkad na pula at dilaw na pintura. Nakahanay na parang nagpuprusisyon. Naisip ni Mica na di-hamak na mas artistic ito kaysa sa disenyo ng mga dyip na nagbibiyahe sa Balanga. 

Sa halip na magbukas ang gitna para magsilbing pintong pasukán tulad sa LRT o MRT, humaba ang platform sa likuran nito para matungtungan nila. Ang likod ng sasakyan ang nagbukás para siyang pasúkan nila tulad ng karaniwang dyip. Pagpasok nila, mukhang dyip din. May dalawang mahabang upuan na magkaharap. Walang ibang sakay. Walang drayber sa unahan pero dinisenyo ang loob na kagaya ng dyip na may hatì sa bandang unahan para sa upuan dapat ng drayber. Mayroon ding maliliit na kabayong stainless sa loob, tulad ng makikíta sa karaniwang dyip, maliban sa may hila itong karitela ngayon na may nakasúlat ding Guerrero. 

Nagsimula raw na mukhang karitela ang mga sasakyan ng Guerrero, bago pinalitan nga ng mas mukhang dyip nang matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, sabi ni Renzo kay Mica. Pero hindi giyera ng mga bansa ang nasa isip ni Renzo sa digmaan kundi ang labanáng manananggal-mambabarang na ikinamatay ng mga magulang nina Manong Joey at Manong Isyo.

Naupong magkaharap sina Mica at Renzo, nasa magkabilang panig ng mga upuan na káyang magsakay ng hanggang sampu bawat panig. 

“Trip,” sabi ni Renzo kay Mica. 

Napa-po? na naman si Mica, hindi naintindihan ang sinasabi ni Renzo. 

“Guerrero Trip,” patuloy ni Renzo. “Ito ang tawag sa mga sasakyang ganito. Treng Dyip kaya Trip.”

Napatangô si Mica. “Cute,” sabi niya, pero ang nasa isip talaga niya ay kung ano ang maaari niyang asahan sa Angono at kung paano nila makikíta si Janus. Sumara na ang pinto sa likuran ng Trip. Pumaling na si Mica sa unahan, nakatalikod nang bahagya kay Renzo. Hindi alam ni Renzo kung ano pa ang sasabihin kay Mica. Hindi rin alam ni Mica ang sasabihin kay Renzo. Nakatingin sa kanila ang dalawang stainless na kabayong nasa unahan ng Trip.

Sa isip ni Mica, pinapaulit-ulit niya ang mga araw na magkasáma sila ni Janus, simula noong first year at bagong-lipat siya sa St. Michael’s.

Sa isip ni Renzo, iniisa-isa niya ang mga posibilidad kung nasaan ngayon si Janus.

Halos tuwing dalawampung segundo, tumitigil ang Trip at bumubukas ang pintuan sa likuran. Pero walang sumasakay. Magkakamukha ang platform na nakikita nila, nag-iiba-iba lang ang pangalan ng lugar na kadikit ng Guerrero na nasa ilalim ng larawan ng kabayong may hilang karitela. Nagtataka si Mica kung bakit hindi nila nararamdaman ang mga kasalubong na Trip sa kabilang riles. At paano pala nalaman ni Kuya Renzo na nasa tamang direksiyon sila?

Para namang nababása ni Renzo ang isip ni Mica. Sa tagal na niyang kasama sina Manong Joey, parang nahahawa na siya sa mga ito. Wala siyempre siyang kakayahan na magbasá ng isip. Pero nagiging mas sensitibo siya sa galaw o di-paggalaw ng isang tao para basahin ang posibleng iniisip ng mga ito. Noon siya nagsalita. “Sinabi ni Manong Joey na ang Trip na pakaliwa ang sasakyan natin.”

“Ha?” sabi ni Mica. Alam niyang nakapagbabasá ng isip sina Manong Joey. Na bagani ang mga ito. Pero si Kuya Renzo, akala ba niya’y…

“Tao ako. Di ko nababása ang isip mo,” pero naisip ni Renzo na mukhang mas lalo niyang nababása ang isip ng dalagita sa sinabi niya. “Sorry, ang ibig kong sabihin, kahapon, iyan ang iniisip ko. Naisip ko lang na baka itinatanong mo rin ngayon sa isip mo. Baka nahihiya ka lang sabihin sa akin. Ang mga bagani kasi, alam nila ang direksiyon ng kailangan nilang sakyan, halos memoryado ng lahat ang mga estasyon ng Trip. Kasama sa pinag-aaralan nila.”

Noon lang tumango si Mica at bahagyang ngumiti. 

“Alam ko, pinoproseso mo pa ang lahat ng ito. Sorry kung nabibigla ka. Mas madali kasi sa atin kung dito na tayo sasakay. Protektado rin kasi itong Guerrero.”

“Sa Tiyanak…” sabi ni Mica.

Tumango si Renzo. “At sa lahat ng kampon niya.” Pero naisip din niya ang mansiyon nina Manong Joey. Protektado dapat iyon. Hindi dapat nangyari ang nangyari noong Pasko. Hindi dapat nangyari ang nangyari kina Sinta at Irog, at pagkatapos ay kay Miro. At kay Janus. Wala sanang kinalaman ang Tiyanak sa pagkawala ni Janus.

Sa sumunod na estasyon, may pumasok pagbukás ng pinto. Nagulat si Mica dahil akala niya’y buong biyahe na silang walang makakasabay hanggang sa makarating sa Angono. Matandang babae, naka-hijab, makintab na bulaklakin ang damit, malawak ang ngiti pagkakita sa kanila. “Aba at may mga bagets,” bungad nito. Tumango naman si Renzo at nag-good morning po bilang paggalang. Nahihiya namang napangiti si Mica. Tumabi ang matanda sa kaniya. Sa tantiya ni Mica, nasa kuwarenta anyos ang babae. Pero hindi na rin niya alam kung ilang taon talaga ito. Si Manong Joey nga, 82 na raw kahit sa tingin niya nang una niya itong makita kahapon, wala pa itong singkuwenta. 

“You may call me Babo Alimah,” sabi ng matanda. 

Tiningnan ito ni Mica. Makinis ang kutis, kahit may edad na. May make-up at lipstick na manipis. Mukhang mayamang Muslim. Pero basta ba may ganitong belo sa ulo, Muslim na? At bakit parang nakita na niya ito dati? May dala itong hand bag na electric blue ang kulay. Lana Marks, naisip ni Mica. Pamilyar siya sa brand dahil paborito iyon ng Mama niya. “Mica po,” hindi alam ni Mica kung iaabot ang kamay niya para makipagkamay dito. Nahiya ang Chinese niyang dugo sa kinis ng kutis ng matanda.

Si Renzo ang nag-abot ng kamay nang magpakilala ito. “Good afternoon po,” dagdag nito. “Nakikigamit lang po ng Trip,” sabay-alanganing-ngiti.

“Pagkaseryoso ng mga batang ire,” natatawang sabi Babo Alimah. “Para kayong namatayan!”

Lalong hindi nakangiti at nakapagsalita sina Mica at Renzo. Awkward.

Tumigil ang Trip. Nagbukás ang pinto. Walang pumasok. Nagsara ang pinto at saka umandar ulit. Hindi nila nararamdaman ang hagibís nito mula sa loob.

“A lot of people die every second. But more are probably being born,” sabi ni Babo Alimah. “Alam ninyo iyan. We will all be gone. Pero sisikat din ang araw bukas. Parang kanta, di ba? But I understand you. Sadness is the source of our strengths and weaknesses. Ito ang ating sumpa at biyaya. Tayong lahat––bagani, nuno, diwata, pusong, tao. Tayong mga may kaluluwa at nilikha ng mga bathala upang mag-isip at dumama. Dahil sa lungkot kaya tayo naghihirap. Pero dahil sa lungkot din kaya tayo nagpapakatatag. O, winner, di ba. Tweet n’yo iyan, ha.”

Lalong bumilis ang tibok ng puso ni Mica. Naisip niya kung baliw ba ang matanda. Suddenly, may sermon at moral lesson? At may Twitter? 

Pero hindi na ulit nagsalita si Babo Alimah kahit hindi nawawala ang aliwalas ng mukha nito dahil sa pagkakangiti.

Tatlong estasyon pa ang tinigilan nila bago sinabi ni Renzo nang bumukas ang pinto sa likuran ng Trip na dito na sila.

“Sige po,” bahagyang sabi ni Renzo kay Babo Alimah.

“Sige po,” sabi rin ni Mica, bago ito sumunod sa paglabas kay Renzo. 

Tumango sa kanila ang matanda. “Pagpalain kayo ng inyong mga kalungkutan,” sabi nito sa dalawa, kasabay ng malawak muling ngiti. Napangiti rin nang alanganin sina Renzo at Mica.

Paglabas ng dalawa, agad nagsara ang likod ng Trip bago ito muling humarurot palayo. Paghakbang nila sa platform, sumunod na umusad ang bahagi ng platform sa ilalim nila na malamáng na lumitaw lang sa likuran ng Trip pagtigil nito. Halos kamukhang-kamukha ang binabaan nila ng iniwan nilang estasyon sa may Katedral ng Balanga. Sa pader sa likod nila, naroon muli ang larawan ng kabayong may hilang karitela at sa ibaba nito, nakasulat ang Guerrero-ACE.

Ngayon, nakaharap sila sa bahagi ng pader na may larawan din ng kabayo. Inilabas ulit ni Renzo ang botelya sa bulsa niya at winisikan iyon. Naging door knob din iyon na nang pinihit ni Renzo ay may lumitaw ulit na pintong nag-slide pakanan para makapasok sila sa loob. Pinindot ni Renzo ang nag-iisang button sa loob. 

Wala pang limang segundo, bumukás na ang pinto at nakíta nilang nakaabang na sa kanila si Manong Joey katabi ang isang babaeng bagani na halos kasing-edad ni Renzo, pero siyempre, malamang na mas matanda na ng ilang taon sa binata. “Hi, ako si Erin,” sabi ng dalaga, at iniabot ang kamay kay Mica, bago ito ngumiti lang kay Renzo.

“Hello,” sabi naman ni Mica na napatingin kay Renzo na napansin niyang parang biglang hindi nakapagsalita.

“Si Erin ang isa sa 12 sector managers ng ACE,” sabi ni Manong Joey. 

“Ang gandang pakinggan ng manager,” nakangiting sabi ni Erin. “Pero trabaho lang din ang ibig sabihin nun.” Tapos, saka ito tumingin ulit kay Renzo. “Pero eto, heto ang totoong boss.”

Lalo nang di máláman ni Renzo ang sasabihin. Noong Pasko lang din niya nakilala si Erin at pakiramdam niya, wala pa siyang matinong nasabi sa harapan nito. Laging sablay. Napangiti naman sina Mica at Manong Joey.

Bumungad sa kanila ang isang malawak na opisina na puro monitor sa paligid. Tulad ng naglalakihang monitors na nakikita lang ni Mica kapag nananood ng Hollywood movies o TV series. Mga palabas na karaniwang tungkol sa end-of-the world o malaking trahedya o breach ng national security. Huminga nang malalim si Mica. Mahigit sandaan ang nakikita niyang tao—o kung anuman ang mga ito, mga bagani, malamang—na may kani-kaniyang mesa at nakaharap sa sari-sariling monitor ng computer. May ilang nag-angat ng ulo mula sa kung anong ginagawa nila nang pumasok sina Mica at Renzo. Pero karamihan ay tuloy lang sa mga ginagawa nila, na parang ni hindi naramdaman ang pagdating nila. Babae, lalaki. May mga lalaking nakabihis-babae. May halos binatilyo at dalagita pa lang. May mga mukhang mas matanda pa sa edad ni Manong Joey ang hitsura.

Si Renzo, na naiilang pa rin kay Erin, hindi rin makapaniwala nung una siyang makapasok dito kahapon, kahapon lang, bago nga nila sunduin si Mica. Na ang madalas palang ikinukuwentong control room nina Manong Joey at Manong Isyo para sa pagmomonitor sa mga pinaghihinalaan nilang may dugong púsong ay nasa loob mismo ng kuwarto ni Manong Joey sa loob mismo ng mansiyon. Bakit nga naman nila ito ilo-locate pa sa ibang lugar kung ito ang protektadong lugar ng mga bagani? Mula sa kuwarto ni Manong Joey, may isang pinto na papasók sa silid na ito. Doon lang ang ibang entrance dito maliban sa pinto ng Guerrero. Ito pala ang dahilan kaya may mga nakalalabas-pasok na bagani sa mansiyon nang hindi nila nalalaman kung kailan dumating at kung saan nagdaan. Kaya rin pala mabilis na nakapagpapabalik-balik noon si Manong Isyo sa Balanga, noong binabantayan nito si Janus.

Alam ni Renzo na malawak ang mismong mansiyon, pero hindi niya lubos-maisip noong una na may ganito kalawak na silid sa second floor. Pero nang iminamapa niya sa utak ang mga kuwarto sa ibaba––ang sa kaniya, kay Manong Isyo, kay Janus, kina Manang Mely, ang kusina at dining area, ang malawak din na library sa basement, ang multimedia room, ang recreation room na bihira nilang magamit, naisip niyang maaari ngang mas malawak pa ito sa buong soccer field nila sa St. Michael’s. Ang akala nilang mga kuwartong tinutuluyan ng ibang mga bisitang bagani ay isang napakalaking silid pala para sa operations ng mga baganing hawak ni Manong Joey.

“Ilapag mo na muna iyan,” sabi ni Manong Joey kay Renzo na bitbit ang bag ni Mica. “Nagpahanda ako ng meryenda, kumain muna kayo ni Mica.”

“Okey lang po ako,” sabi ni Mica na nahihiya.

“Mag-uusap din tayo,” sabi ni Manong Joey. “At huwag ka nang mahihiya rito. Isang malaking abala ito sa buhay mo. At… at hindi natin alam kung kailan matatapos ito.”

Tumango si Mica. “May balita na po ba kay Janus?”

Umiling si Manong Joey. “Wala pa rin.” Iginiya niya ang dalawa papasok sa isa pang silid na mukhang sariling canteen para sa mga baganing nagtatrabaho sa main room. Mahigit dalawampu ang mesa na may tig-aapat na upuan. May nakahanda na ngang juice at sandwiches sa isang mesa sa kanang sulok ng silid. Walang ibang bagani sa loob maliban kina Manong Joey at Erin. 

Tiningnan ni Mica ang relo sa braso niya. Wala pang alas-onse ng umaga. Wala pang tatlumpung minuto nang iwan niya ang Balanga pero ang dami na niyang nakikita na hindi niya inakalang makikita niya sa buong búhay niya. Sa mundong kilala niya. Ang daan sa sacristy ng Katedral sa Balanga papasok sa estasyon ng Guerrero. Ang Trip. At ngayon, ang silid na ito. Nawala sa isip niya kahit si Babo Alimah na pakiramdam talaga niya kanina ay nakita na niya dati.

“Ito ang base ng ACE o Andres Communications Enterprises, iyon ang official na pangalan ng kompanya. May legal at public name din kami. Pero sa mga bagani, kilala lang ito bilang Andres, sang-ayon sa apelyido ng mga ninuno ko. Basta may kinalaman sa komunikasyon, angkan namin ang namamahala. Dahil na rin sa kakayahan namin.” Tumingin si Manong Joey kay Renzo na nakatingin lang din sa kanila ni Mica habang kinakain ang sandwich, sinasadyang iwasang tingnan si Erin na nakaupo lang din at nakikinig kay Manong Joey. 

Nagbalik ng tingin si Manong Joey kay Mica. Sasabihin na ba niya sa dalagita kung bakit ito narito talaga? Na hindi lang para proteksiyonan ito laban sa Tiyanak? Na hindi lang para makatulong sa paghahanap kay Janus? Na ang totoo’y may kinalaman ito sa Paraluman na nakíta niya sa utak ni Janus bago nawala ang binatilyo nung Pasko? Wala pa siyang pinagsasabihan nito kahit sino. Kahit si Isyo na nakatawid na sa Kalibútan bago pa nawala si Janus.

Ngayon, ngayon na siya nakahandang ipagtapat kay Mica ang lahat, ngayong ligtas na ito sa mansiyon. Bago niya ito iharap sa ibang punong bagani. Bago siya mapilitang ipagkatiwala ito sa mga Gracio kung wala na talaga siyang ibang pagpipilian.

Pero pagtingin ulit ni Manong Joey kay Renzo bago sabihin ang mga dapat sabihin kay Mica, napatigil siya. Kumurap siya. Tumingin siya sa flourescent lights sa kisame ng canteen na pinagmumulan ng liwanag. Tumingin siya kay Mica. Kay Erin. Tumingin siya sa kinauupuan niya mismo. Saka siya tumingin ulit kay Renzo. Ginawa niya ang mga paglipat-lipat ng tingin na ito sa mga mata ng isip niya lámang, kaya hindi nakíta ng tatlo. 

Nagi-guilty siya pero sinubok niyang basahin ang iniisip ni Renzo nang hindi ito makahahalata. Wala naman siyang makitang kakaiba sa utak nito. Nakonsensiya pa siya dahil tungkol sa nararamdaman ng binata kay Erin ang nabása niya roon. Pagbalik niya ng tingin sa kinauupuan ni Renzo, normal na ulit. 

Namalikmata lámang ba siya? Pero sigurado siya. Ngayon, nagdalawang-isip siyang ipagtapat kay Mica ang kinalaman nito sa Paraluman ni Janus. Safe pa bang marinig din ni Renzo iyon? Kailangan niya munang makatiyak. Maaaring pinaglalaruan lámang siya ng paningin niya, bahagi ng epekto ng Manto sa kakayahan nilang mga bagani. Pero kahit na, mahirap na. Naiisip niya si Bino, siyempre. Napakaraming taon silang nalinlang nito. Hindi lamang ako, pampalubag-loob ni Manong Joey sa sarili, nalinlang niya kaming lahat. Tiningnan niya sa paningin ng utak niya si Erin. Kakailanganin niya ito para bantayan si Renzo. Para matiyak na mali ang nakíta niya. Mali sana ang nakíta ko. Pero ang lakas ng kabog ng dibdib niya.

Si Renzo ito, tanggi ng loob niya. Anong sasabihin ni Isyo kapag kumilos siya tungkol sa binata nang hindi muna ito hinintay? At… at sigurado ba siya sa nakita niya? Sigurado ba talaga siyang… nawala ang anino ni Renzo kanina? Kinilabutan siya nang maisip iyon. Napakaraming malagim na kuwento ng Matatanda tungkol sa mga aninong humihiwalay sa katawan ng tao. Pero narito na ulit ang anino ni Renzo at nakakápit nang matindi sa katawan ng nakaupong binata. Nakatigil ang anino nito’t hindi humihinga… parang ahas na nakikiramdam sa kaunting pagkilos ng biktimang handa nitong tuklawin anumang oras.

(This is the first chapter of Si Janus Sílang at ang Pitumpu’t Pitóng Púsong, the third book of the Janus Sílang series, published by Adarna House in 2017. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this excerpt in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Powered by WordPress.com.

%d bloggers like this: