Ang tiyának ay lamánlupàng sinasabing kaluluwa ng sanggol na namatáy nang hindi nabinyagan. Karaniwang mapaglarô ang tiyának at mahilig iligáw ang sinumang mapaglaruáng manlalakbay. May kakayáhan ang tiyának na mag-ibang-anyo at maging imbisiblé upang linlángin ang biktíma. Paborito nitong paglaruan ang mga bátang may kakaibang pangalan. Malabò ang mga mata nito subalit matálas ang pandinig. Mas maikli ang kaliwa nitong binti kaysa sa kanan, kaya’t nahihirápan itong maglakad o tumakbo. Gayunman, nakalilipád ito’t mataas at malayò ang naaabot ng pagtalón.
Nakatira ang tiyának sa ilalím ng lupà kung saan maraming hiyás na nakabaón. Pumupunta ito sa ibábaw ng lupà kapag tanghaling-tapát o palubóg ang araw. Humuhuni na túlad ng isang ibon ang tiyának kapag nakíta nito ang bibiktimahin. Karaníwang nagpapanggap bilang totoong sanggol ang isang tiyának. Natatagpuan itong umiiyak sa isang punò ng mag-asawang walang anak. Matápos ampunín, hahanap ang tiyának ng pagkakataón upang paslangin ang mga nag-ampon sa pamamagítan ng pagsipsip sa dugo ng mga ito.
Ano ang panlában sa tiyának?
Panlában sa tiyának ang pagsusuot ng kuwintas na bawang o ngípin ng buwaya.
Ibang katawagan sa tiyának
Tinatáwag din itong patiának o patyának ng mga Mandaya, at muntiának ng mga Bagobo.
(This is an entry from my book 101 Kagila-gilalas na Nilalang, first published by Adarna House in 2015. In 2019, an updated edition is released, called Mga Nilalang na Kagila-gilalas, also published by Adarna House. Go to BOOKS to see all my books. If you want to include this article in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)
Leave a Reply