SINTANDA NG TULA ang talinghaga ng buwan. Bukod sa araw, bituin, dagat, hangin, at bundok, wala nang puwersa ng kalikasan ang nakaantig sa emosyon at imahinasyon ng makata nang sinlalim at sindalas ng buwan. Sa isang awiting-bayang Cebuano, bangkang sasakyang patungo sa minamahal ang buwan. Sa isang kabanata ng Noli me tangere, ang liwanag ng buwan ang tumatanglaw sa mukha ni Basilio upang makilala ito ng inang si Sisa, at nang pumanaw ang huli sa pusod ng kagubatan, tanging ningning ng buwan ang nakiramay sa nagdadalamhating anak. Sa isang tula ni Amado V. Hernadez, tumanaw ang persona sa buwan “na mutyang busilak sa gunam-gunam,” saka buong kapaitang pinagdudahan ang buting inasahang ibubunga ng pananakop sa buwan ng siyensiya at teknolohiya.
Ngayon, narito ang Isa na Namang Pagtingala sa Buwan, ang unang koleksiyon ng mga tula ni Edgar Calabia Samar, na kumukuha ng lakas, bighani at bulo ng kaniyang taludtod sa sentrong talinghaga ng buwan. Sa tula na ang pamagat ay nagsilbing pamagat din ng koleksiyon, itinakda ng makata ang namamayaning tono at kapaligirang pandamdamin ng mga tula: ang pagal na himig at kalungkutang iniiwan ng mga kabiguan sa buhay, na tinitimbang naman ng matatag at inuulit na pasiya na labanan ang grabedad sa pamamagitan ng pagtingala sa buwan o paghanap ng liwanag o pagharap sa pagbuo ng tula. Sa gabing iyon ng pakikipagtipan ng persona sa minamahal, dumating ang malakas na bagyo, at pagkaraan, kapwa sila naghanap ng bendisyon ng kaliwanagan sa mukha ng buwan, subalit sila’y nabigyo. Pag-amin nga ng persona, “… nabuwal/ Na puno itong hilam/ Na damdamin.” Nanatiling nalulukuban ng ulap ang buwan–– “Nagtago siyang gaya/ Ng lupit ng pagsinta/ Na takot masalanta.” Subalit hindi sumuko ang persona. Aniya, “… pilit/ Kong dinungaw ang langit.” Mula sa pagkakalugmok, narito ang pasiyang bumangon.
Hindi lamang ang talinghaga ng buwan kundi pati ang iba’t ibang imahen at talinghaga ng kalikasan ang nagiging lunsaran ng pagkasumpong sa katotohanan sa maraming tula sa koleksiyon. Ang pangunahing sangkap na ito ng tula ni Samar ang nagdudulot dito ng aura ng wari’y madulas na kasimplehan, ng wari’y laging magaan at maalwang buhay sa tabi ng punóng kamalig at payapang ilog. Subalit malayo ang ganitong impresyon sa matutuklasan pagkaraan ng matalik na pagbasa ng mga taludtod. Sa halip, ang naroroon ay isang masalimuot na uniberso ng mga buhay ng nagkakasalisihan sa takot na masalanta pang muli ang dinalaw na ng bagyo. Banayad man ang hagod ng mga taludtod, naroon pa rin ang pait ng mapagkaitan ng kalinga at pagmamahal (sa “Kanto,” halimbawa), ang hapdi ng pag-alis sa nilakhang bayan (sa “Alibugha,” “Pananalig sa Kamalig,” o “Sapagkat Lagi’y Tinatanong Mo Ako”), at ang pakla at pait ng pagbabalik (sa “Mga Hapon ng Sipay,” “Paskong-Pasko,” o, “Kabataan”).
Ang pagtingala sa buwan, kung gayon, ay ang pagkatagpo ng makata sa landas patungo sa kaliwanagan sa kabila ng namamayaning kadiliman. At ito ay ang landas ng tula. Tulad ng sinaunang makata na nakatagpo ng mahahalagang aral sa siklo ng paglisan at pagbabalik ng buwan, sa pagbabago-bago ng anyo at liwanag nito, at sa kapangyarihan nitong gisingin ang guniguni ng tao upang lumikha ng isang anyo o hugis ng panaginip na nagdurugtong sa mga pagitan ng buhay, nasumpungan din ni Samar ang mga tema ng pagtatalusira sa sumpa, kapangyarihan ng kutob at damdamin, at paninimbulan sa pagbabago-bago ng panahon.
Sa tulang “Kanto,” hayag na hayag ang pagtatalusira ng ina na “niligawan daw ng engkanto” kaya humantong sa “maling gubat.” Isinilang sa araw ng Biyernes Santo, ang persona ang anak na kakambal ng hirap at pasakit. Ang pagtatalusirang ito ay nadaragdagan ng bigat ng alusyon sa kasaysayan at panitikan sa tulang “Elias,” ang pangalang ibininyag sa bunga ng kapangahasan sa gubat, at nagkaroon ng pagbabagong-kulay ang naratibo. Nagtalusira nga kaya ang ina? O, ayon sa “Sa Ating mga Palad,” isa lamang kaya itong yugtong di-mapipigilan bunga ng kakapusan ng tao sa kakayahang basahin nang ganap ang kaniyang palad at kasaysayan?
Gayon din naman kahirap tukuyin ang kutob at damdamin, o iyong “hindi mapangalanan” ayon sa tulang “Mabuting Balita.” Kinikilala man ang pag-iral at kapangyarihan ng kutob at damdamin, at maging ang pagsisikap ng makata na tumbasan ng karampatang salita ang paglalarawan nito, ang isusukling pag-unawa ng iba o ng mambabasa ay hindi pa rin maitatakda. “Ito ang salita” ang tanging nabigkas ng persona sa kaibigan na ang madalas na itanong sa kaniya na “Ano’ng ibig mong sabihin?” ay hindi malapatan ng sagot na angkop sa kutob nito at damdamin. Subalit naririto nga sa paghabi ng mga salita, sa pagtula, ang mabuting balita o simula ng pagsisikap na patawan ng anyo ang mga pitlag lamang ng puso. At sa tulang “Pagitan,” inihayag ang balintuna ng pagliit ng pisikal na pagitan sa mga tao bunga ng pag-unlad ng teknolohiya samantalang lumalawak ang pagitan sa kanilang mga damdamin.
Pinakamaraming tula ang pumapaksa sa pangangailangang manimbang o manimbulan sa pagbabago-bago ng panahon. Nariyan ang alibughang anak ng bukid na lumisan upang “mangarap palayo sa lupang pinagkakabuhayan ng pamilya,” iyong “inanod ng paghamon ng panahon”; ang maruming ilog na dating malinis at ang palanas na binakurang subdibisyon na ngayon; ang pananalanta ng digmaan; ang sari-sariling paghihiwalay; at ang mga walang katapusang ritwal ng pag-alis at pag-uwi.
Maraming bagay na maiibigan ng mambabasa sa mga tula rito ay mga karaniwang bagay lamang na halos hindi na nararapat pang bigyang-pansin bagaman tunay na nakapagpapabangon ng salit-salit na alaala ng buhay sa lungsod at lalawigan na pinaroona’t pinarituhan ng iyon at iyon ding persona sa mga tula. Nariyan ang pag-akyat sa punong mangga, pagsakay sa bus na pauwing probinsiya, pagtulog sa bus at ang panggising na tapik ng konduktor, paninimbang sa bisikleta, pagdaan sa panaderya, pagbabantang isisilid sa sako ang batang pilyo, pagputok ng gulo sa kamalig, pagsakay sa tren, pag-We Wish You a Merry Christmas ng mga bata, paghahanda ng meryendang sagimis at ginataang kalabasa, at paulit-ulit na pag-awit ng “Sa Wakas” ng Eraserheads.
Nakaaantig ng alaala ng kabataan at kawalang-malay ang mga detalyeng ito. Hindi nakaiilang ang mundo ng batang lalaking sakay ng nasadsad na bisikleta ngunit may dalang lungkot ang kaniyang paglaki nang may pag-alis-alis at pagbalik-balik sa tahanang may guwang na hindi maisara kahit ng talinghaga at malayang taludturan. Kapag pinagsama-sama, ang mga tula ay nagmimistulang rosaryo ng tuwa at hapis: mga tahimik, matiyaga, at paulit-ulit na panalangin na maibalik ang nawaglit na kamusmusan sa kabila ng kutob na ang ganito’y sadyang suntok lamang sa buwan. Samakatwid, sa pamamagitan ng mga detalyeng estratehiko, ng di-pumapalyang ritmo, at ng disiplina sa pagbubuo ng mga taludtod, natitighaw ang uhaw ng mambabasa sa mga talinghagang mainit ang dugo at hipo, at nababawi ang pagkakabingit sa bangin ng prosa ng ilang tula sa koleksiyon.
Natatangi rin ang pagkakalikha ng isang persona na ang tinig ay wari mula pa sa sinaunang panahon ng mutya, agimat, diwata, engkanto, alamat, at panaginip, na nakatatawid din naman sa mundong moderno. Mula sa nakaraang matandang panahon, dinadala ng persona ang mambabasa sa tula na nagtataglay ng maraming pagitan o patlang, pinong pahiwatig, makabuluhang paghinto-hinto sa pamamagitan ng paggamit ng italisadong linya, padaplis o pahiging, at katahimikan.
Sa huling tula, sa “Abas sa Wakas,” pinaaalalahanan ng persona ang lahat na bilog ang mundo at bilog din ang buwan. “Nag-uulit ang kasaysayan,” ani pa niya. Sa tanong hinggil sa nakaraan, ang pakli naman niya ay, “Wala/ Akong alam liban sa musa at tula,/ Sa pampang at punong tahanan ng mutya/ Na tinatanghuran ng bigo’t makata./ Ganito ko ibig na muling isumpa.”
Isang hamong panghabang-buhay na ito na tinanggap ng makata. Salamat na lamang at kahit lumiliit ang buwan, nabubuo rin itong muli.
(Isa Na Namang Pagtingala sa Buwan is a chapbook published by National Commission for Culture and the Arts in 2005 as part of its inaugural Ubod New Authors Series. Most of the poems here were eventually included in the author’s first poetry book, Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay, first published by ADMU ORP in 2006. Go to BOOKS to see all my books.)
Leave a Reply