
TATLO NA ANG NAPAPATAY KO simula nang nahílig ako sa pagbabasá ng nobela. Iyong una, tulad ng maraming kaso ng unang pagpatay, hindi ko sinasadya. Napatay ko lang. Sorry but not sorry. Iyong huling dalawa, pinagplanuhan ko kahit paano. Parang ang yabang ko, sasabihin mo, e tatatlo pa lang naman pala ang napapatay ko. Well, puwede naman kasing marami na, kung ginusto ko. Pero hindi naman paramihan ito para sa akin. Namimilì rin ako. Ang gusto ko, may literary merit, deconstructive ng poetic justice. Mga nobela nina Umberto Eco at Gregorio Pablo ang binabása ko noon. Pinaglalaruan ni Eco ang utak ko, tatamnan ng kung ano-anong hinala’t akala bago ibubunyag sa dulo na tanga akong sunod-sunuran sa pakana niya. Binibigyan ng halaga ang mga wala naman talaga. Nagbibigay ng kahulugan sa mga bagay nang higit kaysa sa ibig nilang sabihin. Pero gusto ko iyong ginagago ako. Mas ginaganahan akong manggago rin ng iba. Si Pablo naman, iba. Puso ang pinupuntirya. Bihira kong gamitin ang salitang iyon. Puso. Medyo proud kasi ako kapag nasasabihan akong walang puso ng mga co-faculty ko dahil sa mga estudyanteng ibinabagsak ko. Pero totoo e. Sa puso ako tinatamaan sa mga katha ni Pablo. Dama ko rito o. Sa pinakasentro ng loob ko. Paiibigin ka niya sa tauhan niya. Iyong kakatiting na nga lang na sentimyento sa loob mo, kakantiin pa. Parang napuwing ang loob mo. Hindi mapakali sa lungkot at bagabag. Kailangang hípan ng iba, pero walang iba sa tabi mo para tulungan kang magtanggal ng puwing. Kailan ka ba may huling nakasáma sa pagbabasá? Kayâ iyon. Parang sasabog ang loob mo dahil lang sa problema ng tauhan na alam na alam mo namang katha lang. Putang-ina, parang tanga, hindi ba? Ang sama-sama ng loob ko sa mundo pagkakasara ng mga nobela ni Pablo. Parang gusto kong pumatay. At, well, ginawa ko. Walang biro. Huwag kang tumawa diyan, alam mo kasi, ’yung mga pinatay ko, tumatawa bago ko tinapos ang búhay nila. Ano, gusto mo pa rin ba akong makilala? Gago ka rin, ano. Makikita mo ang hinahanap mo.
AKO SI GABRIEL BUENAVENTURA. Doc Gab Buenaventura. Pero hindi ako doktor na doktor. Doctor of Philosophy. PhD. Iyong doktor na hindi alam ng maraming tao na nag-e-exist. O kung alam man e hindi naman alam ang halaga nito. Huwag kang mag-alala. Hindi ko rin alam ang pakinabang nito, lalo pa’t sa Comparative Lit ang PhD ko. Ang alam ko, kailangan ko lang kunin ito para hindi ako matanggal sa pinagtuturuan ko. Well, permanent na ako. Ngayon, panahon na para bawian ang mga estudyante. Dalawampu’t isang nobela sa isang sem. Isang nobela kada linggo sa 18 weeks ng klase, bukod sa tatlong linggo na maninipis ang assigned novels kaya dalawa sa halip na isa. Kulang pa iyon. Kung ilalagay ko ang lahat ng mga nobelang dapat nilang mabása para maunawaan nila ang problema sa mismong pagbabasá, iyung kinasanayan nating pagbabasá, baka ako ang matagal nang patay. Iyan, iyang mga mukhang inosenteng iyan, mga college freshman pero wala nang sariwa kundi mga utak na hindi nag-iisip, iyang nanggaling sa mayayamang angkan, iyung di naranasang magutom kahit kailan, o di alam ang pakiramdam nung may gusto ka pero di mo puwedeng makuha, o mga anak ng sinuwerte sa negosyo, na sanay lang na nag-uutos, may gumagawa ng mga bagay para sa kanila, may dumarampot sa mga basura nila, o mga bunso ng mga mandarambong na politiko na magiging politiko rin at lalakíng mas kupal pa sa mga magulang nila, o kahit iyung mga scholar na galing sa probinsiya, tapos, nung nakatuntong dito sa Maynila, nakagamit lang ng computer, pakiramdam e sila na ang gumawa ng computer, mayayabang din iyan, pagkatataas ng tingin sa sarili, proud kahit sa dayukdok na buhay na pinagmulan nila, ginagawang honorable ang kahirapang pinagmulan sa pagta-transform nito into a story of triumph, their triumph, alam mo na, well, lahat iyan, lahat ng stereotype ng nagkokolehiyo rito sa Maynila, lalo na rito sa unibersidad na pinagtuturuan ko, na dahil mahusay raw, tinitingala sa buong bansa, pero extremes ang kondisyon ng mga mag-aaral, may mayamang mayamang mayaman, may mahirap na mahirap na mahirap, iyan, iyang mga iyan, mukhang iba-iba pero pare-pareho naman talaga. Bigyan mo ng ilang araw, ilang linggo, ilang buwan, magagawa nang pumatay ng mga iyan. Hindi metaporikong pagpatay ha. Hindi pagpatay sa tingin. Hindi pagpatay sa isip. I’m sure ilang beses na akong pinatay sa isip nila ng mga iyan. Iyung totoong pagpatay. Iyung krimen. Iyung may kailangang iburol at ipagluksa at ilibing. Káya nila iyan. Kayâ sila ang masasarap paglaruan. Ang masasarap paasahin, bigyan ng pag-asa, bigyan ng pantasya, ng kakapitan. Pagkatapos, saka durugin. Wasakin lahat ng pinaniniwalaan. Tapos, kaunting bulong lang, kaunting buyo, kuha mo na ang loob. Gagawin na ang lahat ng sabihin mo. Ganito ko nakilala si Lia. Dati kong estudyante sa Survey of Postmodernist Fiction. Siya ang kasama ko sa huli kong pinatay. Ngayon, obviously, siya ang kailangan kong patayin.
LUMAKI AKO SA SAN PABLO, kung saan ako unang nakapatay. Nasa kolehiyo pa lang ako noon. Sa UPLB ako nag-aral at lingguhan lang ako kung umuwi. Noong first sem, uwian ako araw-araw. Second sem ko napapayag si Ma na kumuha ako ng dorm. Siya pa ang naghanap. Hindi basta dorm, apartment. Isang sem akong nagsolo roon, kahit dalawa ang kuwarto. Okey lang naman kay Ma na mahal ang bayad. Basta mag-aaral akong mabuti. Iyung natipid niya sa tuition ko, sa apartment napupunta. Pero noong nauso ang mga balita tungkol sa mga estudyanteng nahoholdap, napapatay, sinabing maghanap ako ng kaibigan na makakasama sa apartment. May kahati na sa upa, may kasama pa ako sa bahay. Wala namang kaso sa akin iyon. Pero wala rin akong kaibigan sa college na makakasáma sa bahay. Kaya sige, hanap ng kahit sino. Buong summer, dahil iisa lang naman ang klase kong kailangang i-summer, nagtanong-tanong ako. Hindi kasi ako tinitigilan ni Ma sa kakukulit tungkol dito. Nagpaskil na rin ako sa loob ng kampus at sa mga poste’t pader at kahit loob ng dyip na mapapaglagyan ko ng anunsiyo. Naroon ang contact number ko. Lalaki rin ha, paalala ni Ma. Ayaw niya siyempreng babae ang kasama ko sa bahay. Baka ikaw pa ang mapahamak riyan, sasabihin niya. Tatango-tango lang naman ako. Siyempre, lalaki. Mas malamang namang iyong babae ang di payagan ng magulang na tumira sa apartment na lalaki lang ang kasama. Feeling kasi ni Ma, ako lang iyung puwedeng masaktan, iyung puwedeng mabiktima. Nakakainsulto. May ilan ding nagtext. Uso na ang phone noon. Karamihan, 5110. Sa akin, 7110. Pag sinabi ko kung magkano, biglang di na magtetext. Alam kong maraming mas bed space lang ang hinahanap. Pero ayoko namang ibagsak-presyo ang kuwarto para lang may makasáma ako. Dalawa pa rin ang natirang interesado. Iyung isa, pagkakita ko pa lang, ayoko na agad. Wala, maayos naman ang porma, nakasalamin, naka-collared shirt na asul, slacks na brown, rubber shoes. Pero basta mabigat ang dugo ko. Nung makita ko, sinabihan ko na lang na may nauna na sa kanya, na pasensiya na pero may nakapagpa-reserve na pala kay Ma. Okey lang siya nang okey lang, kahit alam ko sa tingin niya na inis na inis siya kung bakit nakipagkita pa ako. Kumbakit di ko na lang siya tinext. Natatawa na lang ako sa loob ko. Parang may ginawa siyang kalokohan sa akin dati at nakaganti ako ngayon sa kaniya nang wala siyang kamalay-malay. Nakipagkamay pa ako habang nagsasabing sorry, brad, di ako agad natext ni Ma e, at paulit-ulit lang talaga ang okey lang, okey lang niya. Gusto ko ngang batukan at hiyawan. Magalit ka nga! Ngayon, dapat pala e nagpasalamat pa nga siya sa akin, dahil kung natuloy siya e siya sana ang napatay ko. Iyung isa pa kasi, si Amiel, iyun ang naging kasama ko sa apartment nang halos two years. Taga-Mogpog sa Marinduque. Dulo ng mundo, sabi niya. Magugustuhan ko raw kasi mahilig ako sa reality shows, sa Survivor, ganiyan. Punta ka sa Moryones, sabi niya, sa amin talaga nagmula iyun. Sabi ko, sige, isama niya ako. Pero nauna ko nga siyang isinama sa San Pablo. Fiesta rin. January 15 noong 2000. Binabása ko noon ang pinakahuling nobela (at pinakagago rin siguro) ni Pablo. Atake. Iyun ang title. Out of print na siguro ngayon. Tungkol sa isang makata (karaniwang literary figure ang bida sa mga nobela ni Pablo) na nagising isang araw na nasa loob siya ng isang tula. Weird, di ba. At traditional poetry. May tugma at sukat. Biglang kailangan niyang punuan ang mga taludtod. Isipin ang nawawalang salita na katugma ng sinundang linya para makausad siya, makarating sa dulo, sa kasunod na linya, sa kasunod na saknong, hanggang sa wakas, para matakasan ang realidad nito. Dahil kumbensiyonal, madaling makita na love poem ito. Obsessed ang persona, tulad ng karaniwang lover sa mga tula at pop songs, sa mga kuwento’t nobela, sa mga soap opera’t pelikula. Pero habang nagtatagal, natutuklasan niya na kapag pinalitan niya ang mga inaasahang salitang pantugma, maaaring makitang wala siya sa loob ng isang tulang tungkol sa pag-ibig kundi nasa loob ng tula ukol sa isang krimen. Sinasakal sa halip na minamahal. Paslangin sa halip na ibigin. Na ang hinahanap at sinusundan ng persona ay hindi iniibig kundi biktima. Na-excite ang makata sa posibilidad ng ganoong revision. Crime poetry. Meron ba noon? Binago niya nga ang kuwento. Pero sa pagbabago-bago niya ng mga salita at linya, biglang siya na ang tinutugis. Siya na pala ang biktimang tinutugaygayan ng mamamatay-taong di niya nakikita sa tula. Poetic justice. Biglang hindi na lámang niya kailangang makawala sa loob ng tula, kailangan na rin niyang iligtas ang buhay niya. Ito ang pinag-uusapan namin ni Amiel ilang oras bago ko siya napatay. O ito ang ikinukuwento ko kay Amiel ilang oras bago ko siya napatay, madaling-araw na ng Linggo, kinabukasan ng fiesta pagkagaling namin sa inuman sa plaza. Hindi kasi siya nakikinig. Hindi siya marunong makinig. Tapos, lasing na kami pareho. Nagda-drive ako pauwi, sa bahay na lang muna kami tutuloy kasi malayo pa ang Los Baños at nakainom nga. Nagkukuwento ako pero kanta siya nang kanta kasabay ng “Seasons in the Sun” ng Westlife. E putang-ina, buong Disyembre hanggang magbagong-taon noon, iyon ang napapakinggan ko sa radyo. Tapos, nagkukuwento ako tungkol sa isang interesting na nobela, ang ginagawa niya e nag-e-emote sa “we had joy, we had fun / we had seasons in the sun, / but the hills that we climbed / were just seasons out of time.” Sabi ko, babâ ka nga. Goodbye, my friend, / it’s hard to die. Sabay-patay ng radyo. Nasa Marcos highway kami noon na dinadaanan din ng mga bus papuntang Lucena at Bikol. Itinigil ko sa gilid ng kalsada, ni hindi ako nag-signal lights. Wala halos dumaraang sasakyan. Paminsan-minsan, may trak, bus, motor. Nung makita ko sa side mirror na walang parating, pinatay ko ang headlights. Ang dilim. Inulit ko ang sinabi ko, babâ ka nga. Hindi ko kita ang reaksiyon ng mukha niya pero alam kong nawala ang kalasingan niya. Ha? sabi niya.
Babâ ka muna.
Babâ? Bakit?
Dare lang.
Dare? Anong dare?
Gaano katagal mo kayang mag-stay rito? Kaya mo ba?
Brad, lasing ka na.
Natatakot ka ba?
B-bakit ako matatakot?
Babâ ka.
Ano bang trip mo?
Babâ ka.
Brad, tara na sa inyo, antok na ako.
Babâ ka.
Noon ko lang siya tiningnan. Nag-adjust na ang mga mata namin sa dilim. Natatawa ako sa reaksiyon ng mukha niya. Feeling ko, nasa loob ako ng nobela ni Pablo. Dare lang, sabi ko nang nakangiti, babâ ka muna, please?
Dahil sa ngiti at please, bahagya rin siyang ngumiti pero alam mong kinakabahan pa rin. S-sige, sige, gago ka, kung ano-anong natitripan mo, sabi niya habang binubuksan ang pinto ng kotse sa kanan niya. Pagkababa niya, hinaltak ko ang pinto sabay paandar ng kotse. Uy, brad, sabi niya, teka lang. Pero dahil medyo malalim ang gilid ng highway, kinailangan kong imaniobra nang kaunti para mas maibuwelo ang kotse pagrampa sa kalsada. Blag. Naatrasan ko siya. Tang-ina naman, brad, sigaw niya, sabay-hampas sa likod ng kotse. Humarurot na ako. Sa side mirror, sa liwanag ng buwan at ng headlights ng nasa likod kong parating na sasakyan, kitang-kita kong sumusugod din siya ng takbo, parang sa mga pelikula, as if maaabutan niya ako. Sa isip ko noon, tatakutin ko lang naman siya, babalikan ko rin siya. Pero nung nakalayo-layo na ako, naisip ko, ano kaya kung di ko na siya balikan? Na-excite ako sa idea. Matanda na naman siya. Puwede siyang bumalik mag-isa sa apartment sa Los Baños at pagtatawanan na lang namin ang kabaliwan ng gabing ito. May excuse ako. Lasing ako. Gago lang ang di tumanggap ng katuwirang ito. Lasing ako e. At, well, hindi ko na nga siya binalikan. Pagdating ko sa bahay, gising pa si Ma. Tinext ko kasi siya kagabi na nasa bayan lang ako ng San Pablo, umiinom nga sa plaza at kasama ko si Amiel with my high school barkada. Kunsintidor naman siya sa mga ganitong trip ko. Di ko kinailangang itago sa kaniya ang pagyoyosi ko noong high school, o kahit pag-inom ko. Para sa kaniya, mas testament iyon ng coolness ng pagpapalaki niya sa akin. Na liberal na nanay siya. Tropa lang kami pero pagdating naman sa ibang bagay e grabe ang control at motherly issues niya. Manipulative, pero nanay ko kasi e, at kaya ko rin naman siyang i-manipulate dahil alam kong ang weakness niya e i-appreciate lang siya at i-highlight ang pagiging cool mom niya, kaya okay na sa akin. Nasaan si Amiel? tanong niya nang makita niyang nag-iisa ako. Nakilala na niya si Amiel dahil noong araw mismo na lilipat si Amiel sa apartment, biglang nakahanap siya ng dahilan para dalawin ako sa LB. Alam ko naman na gusto lang niyang i-assess ang magiging housemate ko. Sabi ko, maaga pa kagabing nag-decide bumalik sa apartment dahil sa lakad ngayong umaga. Tumango lang siya. Sa isip ko naman, patay tayo kapag biglang natunton ni Amiel ang bahay namin at nag-doorbell. Pero alam ko rin na imposible iyon. Kataas-taasan, magpaumaga siya sa 7-11 sa bayan kung wala na talaga siyang nasakyan pabalik sa Los Baños. Ako ang nakaramdam ng excitement sa kaniyang potential adventure nang madaling-araw na iyon. First time niya sa San Pablo kahit ang lapit-lapit lang nito sa LB. Campus-apartment lang kasi siya halos araw-araw. May kaya rin naman kahit paano ang pamilya nila sa Mogpog, alam ko. May-ari ng isa sa dadalawang grocery store sa poblasyon ang tatay niya. Kaya nga kaya niyang magbayad ng higit kaysa sa pandorm lang. Predictable ang course niya. BS Economics, pero sabi niya minsan, gusto niyang mag-concentrate sa Cooperative Studies. Gusto niyang magtayo ng kooperatiba sa Mogpog, obviously. Kung bakit, ewan ko, siguro e ganoon ka-boring ang buhay niya roon para ma-excite sa idea ng isang kooperatiba. Anyway, pagdating ko sa bahay, paghiga ko sa kama, nawala na siya sa isip ko. Nakatulog agad ako. As in deep sleep. Ni hindi ko maalalang nanaginip ako. Paggising ko, past 12 na. Pagtingin ko sa phone ko, puro forwarded messages. Contest sa paramihan ang jokes na nanggagago at quotes na nangongonsensiya. Wala na si Ma. Si Yaya Luding lang ang naiwan sa bahay, na mas madalas ko namang kasama talaga nung lumalaki ako dahil si Ma na ang pinagma-manage ni Lolo sa maliit na rural bank ng pamilya namin simula nung naghiwalay sila ni Pa. Actually, simula noong binalikan ni Pa ang una nitong asawa, ang totoo nitong asawa, at saka nag-migrate sa Toronto. Three pa lang ako noon kaya wala akong pakialam. Walang separation anxiety. Wala akong na-miss. Nagkakape na ako sa terrace nang maalala ko si Amiel. Ano nang nangyari sa lokong iyon? Di man lang nag-text, mukhang nabadtrip talaga. Inisip ko kung anong mararamdaman ko kung sa akin nangyari iyon. Kung mae-excite ba ako tulad ng naisip ko nang iwan ko siya. Di na ako sigurado maliban sa malamang, iisip ako ng paraan para makaganti ako. Hindi puwedeng hindi. Sinubukan kong tawagan ang number ni Amiel. Nagri-ring pero hindi niya sinasagot. Baka tulog pa. O baka yamot pa. Nang bumalik ako sa apartment sa LB kinagabihan, wala siya. Inobserbahan ko ang loob ng bahay kung mukha bang dito siya umuwi. Wala, parang di nagagalaw ang mga gamit. May duplicate ako ng susi sa kuwarto niya pero di ko pinagkaabalahang buksan. Sinubukan ko ulit siyang tawagan. Cannot be reached. Hanggang nang nakatulog ako, di pa rin siya bumabalik sa apartment. Paggising ko kinabukasan, wala pa rin. Nagalit yata talaga. Dahil maaga ang klase ko, hindi ko na muna inisip iyon. Pero nang wala pa rin siya pag-uwi ko nung hapon, karaniwang naroon siya sa apartment kapag umuuwi ako nang Lunes ng hapon, campus-apartment nga lang kasi siya, napaisip na ako. Mas napaisip kesa kinabahan. Anong drama nito? Cannot be reached pa rin ang cellphone niya. Pero wala akong ginawa. Matanda na siya. One week siyang di bumabalik sa apartment, hindi ko rin siya nakikita sa campus, wala namang naghahanap sa kaniya, wala siyang org, hindi ko alam kung may malapít siyang blockmate, pero walang naghahanap sa kaniya kaya di ko pinapansin. Matanda na siya. Pero binuksan ko na ang kuwarto niya kasi naman, baka nabubulok na pala siya roon. Wala, tulad ng inaasahan ko. Iyung gamit niya, grabe ang ayos, pati kumot, nakatiklop. Mahihiyang pumasok ang basura rito. Ini-lock ko ulit ang pinto. Hindi ko na rin siyempre sinabi kay Ma na wala na naman akong kasama sa bahay. Nasa kuwarto pa rin ang mga gamit ni Amiel. Kapag inambush visit ako ni Ma, walang dahilan para mag-isip siyang wala na si Amiel.
Halos isang buwan na simula noong fiesta sa San Pablo nang pagbalik ko sa apartment, dinatnan ko sa labas ang ate raw ni Amiel. Doon ko lang natiyak at inamin sa sarili ko na talagang nawawala nga pala si Amiel.
(Itutuloy)
(Ito ang unang kabanata ng aking nobelang Santinakpan ng mga Pu*a na ikatlong nobela rin ng aking Trilohiya ng mga Bílang, pagkatapos ng Walong Diwata ng Pagkahulog at Sa Kasunod ng 909. Kung gusto mong magkaroon ng PDF copy nito at ng mga kasunod na labas ng nobela, pumunta sa ARCHIVES. Pumunta naman sa SERIES para makita mo ang iba pang serye na maaari mong subaybayan. Hindi ito maaaring ilathala o ipamahagi sa anumang paraan nang walang pahintulot. Likha ni Sean Sonsona ang ilustrasyon sa itaas.)
Leave a Reply