Atisan

MARAMING MUNDO ang bawat tao. Gagawin mo iyon kung wala kang makapa. Dadagdagan mo kung kulang, hahanapin kapag nawawala. Kung matagpuan na, pilit iyong tatakasan ng mga duwag at wawaratin naman ng matatapang para makagawa ng iba. 

Nang mabasa iyon ni Daniel sa isang nobela (minarkahan pa niya ng dilaw na Stabilo Boss para puwede niyang balik-balikan) at makaharap nang personal ang nagsulat nito sa isang book launch, noon siya nagsimulang mangarap na magsulat din ng nobela. At nobela talaga agad ang gusto niya, kahit wala pa siyang maikling kuwento man lang na lumabas kahit saan. Iyung mga maikling kuwento na naisulat niya, puro simula. Wala siyang matapos-tapos, pakiramdam niya nga kasi’y nobela talaga dapat ang isinusulat niya. Na hindi magkakasya sa maikling kuwento lang ang mga gusto niyang sabihin. 

“Gagawa rin ako ng sarili kong mundo,” madalas niyang ipinaaalala sa sarili kahit habang nag-aabang siya ng dyip para pumasok. Nasa kolehiyo na siya noon.

May mga araw na nakatanga lang siya, naghihintay ng tamang simula kung paano niya masasabi ang mga gusto niyang sabihin. At kahit nga nasa isip pa lang niya talaga, kumbinsido na siyang pang-nobela at hindi pang-maikling kuwento lang ang mga iyon. Kahit kailan, hindi naman talaga niya napag-isipan ang ibig niyang sabihin ng pang-nobela. Basta’t may abstraktong idea siya ng lawak, at tayog, kapag iniisip niya iyon. Parang iyong tanaw kapag nasa itaas ng bundok, nasa gilid ng bangin. Tama, dakila.  May mga gabing nakakatulog siya nang nakangiti ang dulo ng mga labi, iniisip siguro na mayayakap niya o mayayakap siya ng kung anuman iyong dakila na iyon. 

Sinimulan niya ang pagbili-bili at pagbabasa ng mga nobela. Nilaktawan na niya ang mga “Matandang Dakila,” katuwiran niya’y hindi na naman siya magsusulat ng ganoon. Lipas na ang mga iyon. Para sa kaniya, iyong classic, wala na sa panahon, at hindi totoong laging napapanahon. May nagbubuklat pa ba kay Faulkner kung hindi rin lang required sa klase? O kay Dostoevsky? Lalo na siguro sa mga Pinoy. Kina Aguilar, Francisco, at Pineda, halimbawa. Baka nga ni hindi sila kilala. Kahit pa nga ba nagustuhan niya ‘yung Ang Ginto sa Makiling ni Pineda nung ipinabasa iyon sa isang klase niya sa Philippine Lit. 

Iba na ang isusulat ko, sabi niya noon sa sarili. Bago. Pero dumami nang dumami ang mga nobelang nabibili niya sa Booksale (madalas), sa National (paminsan-minsan), at sa Powerbooks at Fully Booked (kapag handa siyang magutom at walang ibang pagkakagastusan)—libro nina Garcia Marquez, Kundera, Murakami, Rushdie, Fuentes—buhay pa lahat. Ayaw n’ya nga kasing makinig sa mga patay na. Hindi naman makahabol ang pagbabasa sa mga ito na isinisingit lang niya sa pagitan ng mga kailangang tapusin sa major subjects niya—sa Psychology nung una, noong bago siya lumipat sa Developmental Studies na natagalan lang niya ng isang sem bago siya nag-Communications, hanggang sa maging matapat na nga siya sa sarili at nagpasya na sa wakas na mag-Malikhaing Pagsulat, na hindi rin naman niya matapos-tapos. Tumambak ang mga libro. Tumagal nang tumagal pero wala naman siyang nasulat. Ang alam lang niya, malawak at kakaiba ang isusulat niya. Iyun nga lang, hindi pa niya alam kung ano.


MINSAN, NAISIP NI Daniel na baka karanasan nga ang kulang sa kaniya. Baka kailangan niyang lumabas, magmasid, makihalubilo sa iba, hanggang “madama ang malalim na talab ng larawang sumasalamin sa katotohanan na mapait o marahas man ay may angkin ding kagandahan at kahiwagaan,” gaya ng isinulat ng isang Heswita na kalauna’y nagtuon ng pag-aaral sa mga pagguho ng lupa sa mga bundok, sa paglalamat sa mga fault line, sa iba’t ibang intensity ng lindol, sa pagsabog ng mga bulkan at iba pang karahasan ng kalikasan na yumayanig sa isip ng tao. Ang huling balita, administrador na ang Heswitang iyon sa isang pamantasan ng mga may-kayang estudyante sa Mindanao.

Noon naisip ni Daniel na magsulat ukol sa kasaysayan ng baryo kung saan siya lumaki. Sa Atisan. Kasabay rin kasi nito, natapos niya ang One Hundred Years of Solitude ni Marquez at nainggit siya sa Macondo nito, bagaman hindi niya siyempre inamin iyon noon sa sarili. Wala naman talaga siyang sentimyento sa baryo niya. Hindi ito iyung tipo na gusto niyang balik-balikan, na nag-iiwan sa kaniya ng nostalgia sa Maynila, gaya ng paghihinagpis ng maraming manunulat na nababasa niya. Wala, walang ganoon. 

Ang totoo, masayang-masaya nga siya na mag-isa lang siya sa Maynila. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin. Puwede siyang gabihin sa pag-uwi. Puwede siyang hindi maglinis ng kuwarto hanggang sa maghapon siyang magbabahing at saka mapipilitang magwalis ng sahig at magpunas ng mga alikabok. Puwede siyang matulog kahit hanggang anong oras, kahit nga may klase pa siya, basta’t sigurado lang na hindi siya babagsak sa mga ito. Hindi rin naman kasi siya ganoon kalapít sa mga kamag-anak niya. Iyung Lola Bining niya na nagpalaki sa kanya, namatay bago pa man siya magkolehiyo. 

Iyun nga lang, mahirap kapag naubusan ng pera o kaya’y biglang nagkasakit, gaya noong minsan na nagka-LBM siya at buong madaling-araw siyang labas-pasok sa banyo. Hindi na talaga siya nakatulog. Papasikat na ang araw pero hinang-hina pa rin siyang nakaupo sa inidoro, pinagpapawisan ng malamig, at iniisip na kahiya-hiya kung mamatay siya dahil sa LBM. At dahil wala siyang kasama sa kuwarto, baka ilang araw pa bago matuklasan ng may-ari ng apartment na nabubulok na siya kasama ng kaniyang tae na hindi na niya nagawang i-flush. Pero siyempre, kapag magaling na magaling na siya, pinagtatawanan na lang niya na naisip niya iyon. Na imposible namang mangyari iyon. Ilan na ba ang namatay sa pagtatae? Pero napapraning pa rin siya kay sinisigurado pa rin niyang marami siyang iniinom na tubig para hindi siya ma-dehydrate.

Iyon. Ginusto niyang isulat ang kuwento ng Atisan dahil wala lang talaga siyang makuhang paksa na masasabi niyang kanyang-kanya talaga. Nagsimula siyang manaliksik. Pero wala, walang mga talâ. Kahit iyun mismong tungkol sa buong San Pablo, dalawang libro lang ang mayroon sa library sa school niya, at sa dalawang librong iyon, hindi man lang nabanggit ang Atisan. Kaya naman, minsang umuwi siya sa probinsiya, tiningnan niya ang koleksiyon sa City Library. 

Walang alam ang walong librarian na abalang-abala sa kani-kaniyang pagko-cross stitch habang maingay na nagtsitsismisan sa maliit na silid na halos mapuno na nilang walo. Parang nagulat pa sila sa pagdating ni Daniel. Mukhang aburido pa ang pinakamatanda na naabala siya sa pamamangka sa huntahan. Kung may babae lang siyang kaklase noong elementary, kasama ito sa malalaki at matataba. Babaeng Max Alvarado. Napangiti si Daniel nang maalala iyung kaklase niyang laging sergeant-at-arms. Lalo naman siyang pinag-initan ng babae dahil akala yata’y pinagtatawanan niya ito. Hindi pa niya binabanggit ang kailangan niya, isang nag-uusok na “wala rito n’yan!” ang sagot ni Misis Alvarado. Sa inis ni Daniel, hindi na ulit siya bumalik doon. 


PLAN B. NAGSIMULA siyang magmasid sa baryo. Sinamantala niya ang natitirang bakasyon ng summer. Maaga niyang tinapos ang practicum niya noon sa Psychology kasama ang mga baliw sa isang ospital sa Ortigas. Akala niya, kilala na niya ang Atisan. Doon naman kasi naubos ang mga oras ng kabataan niya. 

Maliban kung nasa school siya sa bayan, ang kasa-kasama niya noon: Ang kulay ng papalubog na araw na dumadapo sa nagkukulay-ubeng sariwang dahon ng mangga sa likod-bahay nila; Ang pagkakaiba ng amoy ng tae ng kabayo, na natutuyo sa mga gilid ng daan paakyat sa burol, sa tae ng kalabaw na nakabalandrang parang cake sa daanan ng dyip papuntang bayan; Iyung lasa ng kalamyas kapag alas-tres ng hapon, habang isinasawsaw sa pinaghalong asin at asukal; Iyung katahimikan ng buwan na sinasabayan ng mahihinang hilik ng mga kuliglig kapag pauwi na siya mula sa panonood sa mga nagpatintero; Iyung mamasa-masang lamig ng hangin kapag nagsisimbang-gabi sila sa kubol sa baryo nang madaling-araw. Ayos ito a, naisip niya, para na akong makata.

Hindi siya nagtaka noon kung bakit walang mga tao sa alaala niya ng Atisan. Ngayon na lang.

Nalaman niya na sa hanay ng mga bahay na malapit sa kanila, si Aling Lucing ang laging pinakamaagang nagigising. Halos hindi pa tumitilaok ang mga tandang na alaga ng panganay na anak, hawak na nito ang walis-tingting at tinitipon na ang mga namatak na dahon ng santol at kaymito sa harap ng bakuran nila. Na si Mang Joseng Tíbi (dahil tikhuin at pagkapayat-payat) ang unang-unang pumupunta sa panaderya nina Na Erlindang Masa (hindi “masa” na nililigawan ng mga politiko kapag eleksiyon, kundi masang ginagawa sa harina ng niluluto niyang tinapay). Pero hindi para bumili ng pandesal, kundi para sa isang shot ng lambanog, na “baytamins” n’ya raw sa umaga. 

Nagbabad si Daniel sa Sapang Ligaw isang araw, para tingnan kung naliligo pa ba rito ang mga tao. Ilog talaga iyon, pero kinasanayan na nilang tawaging Sapang Ligaw dahil may bahagi na halos hindi umaagos ang tubig at parang isang malawak at malalim na tubig-baha sa mga malubak na kalye sa Maynila. Sa bahaging iyon talaga naliligo ang mga tao, dahil na rin siguro sa iyon nga ang pinakamalalim na parte ng ilog. Paglampas doon, mabato na sa magkabilang panig. 

May mga bata pa rin na pumunta sa Sapang Ligaw noong minsan ngang dumaan s’ya d’un. Anim. Apat na lalaki, dalawang babae. Five to eight years old siguro. Hindi nagkakalayo-layo ang edad. Nagsimulang maghubad ng damit ang isang batang lalaki, hinubad pati shorts. Hindi pa nagbi-brief. Hindi pa rin tuli. Saka tumalon sa tubig habang nakataas ang kaliwang kamay at nakapisil naman ang kanan sa ilong. Parang commercial sa TV. Tawanan ang mga kasama. Sumunod na rin ang tatlo pang batang lalaki. Iyung dalawang batang babae, nagtutulakan. Tumingin pa kay Daniel ang mas mataas sa dalawa, bago tumalikod at hinubo ang shorts. Iniwan ang panty. Maya-maya, naghahabulan na sila sa tubig. Marunong nang lumangoy lahat. 

Pinanood lang ni Daniel ang pagtatayaan nila sa tubig. Wala siyang maalala na nakipaglaro rin siyang gaya nito noong bata pa siya. Inisip na lang niyang malamang na ginawa niya iyon noon, hindi na lang niya maalala. Ang problema naman kasi sa alaala, ang naaalala lang, iyung pinakamatitindi. Pinakamasaya. O pinakamalungkot. Ibig sabihin, hindi rin talaga puwedeng pagkatiwalaan ang alaala kapag pinag-usapan ang kung ano ang karaniwan. Ang kaso nga, iyung karaniwan ang madalas na mangyari. Baka nga madalas din siyang maligo sa Sapang Ligaw noon, sila nina Erik, kaya naman naging karaniwan na lang ngayon, at heto, nawalan ng tindi, kaya hindi na nga niya maalala kung ginawa ba niya.


ANG NAAALALA NIYA, ang pagha-hiking nila ng Tito Tony niya, paakyat sa burol malápit sa Sapang Ligaw. Kaya kinabukasan, iyon ang ginawa niya, sinuysoy niya ang daan ng tao paakyat sa burol. Hindi tag-atis noon pero tuwang-tuwa siya nang may madaanang punò ng atis. Kunsabagay, hindi rin naman talaga siya mahilig sa atis, mahirap nang kainin, nababahuan pa siya sa amoy nito. 

“Ang hindi ko talaga maintindihan,” madalas na ihirit ng Tito Tony niya kapag napupunta na nga sa atis ang usapan, “e kung ano ang mabaho sa atis.” At saka sila magsisimulang magtalo tungkol sa amoy ng mga bagay, na napupunta sa kung saan-saan, sa pagiging halaman ng buto, sa totoong hugis ng bilog, o kung may mas bilog ba kaysa sa bilog, at pagkatapos, patungo sa mga planeta at konstelasyon sa kalawakan na nalaman niya pagtanda na inimbento lang naman pala ng Tito Tony niya ang mga pangalan. 

Naisip ni Daniel na mas nakakatawa naman kung kahit inikot na niya ang buong baryo, wala pa siyang makitang atis. Doon siya natutuwa sa baryo niya. Sa ilampung baryo sa San Pablo, ito na lang halos ang mas kilala sa sinaunang pangalan. Halos lahat, pinalitan na ng pangalan ng santo. Iyung Putol, Sta. Cruz na ngayon. Iyung Ilog, San Diego. Iyong Kalihan, San Francisco na. Iyung Balagbag, San Isidro. Iyung Balanga, San Antonio Uno na. Iyong Sapa, San Antonio Dos. Iyung Malamig, San Jose. Iyung Bulaho, Santiago. Iyung Banlagin, Sta. Filomena. Iyung Tikew, San Marcos. Iyung Malinaw, San Lucas na. Iyung Wawa, Del Remedio. Iyung Palakpakin, San Buenaventura. Iyung Butukan, San Gabriel.  Nag-research siya. Nabinyagan na halos ang lahat ng baryo. Atisan na lang ang Atisan pa rin. Nakikipagmatigasan. 

Kaya nga, baka kailangan talagang manatili ang mga atis, para maangkin pa rin ng baryo nila ang pangalan. Kung hindi, baka iyung mga taga-Atisan na mismo ang magbasbas ng pangalan ng kung sinong santo na tira-tirahan ng ibang baryo, at ni hindi nila alam kung nagmilagro ba talaga ito mula sa kung saang bayan.


SAYANG AT NAMATAY na ang Lola Bining niya bago niya napagpasyahan na igawa ng kuwento ang Atisan. Mahilig magkuwento ang lola niya. Ang totoo, pakiramdam ni Daniel e dito niya napulot ang hilig na iyon. Iyung Papa naman kasi niya, hindi masyadong masalita. Siguro’y dahil hindi ito ang nagpalaki sa kanya, kaya kapag saglit-saglit na umuuwi mula sa Saudi, halos wala silang napag-uusapan. Kahit ilarawan man lang sana ang hitsura ng disyerto. Kung ano ba ang pagkakaiba nito sa lupa sa Atisan. Kung puro lupa ba doon, kung walang dagat, o kahit ilog man lang, gaya ng Sapang Ligaw nila. Wala e. Tahimik lang iyung Papa niya. Hindi nagkukuwento. Hindi na rin naman nagtatanong si Daniel. Talo siya nito pagdating sa pagkakaroon ng sariling mundo. 

Kaya naging mas magaan pa ang loob niya sa nakababatang kapatid nito, ang Tito Tony nga niya. Halos ito na ang tumayong tatay niya simula nang nagkaisip siya. Iyung tungkol naman sa Mama niya, mas hindi pinag-uusapan sa bahay. Hindi rin siya nagtatanong. Noon. Nasanay naman kasi siyang walang nanay kaya hindi rin niya talaga alam kung ano ang pakiramdam ng may nanay. Hindi tuloy siya naghanap. Basta ganun. Parang isinilang siya, pero walang nanay. Tatay lang ang meron siya, na wala pa nga habang lumalaki siya. Pero hindi rin niya pinagsisentimyentuhan ‘yun noon. Nasanay siyang ganun kaya hindi siya nalulungkot. Kung napalapít na siya sa Papa niya bago ito nag-Saudi, baka pa. Pero hindi. Sa simula’t simula, tatay niya lang ito sa pangalan. 

Iyung Tito Tony naman niya, ibang-iba sa Papa niya, puro kalokohan. Kapag nagsimula siyang magseryoso ng pagtatanong tungkol sa Atisan, mag-iimbento na ito ng kung ano-ano para inisin siya. Na kesyo lolo ng lolo ng kalolololohan nila ang unang tumira sa Atisan, naglakad pa nang maghapon at magdamag nang walang pahinga mula sa kung saan sa Batangas dahil itinanan umano ang sariling pinsan. Na itong lolong ito (nagbabago ang pangalan, depende sa araw ng pagkukuwento ng Tito Tony niya; Domeng nang isang araw na iyon) ang unang naghawan sa mga damo malapit sa Sapang Ligaw, kung saan nito itinayo ang unang kubo sa Atisan. Na ito ang nagtanim ng mga puno ng atis, dahil wala naman talagang atis doon noon, puro puno pa ng mabulo ang nakatanod sa ilog, bukod siyempre sa dambuhalang mga kawayan. Pero dahil malas daw ang mabulo’t nakabubulag daw ang balat ng bunga nito, at sino ba naman ang may gusto na magpakalayo para lang mawalan ng paningin, kaya itinumba ng lalaki ang mga puno at nagsimulang magtanim ng atis. Dahil mabuto, suwerte naman daw ang atis. Pamparami ng grasya. Baka ito na ang simula ng bagong buhay talaga para sa kaniya. 

Habang lumalaki ang mga atis ni Domeng, anak niya ang dumarami. Noong una, natutuwa pa siya. Biyaya nga naman iyon. Pero pagtagal-tagal, hindi na niya makuhang matuwa, dahil naging isang bagay na karaniwan na lang iyon. Ang asawa pa niya, magandang palahian. Madalas na kambal ang anak. Lalaki at babae. Minsan, parehong lalaki; minsan, parehong babae. May ilang pagkakataon na tatlo pa. At apat, nung muntik na itong mamatay dahil halos dalawang araw umire nang umire. Matapos lumabas ang ikatlo’y gulat na gulat ang lahat dahil mahilab pa rin ang tiyan. Sa sobrang dami ng anak ni Domeng, hindi niya na mabilang dahil hindi naman mahalaga kung ilan ba ang anak niya (kung may sensus man noon, hindi naabot ng kung sinuman mula sa gobyerno ang bahay nila), naubusan na siya ng maipapangalan sa mga ito kaya’t dumating ang araw na nag-ulit na lang siya ng pangalan. Magkakamukha na nga, magkakapareho pa ang pangalan. Minsang pinapunta niya si Augusto, nagulat siya dahil sandosenang Augusto na pala ang anak niya. 

Walang nakarehistro sa mga ito. Hindi naman kasi sila nag-abalang bumaba pa sa bayan para lang sabihin na nanganak na naman ang asawa ni Domeng. Kaya kapag tiningnan ngayon ang rehistro ng mga anak na ito, malamang na walang makita. Ilan lang sila sa daan-daang isinilang at namatay sa palibot ng mga atis nang hindi man lang naitala ang pangalan, kaya wala sa kasaysayan. 

Marami sa kanila ang doon lang talaga nabuhay. Lalo na ang mga lalaki na hindi man lang nakaranas bumabâ sa bayan buong buhay nila. Nagsimula silang mag-alaga ng mga manok at baboy na wala nang nagtanong kung saan ba nila nakuha. Basta’t parang isinugo roon ng kung sinong diwata para may makain ang patuloy na lumalaking pamilya ni Domeng. Mga babae ang madalas na bumababa sa bayan para makipagpalit ng bigas sa mga gulay at karne na dala nila. Pero saglit lang iyon. Bumabalik din agad sila na para bang hinahanap ng mga ilong nila ang amoy-atis na hangin.

Pero marami-rami rin naman sa mga anak ni Domeng ang umalis. Nagmana sa kaniya, na nang-iwan din noon ng magulang. Ang paalam, babalik ang mga ito sa Batangas upang magpakilala sa mga kamag-anak. Ikukumpisal na kabilang sila sa mga bunga ng bawal na pagsasama ng mga magulang nila. May mga hindi na nagbalik. Kung natagpuan ba ang mga kamag-anak sa Batangas, hindi na nalaman o inalam pa iyon ng lalaki. May ilang nagbalik, may kasama nang kani-kaniyang asawa. Iyung ilan sa napangasawa, bitbit ang sari-sariling pinsan na napangasawa naman ng ilan sa mga babaeng naiwan. Sa sobrang dami ng magkakapatid, kahit sila mismo, hindi na magkakakilala kaya’t maaaring mayroon sa kanilang nagkakaasawahan at nagkakaanakan din. 

Kapag bumababa ang mga babae para magbenta ng mga gulay at bumili ng bigas, gas at iba pang kailangan sa bahay, sama-sama sila. Laging hindi bababa sa sampu ang magkakapangkat kaya’t malayo pa lang, kita na ng mga tagabayan na parating sila. Itinatanong ng mga tao kung saan sila nakatira. Dahil wala naman talagang pangalan ang lugar kung saan nakatayo ang tabi-tabi na nilang kubo, ang sinasabi na lang nila, doon, doon kami sa atisan. Tumatango lang ang nagtitinda, kahit hindi niya alam kung saan ba iyung itinuturo ng mga babae. Wala rin naman siyang balak alamin talaga, kailangan lang na mayroon siyang ibang masabi, maliban sa halaga ng tinda niyang bigas, para hindi maging kabagot-bagot sa mga bumibili, at sa kaniya na rin, iyung araw-araw na pagtatahip ng bigas sa bilao bago kiluhin sa harap ng mga babae. 

Hindi nagtagal, dumami nang dumami ang mga taga-Atisan. Kahit iyung walang puno ng atis sa bakuran, naki-atisan. Isang araw, bumangon na lang ang lalaki na siyang unang nagtayo ng kubo sa ilog. Matanda na ito noon at nananakit na ang ilang bahagi ng katawan. Bumangon siya’t pinutol ang lahat ng puno ng atis. Pero hindi na niya nabura ang pagkakakilanlan ng lugar nila. Nanatili iyong atisan para sa mga tagabayan. Kaya nagugulat ang maraming naliligaw sa lugar na iyon dahil hilo na sila sa kaiikot pero wala silang makitang atis. Inisip tuloy ng ilang tagabayan na inimbento lang ng angkan ni Domeng ang atisan para sadyang iligaw ang ilan na gustong makigulo sa lugar nila. 

Pero kapag nagpapasya nang umuwi ang mga dayo na ito, alinman sa dahil dumidilim na o dahil natiyak na nila ang pakay, hindi sila maaaring magkamali na amoy-atis ang hangin na naghahatid sa kanila palayo sa lugar na iyon.

Isang araw, basta na lang nawala ang matandang lalaki. Wala namang naghanap sa kaniya. Ang sabi ng iba, sinundan nito ang asawa na naunang nawala at ang hinala’y bumalik sa Batangas. May ilan namang nagsasabi na ilang dekada nang patay ang babae nang mawala ang matandang lalaki. Iyung iba nga, sinasabi pang wala naman talagang kasamang babae ang lalaki. Mag-isa lang talaga ito sa gubat. Mag-isang naghawan sa mga damo. At namuhay din doon nang mag-isa. Hindi siya nagkaanak kahit isa. Pero matapos niyang hawanin ang gubat, matapos tabasin ang mga ligaw na damo, saka nagsulputan ang mga tao. Kung sino-sino. May mga nagpakilala na kamag-anak niya. May mga basta na lang nagtayo ng bahay, pinutol kahit ang mga atis na itinanim niya para maiayon lamang sa disenyo ng itatayong kubo. Ayon sa iba, dahil daw dito kaya umalis ang lalaki. Baka naghanap ulit ng bago niyang atisan. 

“Pero siyempre,” at dito magwawakas ang pagkukuwento ng Tito Tony ni Daniel. “Hindi iyon ang kuwentong paniniwalaan natin. Kung hindi, wala tayo ngayon dito.” At lagi, mapapakamot ng ulo habang nakangiti lang si Daniel, kahit gusto niyang paniwalaan ang kuwento ng tiyuhin.

Pagtagal-tagal, nakipag-usap na lang din siya sa ibang matatanda, naghanap ng iba pang puwedeng ikuwento tungkol sa pinagmulan ng Atisan. Marami siyang napulot na kuwento. Iba’t ibang alamat. May sari-sariling bersiyon ang bawat matanda na makausap niya. Isinulat niya iyon lahat sa journal. Pero hanggang sa makatatlong palit na nga siya ng kurso, hindi na niya nabuklat ulit iyon. 

Lagi niyang sinasabi sa sarili na bata pa siya, at marami pang oras para isulat ang nobela niya. Na ang mahalaga, naroon na, naroon lang ang mga detalye na kailangan niya. Kailangan lang talaga niya ng panahon. At buwelo. Maganda-gandang buwelo. Ibang disiplina rin kasi ang kailangan para mairaos ang ganoon kahabang kuwento. 

Pansamantala, sinubukan niyang balikan ang ilan sa mga kuwentong nasimulan niya. May natapos siya isang araw. Bumugso lang, isang gabi na hindi siya makatulog dahil sa kaso ng paranoid schizophrenic na kailangan niyang gawan ng case study para sa klase niya sa Abnormal Psychology. Kaedad n’ya lang halos ang babae, nakatapos pa ng kolehiyo bago lumabas ang mga sintomas. Genetic din kasi iyon. Iniwan niyang nakabitin ang kuwento bago siya natulog nang bandang alas-kuwatro na ng madaling-araw. Nagising din siya nang maaga, pasado alas-siyete pa lang. Itinuloy niya agad ang kuwento, hindi pa siya nagmumumog. Natapos niya bago mananghali. Makalipas ang halos tatlong buwan, nalathala iyon sa Liwayway. Iyon ang una niyang nalathalang kuwento. 

Kung tutuusin, matanda na siya kung ikokompara sa edad nang unang nakapag-publish ang mga hinahangaan niyang kuwentista. Ang pakonsuwelo na lang niya, hindi naman siya nagmamadali. Hindi niya inisip kahit kailan na kailangan niya palang magmadali sa mga gusto niyang gawin sa buhay.

Binasa niya ulit ang kuwento niya nang malathala ito, at inis na inis siya sa ilang typo. May naputol pang isang linya sa dulo ng unang pahina. Pero ayos na rin iyon. Mas lumakas ang loob niyang baka madali nang isulat ang nobela. Nakaisang kuwento na siya. Kahit pa nga walang-walang kinalaman iyon sa Atisan. 

(This is a chapter from my first novel Walong Diwata ng Pagkahulog, first published by Anvil in 2009. The novel won Grand Prize in the 2005 NCCA Writer’s Prize. In 2018, Visprint released a complete edition of the book. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this work in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)

Leave a comment