
KAGA-GRADUATE LANG NAMIN ng college nang sabihin nilang patay na si Aaron.
Martes Santo nang nakatanggap ng tawag si Jan, kuya ni Aaron, mula sa San Pablo City Police Station. May itinawag daw na kaso sa kanila ang Tiaong Police. Bangkay ng isa umanong Aaron Gregorio L. Santamaria, 22, 5’8”, ng 471 Barangay San Antonio Dos, San Pablo City, ang nakita sa gilid ng Maharlika Highway sa dulo ng Lumingon, malapit sa arko papasok ng Lusacan, Tiaong, Quezon. Wala na raw ibinigay na iba pang detalye ng pagkamatay. Hindi rin sinabi kung aksidente o krimen. Tinanong ng tumawag na nagpakilalang PO2 Bruegas kung puwede bang sumama si Jan sa Tiaong para ma-identify ang bangkay.
“Eman, hello, Eman, ‘asan ka ngayon?”
Nang mabosesan ko si Jan, alam ko na agad na may problema. At may kinalaman kay Aaron. Kagigising ko lang. Nagising ako sa tawag niya. Hindi naman talaga siya tumatawag sa akin. Mabuti nga’t naka-save pa rin ang number ko sa cellphone niya. Ako ang paminsan-minsang nagtitext sa kaniya noon kapag umuwi ako sa San Pablo at hindi sumasagot si Aaron sa mga text ko. Biglang parang ang tagal na noon, kahit dalawa-tatlong taon pa lang talaga ang nakalilipas. Mabuti’t hindi ako nangailangang magpalit ng number kahit kailan kaya natawagan pa niya ako.
“Nablangko ang isip ko, Eman. Parang huminga ka nang malalim tapos di ka agad naka-exhale nang matagal,” sabi ni Jan, nang ikinukuwento na niya sa akin ang tawag na iyon. Blangko. Dalawa-tatlong segundo. Parang nalulunod, gusto ko sanang sabihin. Pero di ko pa naranasang malunod. Nang makabawi raw siya, ang unang pumasok sa isip niya, imposibleng si Aaron iyon. Kung may nangyaring masama sa kapatid niya, kinutuban man lang sana siya. Gaya noong namatay ang Mama nila. O kung hindi man siya, ang Papa nila. Sensitibo raw iyon sa mga ganitong bagay. Tumawag man lang daw sana ang Papa nila para kumustahin sila. Pero wala kahit na anong premonisyon. Nitong mga sinundang araw, ni hindi man nga lang daw niya naisip si Aaron. Hindi na rin niya ito isinasali sa pagtatakal ng isasaing, o iginagahín sa niluluto o binibiling ulam. Ang nasa isip lang daw niya, kung ano’ng gagawin niya paglabas ng resulta ng nursing board exam. Kung paano nito mababago ang mga sarili niyang plano sa buhay.
Sanay naman kasi siyang nawawala si Aaron ng dalawa-tatlong araw. Kahit noong nag-aaral pa ito, sasabihing nakitulog sa kaibigan, umakyat na naman ng Banahaw, minsan e mag-isa, minsan e kung sino-sinong kasama na di naman niya kilala, laging bitbit ang DSLR na regalo ng Papa nila—kung bakit kinukunan nito kahit mga tuyong dahon, pormasyon ng mga bato, lagaslas ng tubig sa talon—o kaya naman, naglibot-libot sa Pila o sa Paete o sa Pakil o sa Pagsanjan, tumititig sa mga lumang bahay at matatandang simbahan, sa mga monumento at retablo ng kung sino-sinong wala nang nakakakilala, at nagsusulat.
“Pasensiya na, Eman, wala na akong maisip tawagan,” sabi ni Jan. Una raw niyang tinawagan ang number ni Aaron, siyempre. Umaasang sasagot ang kapatid at pagtatawanan siya sa balitang iyon. Wala, cannot be reached na. Saka niya raw tinawagan ang Papa nila. Ring lang nang ring hanggang mag-busy. Ilang beses pa niyang tinawagan. Pero wala, malamang na nasa planta ito kaya hindi masagot ang tawag. Nagtext na lang siya na tawagan siya agad, emergency. Noon siya nakaramdam ng pagkainis sa pag-alis ng ama, kung bakit ito nauna pa ito sa nabalitang paglipat ng planta ng Franklin Baker Company sa Davao. Halos tatlong taon lang ang tanda niya kay Aaron, paano niya haharapin ito nang mag-isa? Bigla siyang nakaramdam ng bigat sa laya ng kapatid na basta lang umalis nang umalis, pumunta sa kung saan maibigan, kahit balewala naman talaga iyon sa kaniya dati. May sari-sarili naman silang buhay. Naisip kong mabuti na ring hindi ako nagkakapatid. Wala akong poproblemahin, kung sakali. O walang namumrublema sa ‘kin nang ganito.
Pagbaba namin ni Jan ng tricycle sa tapat mismo ng istasyon, nag-aabang na si PO2 Bruegas, naka-unipormeng asul, may sukbit na .45 sa beywang. Mas bata sa inaasahan ko. Mukhang matanda lang kay Jan ng isa o dalawang taon. Tinanong niya kung nagtanghalian na raw ba kami dahil didiretso na kami sa Tiaong. Umoo si Jan. Hindi ko na sinabing ni hindi pa ako nag-uumagahan. Hindi na niya kami pinaupo sa loob ng istasyon. Mukhang matagal nang nakapagpaalam sa mga kasama si PO2 Bruegas at parang siya ang namatayan na nagmamadaling iginiya kami sa gilid ng istasyon kung saan nakaparada ang sarili niyang owner. Kalmado namang tumabi sa kaniya sa unahan si Jan matapos akong ipakilala. Nagmamaniobra pa lang si PO2 Bruegas palabas ng masikip na parking lot, tinanong na ito ni Jan kung kailan daw nakita ang katawan. Katawan na lang si Aaron, ang kaibigan kong una kong naringgan ng dalawang magkasunod na putangina noong grade two sa field trip namin sa Nayong Pilipino dahil masaya lang siyang nagba-bike; ang unang nanuntok sa akin sa mukha dahil iginawa ko siya ng project sa Home Economics noong grade five kami at napahiya siya sa buong klase. Katawan na lang ang kaibigan kong pinagkatiwalaan ako ng mga lihim niya: ang mga labis niyang daliri sa paa, ang paminsan-minsan niyang pagkawala. Siya rin ang nagturo sa aking magyosi, uminom, magsalsal, ang nanghikayat na magpahikaw sa tenga, magpatato, magbasa ng tula, kahit wala akong ginawa sa mga iyon.
Sinabi ni PO2 Bruegas na noong umaga lang din daw na iyon nakita si Aaron, pero mukhang mahigit beinte-kuwatro oras nang patay. Wala lang nakakita agad dahil malayo nga sa mga kabahayan iyong highway. Nagkataon lang na may mga nagbaba ng sako-sakong bao na uulingin noong umagang iyon at naamoy nila ang sangsang ng bangkay. Nakita nga nila, halos tatlong metro lang daw ang layo sa mismong highway na dinadaanan ng mga bus na biyaheng Lucena at Bikol. Noon na sila napatawag ng pulis. Nakasuot daw ng puting damit, itim na maong, sandals. Naroon pa ang pitaka sa kanang bulsa sa likod ng pantalon, kaya nalaman ang pangalan at kaya raw nakontak si Jan.
“Ano raw pong ikinamatay,” mas mahina na ang boses ni Jan.
“Hindi pa sigurado,” sabi ni PO2 Bruegas. “Pero may mga saksak at bugbog daw sa katawan. Makikita natin. Hindi naman sila nagbigay ng mga detalye.” O hindi rin gustong magbigay ng detalye ni PO2 Bruegas. Paano mo nga naman iisa-isahin ang karahasan na pumatay sa kapatid ng isang tao? Hindi na umimik si Jan.
Halos dalawang linggo na mula nang huli naming pagkikita ni Aaron. Pasado alas-kuwatro ng hapon nang pinuntahan niya ako noon sa opisina ng The Southern Tagalog Mail. Alam kong hindi pa rin siya sang-ayon na doon din pala ako babagsak. Na nag-aral ako’t nagtapos ng Information Design sa Ateneo pero ang kalalabasan e makukulong din pala ako sa diyaryo namin. “Sa diyaryo ng mommy mo,” iyon ang tawag niya sa Mail, dahil totoo namang kay Mommy iyon, pero alam ko rin ang ibig niya talagang sabihin. Na si Mommy e publisher ng diyaryo na municipal councilor din sa Nagcarlan, kahit sa San Pablo naman talaga ito umuuwi. Na wala namang nagbabasa ng Mail maliban sa mga sumusubaybay sa apat sa walong pahina nito na tungkol sa mga anunsiyo ng pagmamay-ari sa titulo ng lupa, o pagbati ng mayor o konsehal o congressman ng ganito’t ganyang bayan, o palakihang obitwaryo ng kung sino-sinong inaaalala umano ng nagluluksa nilang mga kamag-anak at kaibigan. Na sa bandang huli’y maiiwan akong nag-aasikaso, hindi ng diyaryo, kundi ng mga makina namin na mas kumikita sa pag-iimprenta ng mga tarheta’t pamaskil ng mga kandidato kung eleksiyon, ng mga tiket ng samot-saring raffle, pa-bingo, Mister & Miss ng baryo rito’t baryo roon o ng eskuwelahan sa kaliwa’t kanan. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi sila naging magkasundo ni Mommy kahit noong mga bata pa kami. Parang laging may mababasag kapag nagkakaharap sila.
Gusto kong sagutin si Aaron noon. Ikaw ba, ano ba’ng balak mo? Ikaw nga ang wala pang ginagawa. Patambay-tambay, pagala-gala lang sa kung saan-saan. Pero kasama iyon sa mahaba-haba na ring listahan ng mga gusto kong gawin at sabihin, pero hindi ko kayang gawin at sabihin, lalo na kay Aaron. Pag si Aaron ang kaharap at kausap ko, nagiging depressing ang mundo. Kumukulog at kumikidlat kahit santing na santing ang araw. Parang laging apocalypse na kinabukasan. Pero kung bakit gusto ko pa ring nakakasama siya, kahit paminsan-minsan. Lalo na noong nag-college nga ako sa Maynila at naiwan siya sa San Pablo. Baka totoo rin ‘yung assessment n’ya nung umakyat kami sa San Cristobal, na bundok daw ng diyablo. Na maganda rin ‘yung pakiramdam na nasa pagitan ka ng lahat-lahat sa isang banda at sa kabila, ng biglang wala na lang lahat. Pagitan ng lahat at wala. Na kahit nagpapaka-safe ako sa buhay ko, may fantasy rin ako na gustong mapalagay sa panganib. Na exciting din na mapahamak paminsan-minsan basta’t may garantiyang di ikamamatay ang pangangahas. Parang tauhan sa computer game na may pagkakataong mag-continue kahit nag-game over na. O parang nasa reality show. Na may kamera sa pagitan ng tao at ng gumagapang na ahas o anumang panganib ng kalikasan sa Survivor; o na may nag-aabang na rescue team sa bawat stunt ng Fear Factor; o na nasubok nang ligtas ang bawat “Detour” at “Roadblock” sa Amazing Race, bago pa man ipagawa sa kalahok.
Labas tayo, Eman, sabi ni Aaron, pagkabukas niya ng pinto ng opisina na ibaba rin ng bahay namin sa Alcantara Subdivision, sa likod lang ng katedral ng San Pablo. Nagbabasa lang ako noon ng issue 28 ng GamesMaster Philippines. Hindi siya tuluyang pumasok, ni hindi niya binati o tiningnan man lang si Mommy, na naroon lang din at nakayuko naman sa pagpu-proofread ng ilalabas na isyu ng Mail sa parating na Lunes. Hindi rin siya binati o tiningnan man lang ni Mommy. Ikalawang araw iyon pagkatapos ng graduation ni Aaron na hindi niya dinaluhan, dahil sabi niya’y magmamartsa lang naman at uupo ng apat-limang oras para makinig sa kung sino-sinong hindi naman niya pinaniniwalaan. Napaka-cynical mo talaga, biro ko na lang sa kaniya noon, kahit pa may kaunting inggit na may option siyang hindi dumalo sa graduation. Si Mommy, naunahan pa akong bumili ng isinuot niya sa graduation ko.
Alam ko ang ibig sabihin ni Aaron kapag nagyayaya siyang lumabas. Maglalakad kami hanggang Sampalok Lake, maglalakad nang hindi nag-uusap pababa sa hagdan, pababa hanggang sa gilid ng lawa. Tatanawin ang nanlalabong tubig na napapaligiran ng water lily. Mag-e-emote nang kaunti. Ibig sabihin, tatanga lang sa malapit nang lumubog na araw, na sa palagay ko’y hindi ginagawa ng normal na tao. Pero hindi nga siya normal, paalala ko sa sarili. Pagkatapos, saka kami papasok sa Andoy’s na bukás 24 hours. Restawran sa umaga na specialty ang iba’t ibang putahe ng tilapia, na masisilip mong lumalangoy-langoy sa tubig sa ilalim ng sahig na kawayan. Sarsiyadong crispy fry, nilagang sinilihan, ginataang ibinalot sa dahon ng kulis, inihaw na relleno, sweet & sour. Sa gabi, bar. May beer, may videoke. Kapag mga ganoong alas-singko ng hapon pa lang, hindi mapalagay ang Andoy’s kung gusto na ba nitong maging bar at pabahain ang alak, o kung gusto pang pahabain ang pagiging restawrang pampamilya. Umorder kami ng tig-isang pilsen. Maghahatinggabi na kami naghiwalay noon pero wala na akong maalala sa pinag-usapan namin. Malamang, tungkol na naman sa mga isinusulat niyang kuwento na laging may aswang at manunulat, o puta at manunulat, o puta at aswang. Na dahil madalas na hindi ko naman naiintindihan ang gusto niyang palabasin e dinadaan ko na lang lagi sa biro na gawin naman niya akong tauhan minsan, kahit extra lang. Kahit ganoong nagjo-joke ako, hindi pa rin siya tumatawa. Napipigilan din tuloy ang pagtawa ko. Gusto ko siyang batukan at sabihan, chill, pare. Pero alam ko rin na pag ginawa ko ‘yun, titingnan lang niya ako, gaya ng mga hindi ko makuhang tingin ng mga puta, ng mga aswang, ng mga manunulat, sa mga kuwentong isinusulat niya.
Sinalubong kami ng nagpakilalang PINSP Arreglado sa istasyon ng Tiaong. Bahagyang sumaludo bago nakipagkamay si PO2 Bruegas. Sinabi agad sa amin ni PINSP Arreglado na nasa Tiaong District Hospital na ang bangkay. Nag-request na rin daw sila ng agarang autopsy report. Namaalam siya sa isa sa mga kasama niya roon. Sinabi niya kay PO2 Bruegas na owner na nila ang gagamitin namin. Mas maganda naman pala kasi ang service ng Tiaong. Mukha pang bagong-bago kaya gustong idispley sa kapwa-pulis. Tumabi kay SPO1 Arreglado si PO2 Bruegas at kami naman ni Jan ang magkatabi sa likod. Malapit lang daw ang ospital. Wala pang limang minuto.
Noon ako unang talagang kinabahan. Ano ang magiging reaksiyon ko kapag nakita ko ang katawan ni Aaron? May tama bang reaksiyon sa mga ganitong sitwasyon? Pasimple kong pina-ring ang number ni Aaron. Wala, cannot be reached talaga. Tumingin sa akin si Jan. “Mas madalas mo pa ‘atang nakasama ang utol ko,” buntong-hininga niya. Hindi ako sumagot. Hindi rin totoo iyon. Mas madalas na mag-isa lang si Aaron. O kung hindi man, mas madalas na hindi kami ni Jan ang kasama niya, lalo pa nitong nagdaang tatlong taon simula nang mamatay sa sunog ang Mama nila.
We will see in the long run that the one who created us is the only one capable of truly ruining us. Iyon ang huling text ni Aaron sa akin. April 3, 2006, 00:23 AM. Bihira lang siyang magtext. At kapag nagtext pa, ganoon ka-weird. Iyung text na sa ordinaryong araw, iisipin mong may tama talaga itong taong ‘to, bakit ko ba naging kaibigan ‘to, tapos mapapangiti ka sa sarili mo kasi nga kaibigan mo ang taong ‘yun, ang baliw na iyon na gaya mo’y gising pa sa kung saan kahit pasado alas-dose na ng madaling-araw. Kaya hindi ko binubura ang mga biglaan niyang text na gaya noon. Na hindi ko rin naman sinasagot. Anong isasagot ko sa ganoon?
Minsan ipinababasa ko ang mga iyon sa kanya kapag nagkikita kami. O, basahin mo ang kawirduhan mo, sasabihin ko. Ano’ng iisipin mo kapag ikaw ang nakatanggap ng ganyan? Ano ba’ng ibig sabihin n’yan? Saan galing iyan? Tatawa lang siya tapos sasabihin lang e burahin ko na kasi. Bakit ko raw isini-save, e ang mga text daw na gaya noon, para sa sandali lang na iyon kung kelan n’ya ipinadala. Wala nang silbi sa ibang araw, sa ibang oras. Pero hindi ko nga binubura ang mga text niya hangga’t hindi napupuno ang inbox ko. Ipagpapasalamat ko iyon dahil makatutulong pala ang mga iyon sa paghahanap ko ng sagot sa pagkawala niya. Gaya ng mga picture na kinuhanan niya sa kaniyang Canon EOS 3000, gaya ng mga puta, aswang at manunulat sa mga kuwento niya. Pero matagal-tagal pa bago ko ito matutuklasan at mapapagtagni-tagni.
Nakipag-usap sa nurse sa information desk ng ospital si PINSP Arreglado. Pasimple akong sumusulyap kay Jan. Ano kaya’ng iniisip niya na papasok siya sa ospital hindi para mag-duty kundi para mag-identify ng katawan ng sarili niyang kapatid? Biglang pumait ang laway ko. Para akong masusukang hindi. Hindi ko talaga nagustuhan kahit kailan ang amoy ng ospital. Naaalala ko kasi si Dad, siyempre, at ang panahon ng kabataan ko na paminsan-minsan akong isinasama ni Mommy sa ospital para dalawin siya. Pero hindi rin ako pinagtatagal doon dahil masama raw sa batang lagi na lang pumupunta sa ospital. Paglaki ko na malalamang hindi iyon lang ang dahilan, na hindi basta ospital iyon kundi ospital ng mga baliw.
Sinamahan kami ng isa pang nurse papunta sa morge sa kanang dulo ng ospital. Habang naglalakad, sinabi nitong wala raw silang residenteng medico-legal officer. Kailangan pang mag-request sa San Pablo Medical Center, at kailangan ng consent ng pamilya. Hindi ko naisip agad na puwedeng may iba pang bangkay doon pero apat ang dinatnan naming may talukbong ng kumot. Litaw ang mga talampakan at daliri sa paa. Naalala ko ang isa sa mga sikreto ni Aaron. Ang una sa mga lihim na ipinagkatiwala niya sa akin. Tig-anim ang mga daliri niya sa paa. Ano’ng tawag mo sa pang-anim? Biro ko na lang nang ipakita niya sa akin iyon matapos ang klase sa PE noong first year high school. Hintatawad, sabay ngiti. Isa iyon sa iilang pagkakataon na ngumiti siya. O hinbobonus, kung gusto mo, hirit pa niya. Tangnang korni, sabi ko. Kung ibang pagkakataon iyon, proud na proud sana akong nakapagbitiw ng mura nang kasing-karaniwan ng pagbibitiw dito ni Aaron, pero ang nasa isip ko noon e kung ano’ng pakiramdam na may extrang mga daliri sa paa. Ano’ng silbi noon samantalang wala na nga akong mapaggamitan sa lahat ng mga daliring meron ako. Hindi naman iyon gaya ng extrang kamay o extrang mata na na-iimagine kong may extrang gamit din. Ikaw pala si Beinte-dos, sabi ko na lang. Tangna, ikaw ang korni e, hirit niya. At mula noon, iyon na ang naging espesyal na tawag ko sa kanya kapag walang ibang nakakarinig.
Lumapit kami sa kama na nasa dulong kanan. Pinigilan kong magbilang ng mga daliri sa paa. “Ito ‘yung Santamaria,” sabi nung nurse. Parang karne lang na ibinebenta sa palengke ang ipinakilala. O brand ng sapatos sa department store. Ang lalim ng pinaghugutan ng hininga ko nang hawiin ang tela na nakatabing sa mukha. Parang naghahandang mag-dive sa ilalim ng dagat nang walang oxygen tank. Hinawi ang kumot sa mukha. Hindi si Aaron! Hinila pa ng nurse pababa hanggang tiyan ang kumot. May ilang saksak sa kaliwang sikmura, may pasa rin sa mga braso’t dibdib. Tiningnan ko uli ang mukha. Nakapikit, nalinis na ang dugo, pero nag-uube’t naninilaw pa ang ilalim ng kanang mata, kahit sa bahaging noo at leeg. Hindi, hindi talaga si Aaron. Kasingkatawan ni Aaron, at posibleng kaedad nga namin, pero hindi si Aaron ito. Noon ko sinulyapan ang mga daliri sa paa. Isa, dalawa… sampu! Lumuwag ang paghinga ko. Gusto kong magsisigaw at yakapin si Jan at ang nurse at kahit siguro ang tatlong iba pang bangkay na naroon. Gawin ang lahat ng ka-OA-yan ng mga napapanood sa teleserye.
Pero napansin kong nakatayo lang nang tuwid si Jan, halos hindi gumagalaw. Maya-maya’y bumulong siya kay PINSP Arreglado, siya nga po iyan, iyan po ang kapatid ko, iyan nga si Aaron.
Nag-init ang puno ng kaliwang tenga ko. Para akong maiiyak. Gaya noong sinabi ni Mommy na hindi na namin madadalaw sa ospital si Dad, na wala na si Dad. Gusto kong mag-teka lang, sabihin na hindi totoo iyon, na hindi iyon si Aaron, pero kinumutan na ulit ng nurse ang katawan at mukha. Napahawak ako sa kaliwang braso ni Jan.
Tumingin sa akin si Jan. Tiningnan ko siya. Sa mga mata niya, ang naroon lang, nakakanlong sa namumuong luha, ang halo-halong lungkot, panghihinayang, hinagpis, galit, titig, titig ng isang kapatid, ng nakatatandang kapatid, na totoong-totoong nagluluksa.
(This chapter is from my novel Sa Kasunod ng 909, first published by UST Publishing House in 2012. A complete edition is set to come out in 2020 as the second book of Trilohiya ng mga Bílang. Go to BOOKS to see all my books. Buy the new edition of the novel via Santinakpan. If you want to include this chapter in your textbook or anthology, kindly contact me to ask for permission. Art work above is by Sean Sonsona.)
Leave a Reply