
Maliwanag na maliwanag ang buwan at walang-walang katao-tao sa kahabaan ng kalyeng Sitio Pinagpala. Kanina pa tumatakbo si Janus palayo sa pagaspás ng mga pakpak. Parang malalakíng sáko na iwinawasiwas sa hangin. Wala ring baganing magliligtas sa kaniya. Pero kapag narating niya ang dulo ng kalye, kailangan lang niyang kumaliwa’t tumawid sa highway, at umasang makikilala niya ang kanto papasók sa daan pabalik sa bahay nina Manong Joey.
Ngayon, kailangan muna niyang tumakbo nang tumakbo nang mabilis na mabilis na mabilis. Kung bakit hindi niya maalala ang daan pauwi. Kung bakit nakalimutan niya kahit ang pangalan ng kalye. Alam niya, ipinangalan iyon sa sikát na pintor dito sa Angono. Sikát, pero ni hindi niya kilala noong unang binanggit ni Manong Isyo sa kaniya, at ngayon nga, nawala pa sa isip niya. Bad trip. Nasa bahay nina Manong Joey ang ilan sa mga larawang iginuhit nito. Matitingkad ang kúlay. Parang laging may matinding ginagawa ang mga tao. Banát ang bisig ng mga lalaking nagsasagwan, o may buhát-buhát na bahay-kubo, o kaya’y may hawak na itak o gitara. Parang nagmula sa isang panahon at lugar na hindi inabot ni Janus. Malayo sa mundong nakilala niya. Iyung mundo ng mga umaarangkadang traysikel at dyip sa Balanga, mundo ng paglalaro ng basketbol sa hatinggabi’t nagpapailaw sila ng court o kahit sa tanghaling kainitan ng araw kapag sabado’t linggo, mundo ng halos awtomatikong pagbubukas ng TV pagkakarating sa bahay sa gabi mula sa school. Ang dati niyang mundong nag-uubos ng pera’t panahon sa pagta-TALA.
Malamig at malakas ang hangin ngayong gabi. Tumitindi at bumibilis ang pagaspas ng mga pakpak. Palapít nang palapít ang tunog. Alam ni Janus na kailangan pa niyang bilisan ang pagtakbo. Ligtas na siya kapag nakapasok siya sa gate nina Manong Joey. May proteksiyon ng mga bagáni ang mga punongkahoy na nakapalibot dito. Pero malayo pa siya. Ngayon, ni hindi siya makatingin sa itaas. Ayaw niyang matiyak ang hinala niya. Na hindi ito malaking ibon lang. Bakit siya pagtitripang habulin ng malaking ibon ngayong gabi? At anong malaking ibon? Muntik pa siyang matumba sa pagtakbo nang biglang may tumawid na pusa sa dinadaanan niya. Tang ina. Mabilis siyang napalundag pakanan. Nilingon niya ang pusa kahit tuloy pa rin siya sa pagtakbo. Puti na may mapa-mapang orange ang balahibo. Nakahinga siya nang bahagya. At least, hindi itim. Hindi niya kailangan ng itim na pusang tumatawid sa dinaraanan niya ngayon.
Pagdating niya sa dulo ng Sitio Pinagpala, nag-iinit na ang mga binti niya sa pagtakbo. Mabuti’t mahahaba ang biyas niya. Malayo-layo na rin ang natakbo niya. Tumutulo ang pawis sa noo’t ilalim ng mga patilya niya. Nakapagtatakang wala ring dumaraang sasakyan sa highway. Pero mas nakapagtatakang hindi na siya masyadong nagtataka rito, naisip ni Janus. Mabilis siyang nakatawid sa kabila ng daan. Alam niyang sinusundan pa rin siya ng mga pakpak, at tinatanaw ng maliwanag na maliwanag na buwan. Takbo. Takbo pa. Malapit na siya. Mabuti’t pamilyar na ang mga kantong nalalampasan niya. Heto, heto na. Kaunti na lang. At sa liwanag ng poste, nabasa niya: Botong Francisco Avenue. Oo nga pala. Tama, tama. Bakit nakalimutan niya iyon? Pero pagkanan niya, halos matumba siya sa biglang pagtigil sa pagtakbo nang nagbago ang lawak ng abenida at bumungad sa kaniya ang kalyeng kinatitirikan ng Malakas Internet Shop. Paglingon niya, tinatanaw siya ng punong mangga na nasa sentro ng bayan ng Balanga. Anong ginagawa ng mga ito rito? Tang ina talaga. Pagtingin niya sa itaas ng punong mangga, naroon ang tinatakasan niya. Manananggal. Putek. Sabi na. Sabi na.
Hindi mawari ni Janus ang hitsura nito. Nakatalikod ito sa liwanag ng buwan. Tuloy ang pagaspas ng mga pakpak. Parang babagsak ito sa lupa kapag tumigil sa pagpagaspas. Ang pumasok sa isip ni Janus: hindi naman pala sobrang nakakatakot. Pero agad din niyang naisip: gago, putol ang katawan, may pakpak, lumilipad, anong hindi nakakatakot dun? Noon ito bumulusok pababa sa kaniya. Bago nakabuwelo patalikod si Janus para ituloy ang pagtakbo, naramdaman niyang may humawak sa braso niya. Pagharap, hindi niya inaasahan ang nakita. “Harold?”
Hindi niya maintindihan ang sinasabi nito, o wala naman talaga itong sinasabi habang hinihila siya nito sa direksiyon ng Malakas. “Teka lang, teka lang.” Naisip ni Janus ang Do-ol na kayang magpanggap na kahit sinong kakilala niya. Tulad ng Do-ol na nagpanggap bilang Papa niya sa loob ng tatlong taon. Tatlong taon! Ayos din ang consistency at determinasyon ng mga ito. Tiningnan siya ni Harold. Hindi niya marinig ang sinasabi nito, parang walang lumalabas na boses sa bibig nito, pero naiintindihan niya ito. Parang dumidiretso sa isip niya. Parang tulad ng kakayahan nina Manong Joey. Bagani ka na ba ngayon, Harold?
Tiwala, ‘tol. Tiwala. Tropa tayo.
Pagtingin ni Janus sa Malakas, nakaangat ang pinto. Nasa loob si Mica at ang Mama niya, tinatawag siya. Saka siya nakatiyak. Panaginip ito, panaginip ito. Pero tumakbo pa rin siya kasunod ni Harold papunta roon. Kahit panaginip ito, ayaw niyang mamatay sa panaginip, ayaw niyang lapain siya ng manananggal sa panaginip. Anong mangyayari sa kaniya kapag namatay siya sa panaginip? “Harold! Teka lang, p’re!” Nagtatalo ang loob niya. Gusto niyang sugurin at yakapin si Mica at ang Mama niya. Pero sa labas ng panaginip na ito, wala na ang Mama niya. Wala na rin si Harold. Kaya sa isang bahagi ng isip niya, kahit hinahabol siya ng manananggal ngayon at tumatalon ang mga lugar mula Angono papuntang Balanga nang ganun-ganun lang, mas pipiliin pa rin niya ang mundong ito. Dito, buháy ang kaibigan at Mama niya. Dito, narito si Mica. Magkakasama sila ni Mica.
“Mica! Ma!” Gustong maiyak ni Janus. Panaginip lang ito. Makaligtas lang sila sa manananggal na ito, ayaw na niyang magising.
Malápit na malápit na sila ni Harold sa pinto ng Malakas nang biglang mapahawak siya sa braso ng kaibigan at walang kasere-seremonyang napulbos ang buong katawan nito at nilipad ng hangin. Gulát na gulát ang mukha ni Mica at ng Mama niya. Tiningnan ng mga ito si Janus na parang sinisisi siya sa nangyari. Hinila ng dalawa pasara ang pinto mula sa loob ng Malakas. Naiwan si Janus sa labas, kumakatok sa salaming pinto. Naroon at nakapaskil ang mga poster ng TALA Online. Nasa pinakagitna nito ang nakangiti’t nakahalukipkip na Tiyanak, ang kauna-unahang kalaban sa Level 1. Ni hindi niya masilip ang Mama niya at si Mica sa loob. “Mica! Ma, buksan n’yo ito! Ma!” Nakakubabaw na sa kaniya ang pagaspas ng pakpak ng manananggal. Palaki nang palaki ang anino nitong tumatábon sa kaniya hanggang sa hinawakan siya sa balikat ng kamay nitong may matatalim na kuko ang mga daliri. Tuloy pa rin sa pagkatok at pagsigaw si Janus. Puwersahan naman siyang iniharap ng manananggal dito, pero bago pa man niya ito namukhaan, ipinasok na ng manananggal ang dilang karayom nito sa pinakapuso niya. Napahiyaw si Janus sa sakit.
Biglang napamúlat si Janus. Nakiramdam siya kung totoo bang napasigaw siya. Tahimik na tahimik ang paligid. Wala kahit alaala ng alingawngaw. Nasa loob siya ng kuwarto niya sa bahay nina Manong Joey sa Angono. Madilim pa rin. Binuksan niya ang desk lamp sa kanan ng kama niya. Ilang beses na niya iyong napapanaginipan. Pero parang laging bago’t totoong-totoo sa kaniya sa bawat pagkakataon. Tumatakbo siya’t hinahabol ng isang manananggal. Pagkatapos, makikita niya si Harold, si Mica… at ang Mama niya. Minsan, naroon ang Papa niya. At si Juno. Si Juno bago niya natuklasang walang Juno. Minsan, naroon din ang ibang kaeskuwela niya sa St. Michael’s. O ang mga kabarkada niya’t kabasketbol dati sa baranggay nila sa Atísan. Lahat ng iniwan niya sa bayan ng Balanga. Takót na takót siya sa pagtakbo pero nagtsi-cheer ang mga ito. Parang nanonood lang ng laro. Minsan naman, tulad ng panaginip niya ngayon, walang katao-tao sa kalye. Pero laging sa huli, mula sa Angono’y mapupunta siya sa Balanga. At doon, aabutan siya ng manananggal. Pero sa halip na patayin siya o kainin, magsasakarayom ang dila nito at ipapasok sa dibdib niya. Ramdam na ramdam niya ang sakit na parang hinahanap ng dila nito ang pinakasentro ng puso niya. At pagkatapos, kapag naisuksok na nito ang dila roon, saka siya iiwan ng manananggal. Lilipad ito palayo at saka siya magigising. Iniwanan na naman siya ng dilang karayom ng manananggal sa puso niya. Naroon, ramdam niya. At kahit gising na siya’y ramdam pa rin niya ang sakit sa loob niya. Ilang beses na niya itong napapanaginipan simula nang dumating siya sa Angono, pero wala pa siyang pinagsabihan nito. Kahit sino.
Tiningnan niya ang oras sa cellphone niya. 4:11 pa lang ng umaga. Pero alam niyang hindi na siya makakatulog. Noon niya naisip na wala na nga pala silang pasok. Christmas break na at halos apat na buwan na siya rito sa Angono. Bumangon siya at pumunta sa banyo. May sariling banyo ang kuwarto niya rito. Nang una nga niyang makita ang bahay nina Manong Joey, pakiramdam niya’y nasa teleserye siya. Mansiyon. Sa mga palabas sa TV at pelikula lang niya nakikita ang ganito kalaking bahay na may ganito kalawak na bakuran na may naglalakihang matatandang punongkahoy na ni hindi niya noon alam ang pangalan. Binasa niya ang lumang messages ni Mica sa kaniya habang umiihi. Iyon ang ritwal niya pagkakagising. Ulit-uliting pasadahan ang mga palitan nila ng messages ni Mica noon. Mis u. Noong halos sila na. Mis agad, mgksama lng tau knina? Noong kulang na lang ay i-status nila sa FB na sila na. Payakap nga po. Araw-araw, dinadasal niya na sana’y makita nila agad si Tala, mapatay na nila ang Tiyanak, habang wala pang ibang umeeksena kay Mica. Si Mica na lang ang natitira sa kaniya. Mwahugggs! Ayan, happy npo? Nagmumog siya at paglabas ng banyo, isinuot niya ang kuwintas na regalo nito sa kaniya. Dumami na nang dumami ang laman ng USB na bigay nito. Karamihan ay mula sa mga bagong natutuhan niya nitong mga nagdaang buwan tungkol sa TALA, tungkol sa mga bagáni at púsong, at tungkol sa Tiyanak. At hindi siya lumalabas ng kuwarto nang hindi iyon suot. Parang agimat. Puwedeng sa isip lang niya ang bisà nito, pero totoong nababawasan nito ang sakit na nararamdaman niyang nanggagaling sa dilang karayom ng manananggal sa puso niya. Pero siguro nga’y dahil nasa isip lang din niya ang sakit na iyon, ang dilang karayom na iyon.
Noon siya may narinig na kaluskos sa labas. Parang pusa na napalundag matapos apakan ang buntot o buhusan ng mainit na tubig. Naalala ni Janus ang pusa sa panaginip niya. Hinawi niya ang kurtina at sinilip ang nasa labas ng bintana niya. Kita niya ang malalaking puno ng naga na nasa gilid ng swimming pool sa likod-bahay. Bukás pa ang ilaw sa apat na poste sa mga kanto ng pool. Hindi niya matanaw ang buwan sa puwesto niya. Wala kahit repleksiyon nito sa tubig ng pool. Ibinalik niya sa ayos ang kurtina at dadamputin na niya ang laptop na bigay ni Manong Joey sa kaniya nang marinig niya ang kakaibang alulong ng aso sa labas. Si Liyag. Nasa ground floor ang kuwarto niya. Narito rin ang kuwarto nina Manong Isyo, ni Kuya Renzo, at ng mga katiwala sa bahay. Nasa second floor ang kuwarto ni Manong Joey at ng iba pang bagáning kamag-anak at kaibigan nito na nakatira o bumibisita sa bahay. Bago pa man nakakilos si Janus, may kumatok na sa pinto niya.
“Janus?”
Si Kuya Renzo. Ito na ang tawag ni Janus kay Renzo, dahil naging parang magkuya na talaga ang turingan nila simula nang magkasama sila rito sa Angono. Dali-daling binuksan ni Janus ang pinto. Gulát na gulát siya sa hitsura nito. May dugo ito sa kamay at damit. Parang hindi pa ito natutulog, gulo ang buhok, at magkahalo ang tákot at lungkot sa mga mata. Sumundot ang dilang karayom ng manananggal sa puso niya.
“Okay ka lang ba, Janus?” Dire-diretso sa pagpasok si Renzo sa kuwarto niya. Palinga-linga sa paligid, parang tinitiyak na walang ibang naroon.
“Bakit, kuya? Anong meron? Anong nangyari sa ‘yo?”
“Gising ka na ba talaga? Bakit gising ka na?”
Hindi niya sinasabi kahit kay Renzo ang tungkol sa panaginip niya, at kahit ang nararamdaman niyang dilang karayom ng manananggal sa puso niya. “Babago lang, Kuya. Umihi lang ako… Pero bakit may dugo ka… anong nangyayari, kuya?”
“Sina Sinta at Irog…” Sina Sinta at Irog ang dalawa pa sa mga asong inaalagaan ng Kuya Renzo niya, kasama ni Liyag. Noong bagong dating siya sa mansiyon, hindi man lang siya tinahulan ng mga ito. Parang matagal na siyang kilala. O parang inaabangan talaga ng mga ito ang pagdating niya. Alagang-alaga ng Kuya Renzo niya ang mga ito. Bukod sa ito rin ang nagsasanay sa mga ito at nagtuturo ng kung ano-ano. Na malay natin, makatulong sa mga kailangan nating gawin, laging sabi ng Kuya Renzo niya sa kaniya.
“Anong nangyari sa kanila?” Pero sapat na kay Janus ang mga dugo para malaman ang sagot sa tanong niya. Dali-dali siyang lumabas ng kuwarto. Sumunod naman agad sa kaniya si Renzo.
“Sinubok ko pang iligtas sila, pero…” Nabasag na ang boses ni Renzo. Ayaw ni Janus na nakikitang naghihirap ang loob ng Kuya Renzo niya. Tulad niya, wala na rin itong pamilya. Dito, sila na ang magkakapamilya.
Nakita ni Janus sina Manang Mely at Manang Letty, dalawang katiwala sa mansiyon. Parehong tao, at dalawa sa iilang tao na nakaaalam sa pagkabagani nina Manong Joey. Kíta ni Janus ang takot sa mga mata ng mga ito. Sa apat na buwan niya rito, ngayon lang niya nakita ang tákot na iyon sa mga mata ng mga ito.
“Nasaan po sina Manong Joey?”
“Nasa itaas si Kuyang Joey. Wala pa si Kuyang Isyo…” sabi ni Manang Letty.
“Janus, may iba pang problema…” sabi ni Renzo.
Tiningnan ni Janus ang Kuya Renzo niya. Palabas na sila noon sa pinto papunta sa likod-bahay, sa pool na tanaw mula sa kuwarto ni Janus. “Ano, kuya?”
“Si Mira…”
“Anong nangyari kay Mira?” Si Mira ang kakambal ni Miro. Mas matanda lang kay Janus ng isang taon ang dalawa. Mga baganing inampon na nina Manong Joey nang maulila noong mga sanggol pa lang. Nagmumukhang ampunan ang mansiyon sa mga ulilang tulad nila. Mapatao, bagani, o pusong. Kung totoo mang pusong siya. Ngayon, naghihintay na lang ang kambal na lumitaw ang kakayahang bagani nila.
“Halos isang araw na siyang nawawala…”
“Nawawala? Paanong nawawala?” Paano ito posibleng mawala kung nasasagap ng mapa ng utak nina Manong Joey ang kinalalagyan ng iba?
“Sinubok na rin siyang hanapin ni Manong Joey,” sa utak nito, ang ibig sabihin ni Renzo. “Hindi siya makita. Basta siya nawala.” Tulad ni Boss Serj. Basta naglaho noong panahong kailangang-kailangan nila itong makausap. At hindi pa rin nila nakikita hanggang ngayon. “Tiniyak ko lang na nasa kuwarto ka, na safe ka, pero hindi mo na kailangang makita ang nangyari kina Sinta…”
Sa isip-isip ni Janus, pagkatapos niyang makita ang nangyari sa Mama niya, mayroon pa ba siyang hindi kayang makita? Muli, ang dilang karayom sa puso niya. Idiniin niya ang USB na nakasabit sa dibdib niya. Halos awtomatiko na iyon sa kaniya. At kahit konti, pakiramdam niya’y nabawasan nga nito ang sakit.
Sa ilalim ng pinakamatandang puno ng naga, naroon sina Irog at Sinta. Hindi halos makilala ni Janus. Putol ang ulo ni Sinta, ang brown na dachshund na ngayon ay kulapol din ng dugo ang buong katawan. Katabi naman nito si Irog, ang itim na plott. Basag ang bungo nito at pisak ang dalawang mata.
“Ginising ako ni Manong Joey, sa isip,” sabi ni Renzo. “Pagbaba ko, sinalubong na ako ni Liyag.”
Napalinga si Janus at nakita niyang nakasiksik sa pader ng bahay malapit sa pinto ang itim na retriever. Ni hindi ito makatingin sa kanila. Ni hindi ito makatingin kina Sinta at Irog.
“Nakita ko silang nakabitin sa sanga ng puno…” nabasag na naman ang boses ni Renzo. “Kung nakita mo lang sila kanina bago ko ibinaba riyan, Janus. Nakakaawa si Sinta, kung bakit pinutol pa ang ulo. Sa kabilang dulo ko pa ng pool nakita ang ulo niya. Mulát na mulát ang mga mata. Tapos, parang sinasabi sa akin, bakit di ako nagising, bakit wala akong nagawa para sa kanila…”
“Pero paano nangyari ito, kuya…” Sa isip nila, alam na naman nila ang sagot. Sino pa ba ang maaaring gumawa nito bukod sa Tiyanak at sa mga kampon nito? “Pero hindi ba, may proteksiyon itong mansiyon, kuya? Hindi ba, may kapangyarihan ang mga punong ito para hindi mapasok ng mga kampon ng Tiyanak kahit itong bakuran?” Kaya nga kahit iilan lang sila sa pagkalaki-laking mansiyon, tiniyak nina Manong Joey na ligtas sila roon. Na hindi nila kailangan ng mga kasamang magtatanggol sa kanila. May sanghayang proteksiyon ang lugar laban sa Tiyanak at sa lahat ng nilalang nito.
“Hindi ko rin alam, Janus. Hindi pa bumababa si Manong Joey. Kasama niya si Miro. Hinahanap pa rin niya si Mira. Kinakabahan ako na may nangyari kay Mira.” Tiningnan ni Renzo sina Irog at Sinta. “Huwag naman sana.”
Napatingin din si Janus sa lagay nina Irog at Sinta. Sinong makapapasok dito na gagawa nito? Nasa kanila rin ba si Mira? Anong gagawin nila rito? Huwag naman sana. Hindi sila naging masyadong malapít ni Mira. Pakiramdam niya’y naiilang ito sa kaniya. Mas naging malapit siya kay Miro na sa simula’t simula’y hindi makapaniwala na nakasama niya ang Tiyanak sa loob ng anim na taon at itinuring pang kapatid. Hanggang bago dumating si Janus, halos isang alamat ang Tiyanak sa kambal. “E si Manong Isyo?”
Tiningnan siya ng Kuya Renzo niya. Parang may tinitimbang ito na kung ano. Pagkatapos bumuntong-hininga, saka ito nagsalita. “May sasabihin ako sa iyo, Janus,” mahinang sabi ni Renzo. “Pangungunahan ko na si Manong Joey, pero huwag ka munang aasa, gusto ko lang na alam mo na. Na handa ka, kung anuman. Gusto ko ring sa akin mo malaman. Hindi tayo naglilihiman, hindi ba?”
Naalala ni Janus ang panaginip niya’t bigla niyang naramdaman ang sundot ng dilang karayom ng manananggal sa dibdib niya. Nakatusok sa pinakasentro ng puso niya. Bahagyang sumulyap si Janus sa mga mata ng Kuya Renzo niya para sabihing nakikinig lang siya. Pero nagbawi rin agad siya ng tingin.
“Nitong nagdaang linggo, pumunta si Manong Isyo sa Capiz, di ba,” buwelo ni Renzo. Alam ni Janus iyon. Nagdalá ng tulong si Manong Isyo kasama ang ilang bagáni sa ilang biktima ng Yolanda roon. Dahil masyadong nakatutok ang mga balita ng Maynila sa nangyari sa Leyte, huli nang napagtuunan ng pansin ang ibang lalawigan na nasalanta rin, tulad ng Capiz. Kinatagpo nila ang mga baganing taga-Roxas City at saka sila nagdala ng tulong sa malalapit na bayan ng Panay, Panitan, Dao, at Maayon. Iyon ang alam ni Janus. “Pero hindi lang siya nagdala ng relief doon. May sadya siya. Sa Pilar.”Naglakad si Liyag palapit sa kanila, parang ibig pakinggan ang sasabihin ni Renzo.
“Alam mo ang kakayahan nila, Janus. Kapag nakakuha na sila ng imprint ng utak ng isang tao at inirehistro sa isip nila ang halaga noon, nasa mapa ng isipan na nila iyon. Parang keyword iyon sa internet, na tuwing lalabas sa anumang webpage, kaya nilang masagap, nariyan lang. Ngayon, heto, tulad ng sinabi ko, huwag kang aasa, wala pa tayong kompletong pinanghahawakan ha,” hinawakan ni Renzo sa balikat si Janus na kahit halos walong taon ang tanda niya ay nasa tatlong pulgada na lang ang taas niya. “Ilang linggo bago mag-Capiz si Manong Isyo, mahinang-mahina raw noong una, at nawawala paminsan-minsan, pero… pero bumalik ang rehistro ng utak ng… utak ng Papa mo sa kaniya, sa kanila ni Manong Joey.” Hindi makakurap si Janus. Parang tumigil sa pagtibok ang puso niya. “At dahil para ngang signal ito, minsan, nawawala. Ilang araw. Tapos, babalik. Noong lumakas nang kaunti, at tumagal-tagal na aktibo ang imprint ng utak niya sa mapang nasa utak nina Manong Isyo, natiyak nilang nasa Capiz… sa Pilar ang pinagmumulan ng rehistro. Kaya siya pumunta roon. Kailangan nilang makatiyak.”
Hindi alam ni Janus ang mararamdaman. Parang salitan at sunod-sunod na itinutusok at hinuhugot ang dilang karayom ng Manananggal sa puso niya. Si Papa? Puwedeng buhay pa pala si Papa at hindi ito totoong napatay noon ng Tiyanak?
Muling umalulong si Liyag, na parang ipinagluluksa ang pagkamatay ng dalawang kaibigan. Nakatingala sa langit. Nagluluksa rin ba ang mga hayop? Noon napansin ni Janus na walang buwan. Hindi káta ang buwan. Pero may isang linggo nang nakabalik mula sa Visayas si Manong Isyo, nakita ba niya si Papa?
“Liyag,” tawag ni Renzo sa nanlulumong aso.
Tumayo naman mula sa pagkakahiga si Liyag sa paanan ni Renzo at marahang inihilig ang ulo sa binti ng binata. Tumingin ito sa bangkay nina Irog at Sinta bago tumingala kay Renzo at saka muling dumapa.
Gustong yakapin ni Janus si Liyag pero nanatili lang siyang nakatayo, hawak sa dibdib ang USB na nakasabit sa leeg niya. Hindi pa sumisikat ang araw.
Mahaba pa ang araw na ito.
(This is the first chapter of Si Janus Sílang at ang Labanáng Manananggal-Mambabarang, the second book of the Janus Sílang series, published by Adarna House in 2015. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this excerpt in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)
Leave a Reply