
NARITO KA dahil gusto mong magsulat ng nobela. May isang buhay ka lang at gusto mong gamitin ang halos isang buhay ng nag-iisang buhay na iyon sa pagsusulat. Narito ka dahil kailangan mo ng karamay. Dahil kailangan mo ng gabay. Hindi mo alam kung paano o saan magsisimula. O may mga naiisip kang paraan o lunan na maaari mong pagsimulan pero natatakot ka. Maaaring natatakot ka kahit hindi mo alam na natatakot ka.
Narito ako dahil gusto natin parehong magsulat ng nobela. Totoong mag-isa lang ako kapag nagsusulat, habang nagsusulat, pero masasabi ko ring nagsimula akong magsulat at patuloy akong nakapagsusulat hanggang ngayon dahil sa iba’t ibang anyo ng paggabay na natanggap ko sa iba’t ibang yugto ng buhay ko. Hindi ko alam kung kaya rin talaga kitang gabayan tulad ng ginawa ng iba sa akin. Pero baka kaya kong ipakita sa iyo ang ilang daan na nakita ko na. Sa bandang huli, ikaw pa rin naman ang magpapasya kung may susuungin ka sa mga iyon at kung alin at kung kailan.
Sa ngayon, ang mahalaga, narito ako at narito ka. At pareho tayong handang ialay ang halos isang buhay na mayroon tayo sa pagsusulat. Hindi ito madali, pero alam mo na iyon. Sa mga anyong pampanitikan, may ibang uri ng tákot sa pagtatangkang magsulat ng nobela dahil alam mong kahit gaano ka kapalad at kahusay, hindi mo ito matatapos sa loob lamang ng isang araw, hindi tulad ng isang tula o isang maikling kuwento, halimbawa.
Sa bawat bahagi ng seryeng ito, sisikapin kong palagiang manimbang sa pagitan ng dalawang bagay na nagpapaikot sa buhay natin: ang mga bagay na nasusukat at ang mga bagay na hindi nasusukat. Sa palagay ko, mga bangin ang dalawang ito sa magkabilang panig ng napakakitid na daang sinisikap nating lakbayin sa pagsusulat.
Nakatutuksong itumbas sa mga nasusukat ang mga bagay na konkreto, materyal, at praktikal––tulad ng oras na nauubos sa trapik, ang mga taon na lumilipas, ang bilang ng pahina, ang bilang ng salita, ang wika ng mga aklat na binabasa, ang ballpen at laptop na nauubos at nasisira, ang pait sa iniinom na kape sa pagsusulat, ang trabahong kailangang pasúkan samantalang may tinatapos na nobela, ang ingay ng kapitbahay na nagvi-videoke, ang alulong ng mga aso sa hatinggabi, ang taludtod sa binabásang tula, ang bagong suot na damit, ang mga pinapanood na palabas at pelikula, ang utang sa bangko, ang araw ng kapanganakan, ang sandali ng kamatayan––at magpakahulog sa mga ito.
Nakatutuksong itumbas sa mga di-nasusukat ang mga bagay na sumusukat sa lawak at hanggahan ng ating mga pagpapahalaga’t katinuan––tulad ng ating mga bisyon at ambisyon, ang nosyon natin ng kagandahan, ang politika’t paninindigan, ang mga damdamin na nagkakarambola sa loob natin, ang mismong loob natin, ang libog at rubdob at kasalaulaan, ang kahulugan ng mga salita, ang lihim na pinakaiingatan, ang mga maligno’t aswang, ang mga multo, ang mga alaala, ang haraya’t talinghaga, ang panaginip, ang utang na loob at kawalang-utang na loob, ang pagkabuhay na muli, ang buhay na walang hanggan––at magpakahulog sa mga ito.
Pero ang pagiging manunulat ay nasa kakayahang makita ang lalim at panganib na mahulog sa isa’t alinmang panig subalit nananatiling nakatayo, nalulula man sa mga nakikita sa paligid ay sinisikap na magpatuloy. Nagpapatuloy at hindi nakalilimot na naririto ka dahil gusto mong magsulat ng nobela.
Dahil ang totoo, sa sandali pa lang na pinagpasyahan mong gusto mong magsulat ng nobela, na handa kang magsulat ng nobela, ginawa mo na ang una mong hakbang sa pagsusulat.
BAGO ANG KASUNOD NA HAKBANG
Kailangan mong magpasya kung gusto mo ba talaga ng gabay mula sa akin para sa pagsusulat mo ng nobela, kung handa ka bang samahan kita at sabay nating gawin ang mga hakbang. Huwag kang mag-alala, nasa iyo ang bilis o bagal sa pagsasagawa ng bawat kasunod na hakbang.
Kung gusto mo akong makasama at handa ka na, naghihintay na sa atin ang ikalawang hakbang.
(Ito ang unang hakbang ng aking seryeng 101 Hakbang sa Pagsusulat ng Nobela. Kung gusto mong magkaroon ng PDF copy nito at ng mga kasunod na hakbang, pumunta sa ARCHIVES. Pumunta naman sa SERIES para makita mo ang iba pang serye na maaari mong subaybayan. Hindi ito maaaring ilathala o ipamahagi sa anumang paraan nang walang pahintulot. Likha ni Sean Sonsona ang ilustrasyon sa itaas.)
Leave a Reply