Prologo: Abíl

HINDI MO KAYANG MALAMAN ang lahat sa ngayon. Kahit ako, hindi ko alam kung alam ko na ang lahat ng kailangan kong malaman para maging handa ako sa mga nangyayari at sa mga siguradong darating. Dumaranas ng abíl ngayon ang lahat ng nilalang sa Kalibutan––matindi ang pagkabalísa, alumpihit ang damdamin, at hindi natin alam kung ano ang iisipin. Pero walang nagsasalita. Wala pang nagsasalita kahit umuugoy ang mga búhay ng lahat na nakabitin sa kawalang-katiyakan. Sa ibaba, mga luhang nag-aabang sa babagsakan natin ang mga buto ng damong abúkay na karaniwang ginagawang kuwintas o pulseras ng mga bata na wala pang málay sa mga totoong nangyayari.

Hindi natin kayang maláman ang lahat pero may mga bagay na kailangan mong maláman tungkol sa Kalibutan. Kung alam ko lang ang mga ito bago ako nakarating dito noon, baka naiba ang marami sa mga naging pasya ko. Mahaba pa ang gabi. Malakas ang bulong ng aguy-óy pero handa ka sanang makinig. 

Gusto kong magsimula sa pinakasimula, pero sino ba ang nakaaalam ng pinakasimula? Ang alam natin, sa loob ng mahabang panahon, naniwala ang lahat ng lahi ng mga diwata na binubuo lang ang Kalibutan ng isang malawak na lupain, ang Nigò, at na napapalibutan ito ng malawak na karagatang tinatawag nilang Panaw. Nahahati ang Nigò ngayon sa walong hibaybay na bayan ng walong lahi ng mga diwata. Walo ang paboritong bílang ng mga diwata dahil ito ang dulo ng bawat siklo ng pagbibilang nila gamit ang tig-apat na daliri ng kanilang kanan at kaliwang kamay. Pero ang totoo, walang kinalaman ang mga diwata kaya naging walo ang mga hibaybay. Kasaysayan ng kanilang pagdating at pagkasakop ang kumatha sa walong hibaybay.

Naniniwala ang mga diwata sa mga bathala, na mga bathala ang unang nanirahan sa Nigò, kaya tinawag nila ang Unang Panahong iyon bilang Panahon ng mga Bathala. Subalit sa pangyayaring hindi maipaliwanag kahit ng kanilang mga áwit, na salaysay ng mga kabayanihan upang maitatag ang mga hibaybay, at mga ágam, na alaala ng mga bagay na lumipas at mga nilalang na pumanaw, naglahò ang mga bathala. At sinundan iyon ng Panahon ng Dilim. Mahabang-mahabang Panahon ng Dilim. Wala umanong makikita sa mahabang yugtong ito sa Kasaysayan ng Kalibutan bagaman paminsan-minsang makaririnig ng aging-íng na para bang may hinihiwang gulók sa kung saan-saan. Pero sino ang makaririnig sa mga aging-íng na iyon? Walang nilalang na humihinga sa kahit saan, wala kahit agaás ng hangin, kahit mahina’t banayad na bulong ng álon sa paghalik ng Pánaw saanmang pampang ng Nigò.

Hanggang isang araw, walang babala na tulad ng biglang pagkawala ng mga bathala, muling sumíkat ang araw. Tinawag iyong Panahon ng Liwayway. At mula sa kung saan, lumitaw ang Unang Walong Diwata na pagmumulan ng walong lahi ng mga diwata. Tinawag na Silangan ang bahaging iyon ng Nigò dahil iyon ang nagsilang muli sa araw at nagluwal sa mga diwata. Silangan ang pinakamatanda sa walong hibaybay, kung gayon, at hanggang ngayon ay pinaniniwalang pinakamahiwaga. Paglipas ng laksa-laksang paglubog at pagsikat ng araw sa Silangan, matapos magkaroon ng mga anak, mga apóng totoo, mga apó sa tagilíran, hanggang mga apó sa sinapupúnan ang Unang Walong Diwata, nagpasya silang galugarin ang iba pang mga panig ng Nigo. Naiwan sa Silangan ang lahi ng mga diwata na tinatawag ngayong Isáin, na nangangahulugang isa o una, subalit maaari ring mangahulugang nagpaúna o nagpaháyo o nagpaubayà. 

Paikot sa Nigò at humahalik sa tubig ng Pánaw, naitatag ang kasunod na ápat na hibaybay: ang Alagar na nasa bandang hilaga ng Silángan; ang nasa kanluran ng Alagár na Pahát at ang kasunod nitong Alás; at ang Alapót, isang maliit na hibaybay sa bandang timog ng Alás. Noong una, walang naninirahan sa pinakatimog ng Nigò dahil masyadong malamig at madilim sa bahaging iyon, at halos buong taóng dumaranas ng abúabo, o maulap na nagyeyelong ambon. Kahit umano ang alon ng Pánaw sa mga bahaging iyon ay nagyeyelo. Sa halip na maglagalag pa patimog at magtayo ng pamayanan doon, pinaunlad ng mga diwata ang mga kinaroroonan nilang limang hibaybay. Tinawag ang pagtatatag at pagpapayaman na ito ng unang limang hibaybay bilang Panahon ng mga Diwata. Sa loob ng mahigit limandaang taon, nakahubog ang bawat hibaybay ng sarili nilang kultura, kasaysayan, wika, sistema ng pamamahala, at mga pananalig.

Subalit natapos ang Panahon ng mga Diwata nang dumating mula sa kung saan ang mga aswang. Hindi naghinala ang sinuman sa mga diwata noon na may kakaiba sa mga babagong dating na nanirahan sa iba’t ibang panig ng Nigò at nakihalubilo sa kanila. Karamihan ay paisa-isa ang pagdating, subalit minsan ay magkakapares na parang magkabiyak, hanggang sa mag-a-mag-anak na ang dumarating sa mga hibaybay. Mas maputla sa karaniwan ang mga ito, subalit iyon ay ipinagpalagay nilang dahil nagmula sa katimugan ng Nigo ang mga ito. Maliban sa kakaibang bilang ng mga daliri sa kamay ng mga ito at paglalakad sa lupa, wala na silang makitang kakaiba pa sa mga bagong dating. Totoo na hindi gaanong tumitingin nang tuwid sa kausap ang mga ito, subalit inisip ng marami na dahil iyon sa hindi sanay ang mga ito sa sikat ng araw sa umaga at parang laging nasisilaw sa liwanag. Nasanay sila sa makulimlim na panahon ng katimugan, iyon ang palagay ng marami. 

Sa pangkalahatan ay nakikihalubilo naman nang maayos ang mga bagong dating sa mga dinatnang diwata. Dumadalo sa mga pagdiriwang. Nakikiawit at nakikiagam sa mga umpukan. Kagila-gilalas para sa mga diwata ang nilalaman ng awit at ágam ng mga bagong dating pero walang dahilan para pagdudahan nila ang kasaysayan ng mga ito. Wala pang konsepto noon ng kasinungalingan o panlilinlang ang mga diwata. Ang mga aswang ang nagpakilala sa kanila ng mga iyon. 

Hanggang nagsimula nga ang pagkamatay ng mga diwatang mukhang pinaslang ng isang uri ng halimaw na hindi matukoy ng kahit pinakamatatandang diwata. Walang pinipiling edad o kasarian. Basta natatagpuan nilang wakwak ang tiyan, said ang dugo, wala nang lamanloob. Tadtad din ng áhod ang katawan, mga kalmot at marka ng kagat ng kung anong hayop. Matagal nang yumao noon ang Unang Walong Diwata, at mga apo sa tuhod, mga apo sa talampakan, at mga apo sa sakong na lámang nila ang nabubuhay pa. Mga kaapu-apuhan nila na hindi na rin sila inabot at nakilala bagaman sinisikap pa ring ipagdiwang taon-taon ang Pagsisilang sa Walong Diwata sa pamamagitan ng mga handaan, palabas, at patimpalak. Natakot ang mga diwata sa halimaw na hindi nila nakikita, lalo na nang dumami’t lumaganap ang mga pagpaslang. Hindi nila pinaghinalaan ang mga bagong dating noong una. Hanggang napansin ng mga punong diwata na walang nabibiktima ang mga halimaw mula sa mga bagong dating. Noon din nila napagtagni-tagni na kahit matagal na nilang kasama ang mga ito, hindi nakikipag-asawahan ang mga ito sa mga diwata. Lumaganap ang bulong-bulungan. Tumawid ng mga hibaybay, sa iba’t ibang wika. Subalit bago pa nga nabuo’t nagkaanyo ang mga hinala, bago pa nakapagsanib ng puwersa ang mga diwata, lumantad na ang mga aswang sa totoong anyô ng mga ito bilang iba’t ibang uri ng mababangis na hayop na hindi na ngayon makikita sa Kalibutan: ikúgan, tandáyag, garúda, at sigbín.

Iyon ang simula ng mahabang panahon ng pagiging sakop at alipin at pagkain ng mga diwata sa mga aswang. Naging para silang mga hayop na pinatataba ng mga ito para kainin. Totoong malaya silang gawin ang kahit ano sa mga dati na nilang ginagawa: pag-aaral, paglalaro, pagtatanim, pagtatahi ng mga kasuotan, paglililok, paglikha ng mga awit, pagsusulat ng mga agam, pagtatanghal, pagtatayô ng mga gusali, ng mga daan, at iba pa, subalit alam din nilang sinuman sa kanila ay maaaring damputin ng kahit sinong aswang at kainin sa kahit anong oras nitong magustuhan. 

Dahil mas hindi sanay sa klima ng mga hibaybay sa silangan, hilaga, at kanluran, itinatag ng mga aswang ang ikaanim at ikapitong hibaybay sa katimugan ng Nigò, ang Alimuom at ang Molang Dilim. Naging sentro ng kapangyarihan ng mga aswang ang Molang Dilim. Doon nanirahan ang pinakamatatanda, pinakamalalakas, at pinakamakakapangyarihang aswang. Lahat naman ng mga diwatang may-sakit, na sa kung anong dahilan ay mas masarap sa panlasa ng mga aswang, ay inililipat nila sa Alimuom para mas malapit sa Molang Dilim. Kapag dinala ka noon sa Alimuom, alam mo nang walang ibang naghihintay sa iyo kung hindi kamatayan. Araw-araw na nabuhay sa tákot ang mga taga-Alapót na kanugnog lang ng Molang Dilim. Ang mga diwatan namang naiwan sa Silangan, Alagar, Pahat, at Alás ay nagpapanggap araw-araw na maayos lang ang buhay nila. Nagmamaang-maangan sila sa karahasang ginagawa ng mga aswang. Hindi sila nagsasalita dahil hindi naman kamag-anak nila ang dinadampot at dinadala sa Alimuom. Pero nang kamag-anak na nila o kaibigan ang pinagdadampot, nanatili pa rin silang tahimik. Alam naman nilang wala silang magagawa. Wala sila lahat magawa. Tinawag ang panahong iyon noon bilang Panahon ng mga Aswang, bagaman tinatawag na lamang iyon ngayon sa mga aklat ng Kasaysayan ng Kalibutan bilang Panahón ng Pusíkit, ang panahon ng pinakamadilim na yugto sa nagdaan ng mga diwata.

Sa ilang henerasyon ng ganoong pamumuhay, halos natanggap na ng maraming diwata na hindi sa kanila ang Kalibútan at wala silang ipinagkaiba sa mga hayop na gumagala-gala pa noon sa mga lupain. Sa mga sumunod na salinlahi, halos nawalan ng silbi ang pangangarap at pag-iisip para sa hinaharap dahil anumang sandali ay maaari silang ipakuha ng mga aswang at dalhin sa Alimuom o idiretso sa Molang Dilim. Maraming diwata na naging kasangkapan ng mga aswang para alipinin at pagsamantalahan ang mga kapwa nila diwata. At para bang lalo pa silang sinusubukan ng tadhana, dinatnan ng kung anong salot ang buong Nigo at nagkaroon ng matinding karamdaman ang marami. Hindi nila alam kung sa hangin o sa tubig sa mga baybayin ng Pánaw nila nakukuha ang sakit. May mga diwatang nagkakanulo at isinusuplong ang mga diwatang dinapuan ng sakit. Pami-pamilyang hinahakot ang mga diwata papunta sa Alimuom, na naging katumbas na halos noon ng kawalang-pag-asa para sa lahat. Hindi nakaligtas sa epidemya kahit ang mga taksil na diwata at pakiramdam nila ay parusa sa kanila iyon ng Unang Walong Diwata na nalimot na nila dahil sa mga aswang. Nasa bingit na noon ng pagkalipol ang lahat ng mga diwata––alinman sa dahil sa sakit o dahil sa gútom ng mga aswang––nang dumating sa Nigò mula na naman sa kung saan ang mga tamáwo na nagligtas sa kanila.

Hindi alam ng mga diwata ang mararamdaman sa pagdating ng mga bagong nilalang na itong bata man o matanda ay nananatiling nakayapak sa lupa, tulad ng mga aswang. Dapat ba silang matakot din sa pagyapak ng mga ito sa lupa? Dapat ba silang mangilag sa pangangahas ng mga itong lumakad sa mga lupain? Sa mga diwata, mga bata lang na hindi pa nakapagsasanay lumukad ang naglalakad sa lupa. Paglulukad ang paglalakad nang nakalutang sa hangin, hindi tumatama ang talampakan sa lupa o sa anumang sahig. Sa edad na lima o anim, karaniwan nang naglulukad ang isang batang diwata. Alam mo na ito, hindi ba? Hanggang sa kasalukuyan, mahalagang pagdiriwang ng mga diwata ang Pag-angat sa Walong Taon. Lahat ng mga batang diwata na nagdiwang nang ikawalong kaarawan nang sinundang taon ay bahagi ng pagdiriwang. Magtitipon-tipon sila sa iba’t ibang sentro ng bawat hibaybay at habang pinapanood ng kani-kanilang mga magulang, mga kamag-anak, mga kaibigan at kakilala, sabay-sabay na lulukad ang mga bata. Mula sa araw na iyon, hindi na sila muling tumutuntong sa lupa. Pinagkakalooban din ng sari-sarili nilang daligmata ang bawat bata matapos ang Pag-angat sa Walong Taon, tanda na may kalayaan na silang mag-isang galugarin ang Kalibútan. Na hindi na nila kailangan ng gabay at daligmata ng magulang o kung sinumang nakatatanda. Isang hayop ang daligmata na may buntot at mga pakpak kaya nakalilipad-lipad ito’t nakasasabit sa mga sanga. Nagsisilbing ilaw ang malalaking mata nito at nakapagpapadala naman ng mensahe sa ibang daligmata ang huni nito. Hindi namamatay ang mga daligmata na pinakakain lamang ng mga ábsik, ang mga puting langgam na isa sa mga pinagkukunan ng elekstrisidad sa Kalibutan. Cyborg ang mga daligmata na pinaghalong hayop at makina, tulad ng lahat ng iba pang hayop sa Kalibutan na nakaligtas sa Panahon ng Pusíkit dahil sa manipulasyon ng mga tamawo.

Kung ngayon ka lang dumating sa Kalibutan, parang ang hirap isipin na mga tamawo ang nagligtas sa mga diwata noon, ano? Pero tama ang narinig mo. Ang mga tamawong ito na bata man o matanda ay nananatiling yumayapak sa lupa ang siyang nagligtas sa mga diwata at kahit sa mga hayop laban sa kumakalat na epidemya noon––at laban sa mga aswang. Hindi nakapaglalagos sa mga pader o anumang harang ang mga tamawo, hindi tulad ng isang karaniwang diwata, subalit kaya nilang maging imbisible. Mayroon silang kakayahan ng tagabulag para hindi sila makita ng iba. Kaya naging madali sa kanilang nakapasok sa mga hibaybay, at nakapaglakbay patungong Molang Dilim. Nagagawa rin ng nilang bulungan ang mga bunga at bulaklak na kapag inihalo sa pagkain o inumin ng iba ay kaya nilang pasunurin kahit papunta sa kamatayan. Sabi ng marami, kaya ring pasunurin ng isang tamawo ang sinumang mahawakan nito, kaya takot ang mga diwata hanggang ngayon na mahipo man lang ng isang tamawo. Pero ang pinakamahalaga sa lahat noon, hawak ng mga tamawo sa leeg ang mga tikbalang. Nang sinugod ng mga tamawo ang Molang Dilim para paslangin ang mga aswang, nakasakay sila sa yutà-yutàng tikbalang. Halos dalawang diwata ang taas ng isang tikbalang, nasa sampung talampakan, may mukha ng hayop na iba sa lahat ng mga hayop na umiiral sa Kalibútan. Sa likod ng bawat tikbalang nakasakay ang mga tamawong mandirigma––lalaki, babae, aging-íng, lalakínin. May hawak silang mga sandata na noon lang nakita ng mga diwata at maging ng mga aswang. Subalit halos hindi nagamit ng mga tamawo ang mga sandatang iyon dahil sapat na ang kung anong lason sa hininga ng mga tikbalang sa bawat pagsingasing ng mga ito sa mga aswang na nalapnos ang balat kahit nag-anyo pang mababangis na ikúgan, tandáyag, garúda, at sigbín ang mga ito. Nalipol ang mga aswang sa labanang iyon na tumagal umano nang ilang araw lamang. O iyon ang paniniwala ng lahat. Dahil may mangilan-ngilang nagsasabi na nakita nilang may mga garúdang nakalipad patimog ng Molang Dilim. Subalit totoo man iyon, saan pupunta ang mga iyon? Walang nasa timog ng Molang Dilim kundi ang kawalang-hanggan ng Dagat Pánaw. Halos tiyak silang babagsak din at malulunod sa dagat ang mga aswang na iyon.

Sabihin pa, ipinagdiwang ng mga diwata ang tagumpay ng mga tamawo. Daan-daang taon ng pagkaalipin sa mga aswang at ilang araw lamang pala ng pagsugod ng mga tamawo sakay ng kanilang mga tikbalang ang kailangan para lipulin ang mga iyon. Pinagaling din ng mga tamawo ang karamdaman nila. Iniligtas ng mga tamawo ang mga hayop sa pamamagitan ng manipulasyon sa mga ito para maging cyborg at kasangkapan sa buhay ng lahat. Hindi pa rin alam ng mga diwata hanggang noon kung saan nagmula ang mga tamawo subalit walang nagtatanong. Sapat nang tinutulungan sila ng mga tamawo na bumangon mula sa mahabang panahon ng pagkaalipin sa mga aswang. Muling itinayo ang mga bahay-bahay. Muling ibinalik ang mga dating gawi. Subalit ang tiniyak ng mga tamawo na hindi magbalik ay ang paniniwala ng mga diwata sa sarili nila. Kaya sa paglipas ng panahon, ang pagtulong ng mga tamawo ay naging pamamahala. At ang pamamahala ay naging paghahari. Itinatag ng mga tamawo ang hibaybay na Tahilan sa pinakagitna ng Nigò. Kumuha ang Tahilan ng lupain sa halos lahat ng pitong iba pang hibaybay na nakapalibot dito at sa bandang huli’y siya pang naging pinakamalawak na hibaybay sa gitna ng Nigò. Tahilan lamang ang tanging hibaybay na walang panig na nahahalikan ng tubig ng Pánaw. Dahil dito kaya nagkaroon ng hinala ang mga diwata na takót sa tubig ang mga tamawo. Sa tulong ng mga tikbalang, nagtayo ang mga tamawo ng Dakilang Sanggalang palibot sa nasasakop ng Tahilan––isang mataas na pader na hindi kayang liparin ng kahit anong hayop sa Kalibútan. Hindi kayang tawirin ng mga aswang, kung totoo mang may nabuhay pa sa mga ito. Nanatili umano ang halos lahat ng mga diwatang naninirahan sa mga lupaing sinakop ng Tahilan sa loob ng Dakilang Sanggalang sa pangako ng mas maalwang buhay at proteksiyon sa pagdating ng kung sino mang kaaway o kung anumang bagong karamdaman. Marami ring nasa mga lupain sa labas ng Dakilang Sanggalang na pinahintulutang pumasok para manirahan sa loob. Nang matapos ang pagtatayo ng Dakilang Sanggalang, nagsara na ang Tahilan sa ibang panig ng Nigò. Dalawa lamang ang lagusan nito: mula sa bulubundukin ng Pahat sa hilaga, at mula sa mga kagubatan ng Alapot sa kanluran. Sinadya ng mga tamawo na hindi magkaroon ng daan patawid ng Silangan nang maramdaman nilang marami pa rin sa mga diwata ang may marubdob na pagpapahalaga sa lugar na iyong itinuturing na sagrado dahil pinagmulan ng Unang Walong Diwata.

Nagtayô naman ng sari-sarili nilang sistema at pamahalaan ang iba pang hibaybay sa labas ng Tahilan. Nakahubog sila ng sari-sariling kultura at kasaysayan sang-ayon sa naging direksiyon ng kanilang mga pamumuno. Ginamit nila ang matatanda nilang wika na iba sa wika ng mga tamawo na pinalalaganap at tanging ginagamit sa loob ng Tahilan. 

Walang nakaaalam sa mga taga-Tahilan kung may naninirahan pa sa Alimuom o sa Molang Dilim matapos magsara ang Dakilang Sanggalang. Hindi maisip ng mga tamawo na may mga diwatang gugustuhing manirahan doon. At ang totoo, nawalan na sila ng pakialam sa lahat ng mga nasa labas ng Tahilan. Kahit ang mga diwatang nasa loob, lalo pa ang mga salinlahi na doon na isinilang at nagkaisip, nabubuhay at namamatay nang walang málay sa kasaysayang ito kaya hindi nila nakikita ang mga diwatang nasa labas ng Tahilan bilang kapwa nila. Dahil hindi itinuturo sa mga paaralan sa loob ng Tahilan ang kasaysayan nilang ito. Ganito ang buhay sa kasalukuyan nating panahon na tinatawag ding Panahon ng mga Nuno, tulad ng alam mo na. Tamawo rin ang mga nuno, at sila ang pinakamakakapangyarihang tamawo sa Tahilan. At pinakakinatatakutan.

Para mabilis na pamahalaan ang lawak ng Tahilan na napakarami pa ring mga sapa at lawa at kagubatan at burol at bulubundukin at talampas sa loob, hinati ng mga tamawo sa sampung punsô o mga bayan ang buong Tahilan, sang-ayon naman sa bilang ng daliri sa mga kamay nila. At bawat punsô ay pinamumunuan ng makapangyarihang tamawo na tinatawag na Nuno sa Punsô. Kinuhang katuwang ng bawat Nuno sa Punsô ang isang pinunong diwata para pamahalaan ang mga kapwa-diwata, at tinawag nila iyong Bathaluman. May paniniwala na lihim na inaasawa rin ng mga Nuno sa Punsô ang kani-kanilang Bathaluman, mapababae man iyon o lalaki o aging-íng o lalakínin. Subalit walang totoong kapangyarihan ang mga Bathaluman kundi maging tainga at mata at bibig ng mga Nuno sa Punsô. Alam din ng sampung Bathaluman na maraming kapwa-diwata ang hindi nagtitiwala sa kanila dahil mismo sa paglilingkod nila nang tuwiran sa mga Nuno. Kung tutuusin, wala namang ginagawang masama ang mga tamawo sa mga diwata, maliban marahil sa inangkin nga ng mga ito ang kanilang lupain, at siyang namumuno’t nagdidikta ngayon sa mga buhay nila. Lahat ng nasa loob ng Tahilan ay hindi malayang lumabas patungo sa ibang hibaybay. Hindi na sila makapapasok muli kapag ginawa nila iyon. Lahat naman ng nasa labas ng Tahilan ay maaari lamang pansamantalang makapasok sa Tahilan sa pamamagitan ng mga daan sa Pahat at Alapot nang may pahintulot ng mga Nunô sa Punsô ng mga punsông nakasasakop sa mga lagusan. Pero sa loob ng mahigit sanlibong taon matapos itatag ang Dakilang Sanggalang, wala pang naitatalang nakapasok na diwata mula sa labas ng Tahilan.

Aakalain mong ito ang pinakamapayapang panahon sa Kalibútan. Pero marami pa tayong hindi alam. Simula pa lang ito ng kanilang salaysay, ng ating mga búhay, at sa abíl na nararamdaman ng lahat, alam nating hindi pa natin nakakaharap ang pinakamatinding maaaring mangyari sa ating kasaysayan. Hindi pa nila tayo nakikilala. May nagbabago sa mismong Kalibutan, madarama mo sa bulong ng mga hangin, sa sayaw ng mga damo at mga dahon sa mga puno, sa pagkilos ng mga hayop at insekto. Mas umiinit ang panahon. May mga kuwentong nagbalik umano ang ilang nakatakas noong aswang at namumuhay muli sa Molang Dilim na natunaw na rin umano ang mga yelo. May mga kuwentong hindi tumitigil ang pag-ulan sa Alimuom. May mga kuwento tungkol sa isang Diwatang Tagapagligtas, na isa sa mga akrál na lumabas ng Tahilan noon dahil tumangging magpaalipin at nagtatatag ng hukbo sa Silangan para labanan ang mga tamawo at palayain ang mga kapwa diwata sa pagkaalipin sa loob ng Tahilan. At mayroon ding umuugong-ugong na mga balita sa pagdating umano sa dalampasigan ng Alagar ng mga nilalang na nagpakilalang mga bathala at sinabing nagmula sila sa isang kapuluan sa hilaga ng Nigò na makalawang ulit ang lawak dito. Hindi natin alam kung alin sa mga ito ang totoo o kung totoo ang lahat ng ito, maliban sa may iba pang lupain maliban sa Nigò. Dahil doon ka nagmula. Doon tayo nagmula. At ang alam natin, naririto na tayo ngayon. At kailangan natin ang isa’t isa para matiyak na makapapasok at makalalabas tayo nang buhay sa mundong ito para gawin ang kailangan nating gawin.

Naririnig mo ba ang naririnig ko? Parating na sila. Babaguhin natin ang Kasaysayan ng Kalibutan mula sa araw na ito.

(Itutuloy)


(Ito ang prologo ng aking high fantasy series na Kasaysayan ng Kalibutan na kasalukuyan ding lumalabas sa Liwayway Magazine. Kung gusto mong magkaroon ng PDF copy nito at ng mga kasunod na labas ng serye, pumunta sa ARCHIVES. Pumunta naman sa SERIES para makita mo ang iba pang serye na maaari mong subaybayan. Hindi ito maaaring ilathala o ipamahagi sa anumang paraan nang walang pahintulot. Likha ni Sean Sonsona ang ilustrasyon sa itaas.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Powered by WordPress.com.

%d bloggers like this: