
Magandang araw sa inyong lahat!
Narito tayo sa una sa 822 Aralin sa Panitikan ng Filipinas na siyang buong pamagat ng mahaba-habang kurso nating ito.
Matagal ko nang pangarap na makapagturo ng isang komprehensibong klase sa panitikan ng Filipinas na labas sa mga limitasyon ng pormal na edukasyon. Sa Ateneo, halimbawa, nagtuturo kami noon ng Filipino 14: Panitikan ng Filipinas na karaniwang kinukuha ng mga estudyante sa ikalawang taon nila sa kolehiyo. Sa loob ng isang sem, mayroong humigit-kumulang 54 na oras (18 linggo x 3 oras kada linggo) sa loob ng klasrum para talakayin ang naging daloy ng panitikan sa bansa. Maliban sa mga talakayan, mayroon siyempreng mga oras o araw na nakalaan––depende sa disenyo ng syllabus ng guro––sa mga quiz, long exam, group presentation, at iba pang gawain tulad halimbawa ng pagpapapanood ng pelikula. Sabihin nating nasa 40 oras ang talagang nailalaan sa mismong talakayan ng mga akda.
Kulang na kulang ito, siyempre. Kaya kataas-taasan, nakapagbabasá lang ang bawat mag-aaral ng ilang tula at ilang kuwento na natatalakay nang malaliman sa klase. Masuwerte na kapag may isang buong dulang ganap ang haba o isang nobela na talagang natalakay nang masinsin sa klasrum. Kulang ang 40 oras, sa palagay ko, sa pagtalakay lang sa Noli me tangere ni Jose Rizal, halimbawa.
May mga sinulat din akong textbook para sa pagtuturo ng Filipino sa hayskul, tulad ng Sambotanî at Punlâ na inilathala ng Rex Bookstore, kaya pamilyar din ako sa formula ng isang aralin sa hayskul kahit hindi ako nagturo sa basic education. At kahit nag-enjoy naman ako sa pagsusulat ng mga aralin, dama ko pa rin ang limitasyon ng mga iyon, na kailangang sumunod sa mga partikular na kahingiang inilatag ng DepEd.
Siyempre, hindi naman talaga mawawala ang limitasyon sa anumang gawain. Magluluwal ng panibagong mga suliranin kapag wala ring malinaw na parametrong ginagalawan ang isang proyekto. Kaya nang binubuo ko ang kursong ito para rito sa Patreon, nag-iisip ako ng bilang para sa mga aralin na naiisip kong kakailanganin kung bawat aralin ay bubuuin ng 800–1000 salita. Kulang ang 101 aralin, kahit iyon ang madali sanang gawin, lalo pa’t karaniwan iyong ginagamit bilang class code. Masyado namang marami ang 1001 at ayokong magkaroon ng alusyon sa textong hindi naman sa atin nagmula. Sa gitna ng ganitong pag-iisip ako nakarating sa 822. Bakit 822? Kung wala kang idea, malalaman mo sa dulo ng pambungad na ito. Bibitinin muna kita.
Sa ngayon, bumaling muna tayo sa dalawang mahalagang salita na tuon ng ating 822 aralin: Panitikan at Filipinas.
Unahin natin ang mas madaling tukuyin sa dalawa: ang Filipinas, na opisyal na tinatawag bilang Republika ng Filipinas. Halos kakatwa o weird na bigyang-kahulugan ang isang bagay na puwede nating basta sabihing “bansang kinabibilangan natin.” At sa palagay natin, maiintindihan naman natin ang ibig nating sabihin ng isa’t isa. Pero siyempre, hindi ito totoo, lalo pa kung ang pinag-uusapan natin ay isang bansang umaabot sa 183 ang buhay pa ring katutubong wika. At kailangan din nating pagmunian ang pag-iisip na “halos weird” ang pagbibigay-kahulugan pa sa ipinagpapalagay nating nauunawaan naman ng lahat. Pare-pareho ba talaga tayo ng iniisip kapag iniisip natin ang bansa natin? Saan nagmula ang mga ganoong pag-iisip?
Puwede tayong maging heograpiko at sabihin na isang bansang arkipelago ang Filipinas na binubuo ng 7,641 isla na nasa kanlurang Dagat Pasipiko. O puwede nating sabihing binubuo ang Filipinas ng humigit-kumulang 107 milyong Filipino, katumbas ng 1.4% ng populasyon ng buong mundo. Anuman, gusto kong maging malinaw sa atin na sa kursong ito, walang “madalîng makíta, makilála, o maunawaan.” Walang obvious. O kung may mukhang obvious man, alam nating iyon pa lamang ang bungad ng daan. Hindi tayo puwedeng magtagal sa obvious. Lalong hindi tayo puwedeng manahanan sa obvious. Dahil dito, kailangan nating tingnan ang mismong bansa, ang mismong Filipinas, bilang isang konstruksiyon, bilang isang bagay na patuloy pa ring inaakda hanggang sa kasalukuyan. At na malaki ang ambag ng panitikan sa pag-akda ng bansa bilang isang “hinaharayang pamayanan.”
Samantala, maghahain naman ako ng napakabatayang pagpapakahulugan sa panitikan bilang “paggamit ng salita sa mga anyong nagtatanghal ng kagandahan.” Subalit isang batayang pagpapakahulugan ito na pagmumulan ng lahat ng problematisasyon natin sa panitikan. Ibig sabihin, umiikot sa tatlong ito na nasa kahulugang iyan ang magiging nilalaman ng buong kursong ito:
- paggamit ng salita
- mga anyong nagtatanghal
- kagandahan
Sa daloy ng 822 aralin na ito, asahan mo ang tálában ng panitikan at bansa, kung paano kinakatha ng isa ang isa, at kung ano ang sinasabi nito sa ating nagdaan, kasalukuyan, at hinaharap bilang isang bayan. Layunin ng kursong ito na mas mahikayat ka pang magbasa ng ating panitikan at mas maitulak ka nito sa mas aktibong pagkilala, pag-unawa, pagpapahalaga, at pananagutan sa sarili at sa iba bilang kapwa, sa iba pang mga nilalang bilang mahalagang bahagi ng mundo, at sa mundo bilang minana natin sa nagdaan at ipamamana natin sa mga susunod na salinlahi subalit hindi natin pagmamay-ari.
Ngayon, alam kong kanina pa nakabitin sa utak mo ang pag-iisip kung bakit nga ba 822. May kinalaman ito sa pinakamatandang dokumentong natagpuan sa Filipinas na may nakatitik na tiyak na panahon: ang tinatawag natin ngayong “Laguna Copper-Plate Inscription” o LCI na natagpuan sa Ilog ng Wawa sa Lumban, Laguna noong 1989. Sa salin ng mga eksperto sa nakaukit sa natagpuang tanso, mababása ang taóng Saka 822, na katumbas ng taong 900 ng kasalukuyang panahon.
Ang LCI na ito ang unang texto na pagtutuunan natin sa kasunod na aralin. Hanggang sa susunod!
(Ito ang unang pambungad ng aking seryeng 822 Aralin sa Panitikan. Kung gusto mong magkaroon ng PDF copy nito at ng mga kasunod na aralin, pumunta sa ARCHIVES. Pumunta naman sa SERIES para makita mo ang iba pang serye na maaari mong subaybayan. Hindi ito maaaring ilathala o ipamahagi sa anumang paraan nang walang pahintulot. Likha ni Sean Sonsona ang ilustrasyon sa itaas.)
Leave a Reply