PAGBABALIK SA KUNDIMAN: Introduksiyon ni Virgilio S. Almario sa PAG-AABANG SA KUNDIMAN: ISANG TULAMBUHAY

Kapag nagsimula kang maglakbay pauwi sa Ithaka,

NAPAKAHALAGA ng habilin ni C.P. Cavafy (Konstantinos Petrou Kabaphes) para sa sinumang maglalakbay pauwi sa kaniyang sariling “Ithaka.” Tulad ng sinapit ni Odysseus, maaaring humaba ang paglalakbay. Ngunit sinasabi ni Cavafy na isa iyong pagkakataon at dapat ipagpasalamat. Sapagkat kung sakaling tulad ni Odysseus ay sumapit ang manlalakbay sa isang Ithaka na kaiba sa kaniyang inaasahan, mauunawaan niya ang kabuluhan ng Ithaka dahil sa karunungan at karanasang nakamit niya habang naglalakbay pauwi.

Napakahalaga ng habilin ni Cavafy, lalo’t isasaisip natin ang pahayag ni Thomas Wolfe: “You can’t go home again.” Walang nakauuwing manlalakbay sapagkat wala na ang bayan o tahanang uuwian. Babalik siyang isang estranghero sa kaniyang sariling bayan. O babalik siyang tulad ni Odysseus na nakalimutan at nakilala lamang ng kaniyang huklubang alagang aso at ng kaniyang matanda nang yaya.

Kaya kagila-gilalas ang motibo ng aklat na Pag-aabang sa Kundiman ni Edgar Calabia Samar. Isang aklat ito ng pagbabalik pauwi. Kagila-gilalas, dahil isang kabataang makata (na 24 anyos nitong nakaraang Pebrero) sa kaniyang unang aklat ng tula ay naghahangad nang bumalik sa pinanggalingan. Itatanong nating higit na nakatatanda, Ilang baldeng tubig na ba ang iyong nainom? Ilang libong subyang na ang tumimo sa iyong talampakan? Kahit sa pamantayan ni Odysseus, na sampung taong nakilahok sa pagsalakay ng mga Griyego sa Troya at sampung taon pa ang ginugol bago nakauwi sa Ithaka, napakaikli pa ng buhay para kay Samar upang magnais umuwi. Subalit mula sa panimulang tula (“Alibugha”), idineklara ng kabataang makata ang masidhing hangad na magbalik sa sariling bayan kahit salungat iyon sa “tagubilin ng Makata” pagkaraan ng maikling panahong pagkawalay (“siyam na taon”) at pakikipagsapalaran sa lungsod.

Gayunman, hindi ang ating kabataang makata ang tauhang manlalakbay sa aklat. May pangalawang pamagat ang aklat na “isang tulambuhay.” Tulambuhay? Tula+ng+buhay. Naalala ko ang nilikha noong pantapat sa nobela – “kathambuhay” (katha+na+buhay). Maaari pa ring paghinalaan na ang “tulambuhay” ay isang mapaglarong balatkayo lamang para sa “talambuhay.” Subalit tulad ng naipahiwatig ko na, nagsikap si Samar na lumikha para sa atin ng isang persona – si Elias – upang siyang magsiwalat sa atin ng kaniyang mga “lungkot at takot” na maaari lamang magamot ng kaniyang pag-uwi. Bahagi siya ng grandeng disenyo ni Samar upang lumikha ng sariling odisea.

Si Elias ang kaniyang Odysseus na may Sto. Niño bilang Ithaka at may isang Ligaya bilang Penelope. Ang lungsod ang Troyang sinuong ni Elias, isang lungsod na ikinarimarim niya

ang ingay ng sasakyan at mga bangayan,
ang dilim sa mga nilimot na lansangan,

at sanhi ng kaniyang araw-gabing pangungulila sa Sto. Niño, sa pamilya’t kaibigan, at sa naiwang kasintahan. May inaantig sa ating gunitang pampanitikan at pangkasaysayan ang mga naturang pangalan. Si Elias ay saulado nating isang magiting na anak ng bayan sa nobela ni Rizal. Si Ligaya ay isang karaniwang pangalan ng mithing aliw at sigla ng buhay, gaya ni Ligaya Paraiso sa Mga Kuko ng Liwanag. Ang Sto. Niño ay isang napakapopular na ikono ng pagsampalatayang Kristiyano – ang sanggol pang Kristo, at ang hulagway ng kamusmusan at daigdig ng muslak na kaisipan, ang daigdig na malayo at ligtas sa matatalim at malulupit na bighani (ang “mga kuko ng liwanag”) ng lungsod.

Maliwanag, isang paglalakbay na Filipino ang odisea ni Elias. Sa talinghagang ito nakasalig ang natatanging bisa at salimuot ng
pagtula sa aklat ni Samar.

Sa ganitong pagbasa, may dalawang magkayakap na sanga ang landas ng paglalakbay ni Elias. Unang sanga ang paghahanap ni Elias sa kabuluhan ng sariling buhay, ang kaniyang personal at panloob na pagsisiyasat sa sarili tungo sa tinatawag nating pagkatanto ng pagkatao. Kay Carl Jung, ito ang arketipo ng individuation, ang karunungan o katangiang ikaiiba ng bayaning pampanitikan sa kapuwa tao pagkatapos magdaan sa mga pagsubok sa buhay bilang paglalakbay. Na maaaring hindi ganap na sinusunod sa proseso ng pagpapakatao, gaya ng dinanas ni Elias sa aklat ni Samar.

Kapag sinuri ang pagkatao ni Elias, hindi siya ang bayaning Homeriko. Ni hindi siya ang magiting na anak ng bayan sa Noli Me Tangere. At marahil, ibig lumikha ni Samar ng isang parikala sa pamamagitan ng kaniyang pangunahing tauhan. Sa halip na isang bayaning matatag sa pagsuong sa panganib, si Elias ng Sto. Niño ay isang tauhang mahina ang loob, walang tiwala sa sarili, at nahihindik na saksi sa kaniyang daigdig. Isa siyang talunan, kahit sa mga laro noong musmos pa sila ni Ligaya, at tumatakas sa anumang paninindigan. Pagtatapat niya sa“Hindi Ako Masusugatan”:

Alam ko: may mga pagkauhaw na hindi maaampat
ng ulan. Tulad ng pagnanasang umuwi
sa pinagmulang bayan. O ng paghahanap ng mamahalin
at paniniwalaan sa harap ng takot
na magurlisan ang dibdib ng mga kawalang-
katiyakan. Ngunit sabihin mo, paano ako masusugatan
sa anumang pag-ibig o pananalig
kung bago pa man ang lahat, maging langit,
ay una ko nang binibitiwan ang paalam?

Binabagabag siya ng mga “alingawngaw ng kamatayan” at dalita noon sa nayon at ngayon sa lungsod; inuusig siya ng pighati sa alaala ng trabaho ng amang panadero at kakatwang pagkawala ng ina sa gubat; tumitimo sa kaniyang isip ang mga inililiham ni Ligaya na malalagim na balita sa nayon. Ngunit patuloy niyang iginigiit na:

Tumatakas ako dahil ibig kong umibig
sa kabila ng mga pighati at kamatayan sa paligid.
Ayokong maging saksi sa anumang kamatayan.

Anupa’t sa sangang ito ng pagbabalik, ang pagbabalik ni Elias ay isang pagtanggap sa mga tungkulin at pananagutan ng pagpapakatao. Bilang isang makata, nangangahulugan ito sa wakas ng pagtatakwil sa mga bagahe sa isip – ang abas sa tulang “Abas sa Wakas” – at ng pagkatigatig sa pangyayaring wala siyang “alam liban sa musa at tula.” Ang pagbabalik ni Elias sa Sto. Niño ay isang pasiyang humarap sa katotohanan at makiisa sa lumbay at pakikihamok sa buhay ng mga kapuwa tao.

Ikalawang sanga ng landas ni Elias ang pagbabalik sa gunita ng bansa. Dito higit na matatanghal ang paglalakbay ni Elias bilang isang odiseang Filipino. Ang Sto. Niño ay isa ring kathang repositoryo ng pambansang gunita. Sa kabila ng atrasado at mabagal na pintig ng buhay sa nayon ni Elias ay nabubuhay pa doon ang mga sinaunang pamahiin, kaugalian, alamat, panitikang-bayan, at tradisyonal na kaisipan. Pinagtakhan niya at kinatakutan ang mga ito mulang pagkabata, lalo na ang kuwento
ng sipay, tiyanak, at engkanto, at bahagi ng mga nais niyang limutin nang magtungo sa lungsod.

Dito ko kailangang muling banggitin ang kanina pa dapat ipinaliwanag na “Makata” sa aklat. May mga hiwalay na tulang nakaukol sa tauhang ito. Sa pagbasa ko, waring siya ang huwarang manunulat ni Elias na nakatagpo niya sa lungsod. Tulad ni Thomas Wolfe, itinuro ng Makata kay Elias na: Walang bayaning lumalayo’t umuuwi nang nag-iisa. Ang sagimsim na ito ang humadlang kay Elias upang magbalik sa Sto. Niño. Sa paglalarawan na rin Elias, lumaki sa ibang lupain ang Makata at walang lunggati kundi hanapin ang Kawalan. Ngunit sa pamamagitan ng maiikling tula/talâ tungkol sa Makata ay naisadula rin ni Samar ang unti-unting pagsulong ng kamalayan ni Elias palayo sa naunang pagkabighani niya sa Makata. Hindi tulad ng Makata, ayaw niyang maging “ligtas na ligtas sa Kaligtasan,” kaya’t ipinasiyang makisangkot sa buhay ng sangkatauhan sa wakas. Hindi tulad ng Makata, hindi niya masunog ang sariling Alaala, kaya’t kailangan niyang bumalik sa Sto. Niño upang agawin sa limot ang sinaunang pambansang gunita, muling tipunin ang mga ito upang magdulot sa kaniya ng lakas, at bilang makata, upang maipahiyas at maipagparangalan sa kaniyang taludtod.

Sa pamamagitan ng pagsuysoy sa naturang magkayakap na sanga ng paglalakbay ni Elias ay higit nating pakikinabangan ang paglalaro sa salita ng tulang pamagat ng aklat.“Pag-aabang sa Kundiman.” Isang totoong kalye sa Maynila ang Kundiman at ayon na rin sa tala ni Samar ay isa ito sa mga kalyeng kakrus ng malaking abenidang España. Anung gandang pagtitiyap ng pagkakataon para paglaruan ang magkasangang kabuluhan ng paglalakbay ni Elias! Sa isang banda, itinanghal ng tula si Elias na nasa kanto ng Kundiman at España at nag-aabang ng dyip. Umuulan at tinitigmak siya ng pangungulila. Nangungulila siya sa kaniyang personal na Sto. Niño. Ngunit pag-aabang din ito ng Kundiman. Kaya’t sa kabilang banda, ipinagugunita ng pangyayari kay Elias ang nalilimot na nating kasaysayan – tulad ng munting kalyeng kapangalan ng sarili nating kundiman na hindi natin napapansin kapag nanununton sa kahabaan ng banyaga’t kolonyal na kalinangang hatid ng España. Isang mapa ng pagbabalik sa kasaysayan ang tula ni Samar. Sa wakas, ang pagkamulat sa di-matatawarang halaga ng pamanang pambansa ang nag-udyok kay Elias upang talikdan ang tagubilin ng Makata at apuhapin habang papauwi – sa kabila ng nanlilimahid na upuan ng bus, maalikabok na lansangan, at maralitang tanawin sa paligid – ang matitimyas na alaala ng sariling bayan.

Malinaw ang kalatas ni Samar: Nasa pagbabalik na tulad ng kay Elias ang odisea ng makata at sambayanang Filipino tungo sa pagkagagap ng tunay na pag-ibig. Ang tunay na pag-ibig ukol sa katubusan natin bilang tao at bilang Filipino. Naniniwala ako. Nananalig ako. Ipagdiwang natin ang katuparan ng ating pagbabalik sa ating sariling Ithaka!

Ferndale Homes
16 Abril 2005

(This served as an introduction to my poetry book Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay, which was first published by ADMU ORP in 2006. In 2016, Librong LIRA published a new edition of the book and this essay was included as an afterword. Go to BOOKS to see all my books.)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Powered by WordPress.com.

%d bloggers like this: