TUWANG-TUWA SI TATAY sa balita niya sa akin. “Uuwi na ang Nanay mo!” sabi niya habang nasisilip ko na halos ang ngala-ngala niya sa kaniyang pagtawa. Hindi ko alam kung matutuwa rin ako. Kasi, hindi ko pa naman talaga nakikita nang totohanan si Nanay.
Alam ko lang ang itsura niya dahil sa mga picture. Lagi siyang may karga-kargang bata. Nung nakaraang Pasko, nagpadala siya ng picture na kasama nila si Santa. Isang beses ko pa lang siyang nakausap sa telepono. Itinanong ko kung ano’ng hiniling kay Santa nung batang buhat-buhat niya. Tawa lang nang tawa si Nanay. Parang hindi niya naririnig ang sinasabi ko.
Maliit na maliit pa raw ako nung umalis si Nanay papuntang Hong Kong. Karga-karga nga raw ako ni Nanay nang ihatid siya sa airport ng buong angkan namin.
“Tatay, bakit po ba umalis si Nanay?”
Tinitigan muna ako ni Tatay bago siya sumagot. Laging ganoon si Tatay kapag may itinatanong ako tungkol kay Nanay. “Alam mo anak, kailangan kasi ang tulong ng Nanay mo sa ibang bansa. Aba, ang galing naman kasi ng Nanay mo.
“Ang Nanay mo kasi, kayang-kayang talunin ang milyon-milyong mikrobyo sa bahay. Isang pasada lang niya ng wonder walis niya, Swissss! Patay lahat ng dumi na nagdadala ng sakit.
“Kayang-kaya ring pataubin ng Nanay mo ang gabundok mang labahin. Sa maghapon, kuskos dito, piga doon. Walang sinabi ang mantsa! Lilinis at puputing tiyak ang labada.”
“Para po palang si Darna si Nanay, Tay! May power.”
“Anong parang si Darna? Si Darna talaga ang Nanay mo,” pagmamalaki ni Tatay. “Aba, kahit sino’y hindi niya inuurungan! Sinumang umiiyak na bata’y tumatahan agad kapag kaniyang inawitan. Kaya nga gustong-gusto siya ng kaniyang tinutuluyan at ayaw na siyang paalisin.”
“Pero ‘Tay, kung si Darna po si Nanay, bakit bukas pa siya darating? Bakit di na lang niya liparin papunta rito sa ‘tin para mabilis?”
Napangiti lang si Tatay. “Liliparin nga niya. Kaso lang, kailangan niyang tawirin ang isang malawak na dagat bago siya makarating dito sa atin.”
Isang malawak na dagat pa pala ang tatawirin ni Nanay. Hindi kaya siya maligaw? Hindi tuloy ako makatulog nang gabing iyon. Makilala pa kaya ako ni Nanay? Aba, ipagmamalaki ko siya sa mga magiging kaklase ko sa pasukan. Si Darna yata ang Nanay ko!
Naku, umaga na pala! Ang ingay sa labas. Ano raw? Nandiyan na si Nanay? Aba, hayun nga’t may bumababa sa dyip ni Tatay. Nandito na si Nanay! Kamukhang-kamukha nga ni Nanay ang babae sa picture. Ang ganda pala lalo ni Nanay sa totohanan. Ano kayang itsura niya kapag siya na si Darna? Buhat-buhat ni Tatay ang isang malaking kahon. Hila-hila naman ni Nanay ang isang malaking bag.
Nahiya akong magpakita kay Nanay pero ‘yung ibang mga tao––mga tito at tita ko, mga kapitbahay namin––nakapaligid lahat kay Nanay. Alam na kaya ng lahat ng tao sa bahay na siya si Darna? Saan kaya niya itinago ‘yung batong agimat niya? Nagpalakpakan ang lahat nang buksan ni Nanay ang kahon.
Naglabas ng paisa-isang gamit si Nanay mula sa kahon. Iyung pantuyo raw ng buhok para kay Tiya Lupe. Iyung pantimpla ng kape kina Manang Letty. Iyung pandurog ng mga prutas kina Manong Ben. Ang dami pang iba. Ang galing! May madyik lahat ng mga gamit na dala ni Nanay. Meron din kaya siyang ibibigay na madyik para sa akin?
“At siyempre, itong mga librong ito at mga krayola na pangkulay ay para sa mahal kong anak na si Popoy.”
Ako ‘yon! Ako ‘yon! Naalala pala ako ni Nanay. Wow! Ang gaganda ng pasalubong ni Nanay. Parang nakababasa siya ng isip. Alam niya na mahilig ako sa libro kahit hindi naman niya ako tinanong. Kasama kaya iyon sa mga power niya?
Hindi na talaga ako nakatiis. Kailangan kong magtanong. “Nanay, kayo po ba talaga si Darna?”
Napatingin lahat ng tao sa akin.
Napasulyap si Nanay kay Tatay.
Ngumiti lang si Tatay.
Ngumiti rin si Nanay at saka ako niyakap nang mahigpit na mahigpit.
(This children story won Grand Prize in the 2002 PBBY Salanga-Writer’s Prize. If you want to include this in your textbook or anthology, kindly contact the author to ask for permission. Go to BOOKS to see all my books.)
Leave a Reply