
BILANG BAHAGI ng blog tour para sa Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon na nilahukan ng iba’t ibang bloggers noong 27 Abril hanggang 3 Mayo 2014, kinapanayam ako kaugnay ng aking pagsusulat ng aklat para sa iba’t ibang blog. Sa kasunod na apat na edisyon nitong TALArchives, itatampok ko ang mga tugon ko sa iba’t ibang panayam. Pansinin na sa kabila ng halos pagkakapare-pareho ng mga tanong, sinikap kong sagutin ang mga iyon sa iba’t ibang paraan. Pansinin din na iba pa ang pamagat ng mga aklat na isinusulat pa lamang nang panahong iyon pero nalathala na ngayon.
Narito ang panayam ni Xi Zuq o MJ Tumamac ng Xi Zuq’s Nook, ang curator ng blog tour, at naunang nalathala noong 3 Mayo 2014 sa naturang blog:
Xi Zuq’s Nook (XZN): Paano po nabuo ang konsepto ng aklat na Janus Silang? Bakit napili ninyong paglaruan ang mundo ng RPG? (Tanong po ng 13 taon gulang kong kapatid kung inspirado po ba kayo ng pelikulang RPG Metanoia.)
Edgar Calabia Samar (ECS): Malaking kasalanan ba kung sasabihin kong hindi ko pa napapanood ang RPG Metanoia? Hindi naman sana magalit ang kapatid mo. Ha-ha. Sinubukan kong tingnan sa YouTube ang simula nito ngayong itinanong mo, pero hindi ko makita roon ang tono at dilim ng bisyon ko sa Janus Sílang. Nagkataon lang sigurong parehong gumagamit sa kultura ng network gaming, pero tingin ko, sang-ayon sa nakita ko’y ibang-iba. Matagal ko nang gustong magsulat ng YA novel. Tinatapos ko pa lang ang ikalawa kong nobelang Sa Kasunod ng 909 noong dulo ng 2010 ay nagbabalangkas na ako ng konsepto para sa isang nobelang nagsimula sa kamatayan ng ilang kabataan. Mula pa man noon, gusto ko nang mabálot ng lagim ang isusulat ko. Nagawa ko sana iyon sa Book 1 ng seryeng ito.
XZN: Paano ninyo binigyang-buhay ang tauhan na si Janus Silang? Batay po ba ito sa inyong karanasan o sa karanasan ng kakilala? O nangailangan po bang magsaliksik kayo sa buhay ng mga batang tulad ni Janus Silang?
ECS: Nasa high school pa ako nang huli akong maglaro ng online games tulad ng Red Alert, kaya kinailangan ko talagang manaliksik, makipag-usap sa mga kabataang lulong sa ganitong uri ng laro ngayon. Kinailangan ko ring ipabasa sa ilan sa kanila ang unang drafts ng mga unang kabanata upang makita kung makaka-relate sila kahit paano sa punto de bista ni Janus. Nakakatuwa kapag gusto nilang mabasa ang higit pa kaysa sa kaya kong ipakita sa kanila.
XZN: Ano ang naging proseso ninyo ng paghahabi ng mundo ng RPG at ng mga pantastikong tauhan na pinaniniwalaan ng mga Filipino? Paano halimbawa ang pagpili ng mga ilalahok sa aklat? Naging salik din po ba sa mga desisyong inyong ginawa ang mga lugar sa nobela?
ECS: Sa ikalawa kong nobelang Sa Kasunod ng 909, pangarap ng isa sa mga tauhan na maging game designer, pero nauwi siya sa pagiging tabloid reporter. Sa isang banda, sinikap kong isakatuparan ang pangarap na iyon ng nauna kong tauhan sa pamamagitan ng pagdidisenyo ng TALA. Marami pang detalye tungkol sa laro na hindi pa naibabahagi rito sa Book 1 ng Janus Sílang kaya kailangan ninyong abangan ang mga susunod na libro. Noon pa man, interesado na ako sa mga tauhan ng ating mga alamat at kuwentong-bayan, at isang mainam na pagkakataon ito para sa akin para gamitin iyon sa pagdidisenyo ng laro, lalo pa’t hindi ito nalalayo sa karaniwang ginagawa ng mga laro hanggang sa ngayon. Ang mahalagang kontribusyon ko siguro rito ay ang pagsubok kong maghain ng kakaibang taxonomy ng mga nilalang na ito. Ang tiyak ko lang noong simula ay nakasentro rito ang mga Púsong bilang mahalagang tauhan ng ating mga kuwentong-bayan. Mula roon ay tinangay na ako sa pagmamapa ng isang larong pinapangarap kong sana nga’y magawa sa hinaharap.
XZN: May mga pagbabago po ba kayong ginawa sa paraan ng pagsusulat para sa kabataan/YA kompara sa mga nauna ninyong nobela? At bakit po sa tingin ninyo ay mahalagang mabasa ang aklat na ito ng kabataang Filipino?
ECS: Ang pinakamalaking pagbabago siguro ay ang higit na pagpapahalaga ko ngayon sa banghay, sa mismong kuwento. Sa mga una kong nobela, tulad ng Walong Diwata ng Pagkahulog, nangingibabaw ang interes sa tema, kaya’t maraming bahaging mas nagsasanaysay kaysa nagsasalaysay. Sa palagay ko’y mahalagang mabasa ito ng mga kabataang Filipino dahil magkasabay na nakalunan ito sa espasyong ginagalawan nila sa ngayon habang hinihikayat ding magharaya o mag-imagine ng mundong lampas dito subalit nakaugat din sa ating mga alamat. Ibig kong maging larawan si Janus Sílang ng bagong bayani ng mga kabataan—larawan ng kanilang kasalukuyang kalagayan at aspirasyon sa hinaharap. May mga kahinaan si Janus, may mga pagdududa kahit sa sarili niyang kakayahan, may malulungkot na karanasan, subalit hindi hinahayaang pabagsakin siya ng lahat ng mga iyon.
XZN: Ano po ang mga aasahan namin sa susunod na paglabas ni Janus Silang? (At kailan daw po, sabi ng kapatid ko?) Mayroon po ba kayong mga susunod na proyekto?
ECS: Noong Marso ko pa natapos ang first draft ng Book 2 na may tentatibong pamagat na Si Janus Sílang at ang Digmaang Manananggal–Mambabarang. Lalabas umano ito, sang-ayon sa Adarna House, ngayong Nobyembre. Asahan ninyong mas lalawak pa ang mundo ni Janus Sílang. Makakikilala tayo ng mas marami pang bagáni at iba pang nilalang, at may dekonstruksiyon ako roon ng isang popular na alamat! Ayokong magbigay ng spoiler lalo pa para sa magbabasa pa lang ng Book 1. Bukod sa Janus Sílang Series, tinatapos ko rin ngayon ang aklat na 101 Nilalang na Kagila-gilalas para sa Adarna House, gayundin ang ikatlo kong nobela na bubuo sa aking Trilohiya ng mga Bílang pagkatapos ng Walong Diwata ng Pagkahulog at Sa Kasunod ng 909, ang Pitumpu’t Pitong Pu*a. Mayroon din akong research grant mula sa Ateneo upang pag-aralan ang mga nobelang komiks na nalathala sa Liwayway mula noong dekada 20. Hindi naman ako masyadong busy, at masayang-masaya ako dahil ito naman talaga ang mga bagay na pinangarap kong gawin noong bata ako. At nadodoble ang saya ko sa suporta ng mga mambabasang tula mo at ng kapatid mo! Maraming-maraming salamat!
(Isang labas ito mula sa aking seryeng TALArchives. Kung gusto mong magkaroon ng PDF copy nito at ng iba pang volume ng series, pumunta sa ARCHIVES. Pumunta naman sa SERIES para makita mo ang iba pang serye na maaari mong subaybayan. Hindi ito maaaring ilathala o ipamahagi sa anumang paraan nang walang pahintulot. Likha ni Sean Sonsona ang ilustrasyon sa itaas.)
Leave a Reply